Siniraan ng Babae ang Isang Kainan; May Pulubi raw Kasi Siyang Kasabay sa Pagkain Doon
Babala: Huwag na huwag na po kayong kakain sa kainang ito. Isang crew po sa kainang ito ang pinakain pa sa kanilang restaurant ang pulubi, imbes na paalisin ito! Hindi rin siya sinita ng mga kasamahan niya, maging ng kanilang boss!Hindi natin alam kung anu-ano ang dalang virus ng nakakadiring pulubing iyon, pero hinayayaan lang nila itong kumain kasama namin! #IsaraAngKainan
Iyon ang caption sa post ng isang isang babae, kalakip ang mga litrato ng isang restaurant crew habang pinagsisilbihan nito ang isang pulubi na animo iyon isang regular lamang na customer.
Kumakalat ngayon sa social media ang nasabing post at talaga namang umaani iyon ngayon ng mga reaksyon mula sa netizens.
Noong isang araw kasi ay kumain si Marissa sa isang maliit na restaurant at nang araw na iyon nga ay may nakapasok na pulubi roon. Ang buong akala niya ay lalapitan ito ng isang binatang crew upang paalisin, ngunit imbes ay inilibre pa nito ng pagkain ang nasabing matanda. Hinayaan nitong kumain ang naturang pulubi kasabay niya, at ng iba pang customers at inis na inis si Marissa dahil doon!
“Hindi ko ka-level ang pulubing ’yan!” reklamo niya noon sa may-ari ng kainan habang ipinapakita rito ang mga kinunan niyang litrato ng pangyayari.
Kumunot ang noo ng may-ari ng kainan. Akala pa nga niya noon ay magagalit ito’t tatanggalin ang pasaway na crew, ngunit imbes ay walang kasigla-sigla nitong ibinalik sa kaniya ang kaniyang cellphone.
“Kung ganoon po pala’y dapat ko pang i-promote ang baguhan kong empleyado, dahil sinusunod niya ang policy ng aming company na malinaw naman pong nakasulat sa bungad pa lamang po ng mismong store.” Ipinakita pa ng boss ang quote na nakasulat sa pader ng opisina nito…
“No Discrimination Policy. Everybody’s welcome!” ayon sa nakasulat.
Sa galit ni Marissa ay sinigawan niya ang may-ari ng kainan. “Hindi mo ba kilala kung sino ako? I’m an educator! Isa akong head teacher sa isang magandang paaralan. Marami akong koneksyon at kayang-kaya kong pabagsakin itong negosyo mo sa isang complaint ko lang!” pagmamalaki niya pa.
“Go ahead po, ma’am, karapatan naman po ninyong mag-complaint laban sa amin kung hindi po ninyo nagustuhan ang service,” matapang namang sagot ng may-ari.
Galit na umalis sa opisina nito si Marissa at nang makauwi’y i-p-in-ost na nga niya sa social media ang kaniyang reklamo. Ngunit imbes na kampihan ay siya pa ang kinondena ng mga netizens!
“Maarte ka, madam! Ang layo-layo naman ng pulubi sa ibang customers! Ni hindi rin naman siya ganoon karumi. Masiyado po kayong mapagmataas!”
“Arte mo naman! Edi umarkila ka ng mamahaling restaurant para naman ikaw lang mag-isa roon. Tingnan ko lang kung hindi ka mamulubi.”
“Mas dapat pala tayong kumain doon. Makatao ang mga crew at mabait ang may-ari. Tara, guys!”
Kabaliktaran ng gustong mangyari ni Marissa ang kinalabasan ng kaniyang padalus-dalos na desisyon. Siya ngayon ang nilalait ng mga tao at ang kakasuhan ng may-ari ng kainan para sa kaniyang paninirang puri.
Bwelta pa nito’y hindi naman isinabay sa kaniya ang pulubi, bagkus ay binigyan ito ng sariling mesa’t upuan na malayo naman sa kaniyang puwesto.
Maraming mga tao rin ang nagsabi na dapat siyang tanggalin sa kaniyang propesyon dahil hindi maganda ang ipinapakita niyang ehemplo sa mga bata, gayong dapat ay siya ang nagtuturo ng magandang asal sa mga ito.
Laking pagsisisi ni Marissa sa kaniyang ginawa dahil ikinapapahamak niya iyon. Kalaunan ay nagtungo siyang muli sa kainang ngayon ay mas kilala na ng mga tao dahil sa kabutihan ng mga empleyado roon pati na rin ng mismong may-ari.
Personal siyang humingi ng kapatawaran sa mga ito at hiniling na iurong na ang demanda sa kaniya.
Humingi rin siya ng tawad sa social media, ngunit hindi pa rin iyon naging sapat dahil nawala pa rin sa kaniya ang kaniyang posisyon sa kaniyang pinagtatrabahuhan, bilang diciplinary action.
Iniurong naman ng may-ari ang demanda laban kay Marissa. Ngayon ay patuloy siyang nagsisisi sa kaniyang ginawa. Naging mataas na ang tingin niya sa sarili buhat nang siya’y makaranas ng marangyang buhay at ngayon lamang niya iyon napagtanto.
Tama nga ang kasabihang nasa huli ang pagsisisi.
Isang leksyon ito para sa kaniya at sa iba pang may ugali ring kagaya ng sa kaniya upang hindi na nila ulitin pa ang panghahamak sa kapwa.