Nawalan na ng Pag-asa ang Binatang Ito Dahil Wala Siyang Mabentang Balut, Isang Lalaki ang Nagbigay Muli sa Kaniya ng Sigla
“O, anak, saan ka pupunta? Bawal pang lumabas ngayon, lalo na’t wala ka namang quarantine pass! Baka mahuli ka pa, wala akong ipangtutubos sa’yo!” sambit ni Aling Wena sa kaniyang anak, isang umaga nang makita niya itong palabas ng kanilang bahay.
“Kaya nga po kukuha ako ng quarantine pass sa barangay para po legal na akong makalabas. Hindi ko na po kasi kayang pagmasdan na umiiyak ang mga kapatid ko sa gutom,” sagot ni Jerry habang pinipigil ang kaniyang mga luha dahilan upang mapatungo ang kaniyang ina.
“Pasensiya ka na, anak, wala akong magawa dahil sa kapansanan ko,” mahinang sambit nito dahilan upang lapitan niya ito at yakapin.
“Ayos lang po, nanay, karangalan ko pong magtrabaho para sa inyong lahat,” tugon niya habang yakap-yakap ang ina.
“Salamat talaga sa’yo, anak! Anong balak mong gawin? Maghahanap ka ng trabaho?” pang-uusisa nito matapos kumawala sa kaniyang pagkakayakap.
“Hindi po, nanay, mangungutang po ako ro’n sa angkatan ko ng balut at penoy saka ko po ibebenta. Pakikiusapan ko po silang pahiramin muna ako dahil wala po akong puhunan. Kilala naman po nila ako kaya siguradong pagbibigyan nila ako. O, paano po, alis na po muna ako,” kwento niya saka tuluyan nang umalis ng kanilang bahay.
Panganay sa apat na magkakapatid ang binatang si Jerry. Simula pa lang nang pumanaw ang kaniyang ama dahil sa sakit na kans*r, siya na ang umalalay sa kaniyang ina upang maitaguyod ang kanilang buong pamilya.
Siya ang nag-aalaga sa kaniyang mga kapatid habang ang kaniyang ina naman ang nagtatrabaho para sila’y may makain dahil dito, maayos nilang nalalagpasan ang pang-araw-araw na kahirapan.
Ngunit nang kumalat na ang nakahahawang sakit, doon na nagkabuhol-buhol ang kanilang buhay. Bukod sa kasama sa mga nawalan ng trabaho ang kaniyang ina, naaksidente pa ito noong huling araw bago mag-lockdown sa kanilang lugar dahilan upang ito’y mapilayan.
Ang lahat ng ipon ng kaniyang ina noon, napunta sa pagpapaopera at sa mga gamot nito. Ito ang dahilan upang simula noong lockdown, sila’y umasa na lang sa bigay ng kanilang mga kapitbahay at kaanak.
Pero dahil nga ilang buwan na ring walang trabaho ang karamihan, hindi na nagtuloy-tuloy ang pagbibigay ng pagkain sa kanila dahilan upang kung wala silang toyo at bigas, sapilitan na lang nilang mag-ina patulugin ang kaniyang mga nakababatang kapatid na umaatungal sa pag-iyak.
Ang sitwasyong ito sa kanilang buhay ang talaga nga namang nag-udyok sa kaniya upang kumilos at tumulong sa kaniyang ina.
Ngayong maaari nang lumabas ang mga piling tao, agad siyang nagdesisyong tumulong sa kaniyang ina.
Noong araw na ‘yon, pagkakuha niya ng quarantine pass sa barangay, agad siyang nagtungo sa kakilala niyang angkatan ng mga balut at penoy at doon siya nagmakaawang pautangin siya ng mga paninda.
“Pangako po, ibebenta ko lahat ‘to at mababayaran ko kayo!” ‘ika niya dahilan upang siya’y pagbigyan ng may-ari nito.
Ngunit dahil nga pili lang ang mga taong pwedeng lumabas at bigla pang umulan, tatatlo pa lang ang nabenta niyang balut sa loob ng tatlong oras na paglalako sa kanilang lugar dahilan upang unti-unti siyang mawalan ng pag-asa. “Diyos ko, sumugal ako dahil alam kong hindi mo ako pababayaan, pakiusap, tulungan mo akong mabenta lahat ito at makapag-uwi ng pagkain sa pamilya ko,” iyak niya sa Panginoon habang siya’y nakaupo’t nakatungo sa sinisilungan niyang bubong.
Mayamaya, may isang sasakyang tumigil sa bubong na sinisilungan niya.
“Ah, eh, sir, may alam po ba kayong vulcanising shop malapit dito?” tanong nito sa kaniya dahilan upang ituro niya ang alam niyang vulcanizing shop at agad na itong umalis.
Ngunit ilang minuto pa ang lumipas, muli siyang binalikan nito, “Sir, salamat, ha? Magkano ba lahat ‘yang tinda mo? Para makauwi ka na, malakas ang ulan, eh!” sambit nito dahilan upang siya’y mabuhayan.
Binili nga nito ang lahat ng kaniyang paninda at bukod pa roon, iniangkas pa siya nito. Habang sila’y nasa biyahe, nalaman niyang ito pala ay naghahanap ng maaaring maging kasambahay dahilan upang agad niyang ibida ang sarili.
“Sigurado kang kaya mo talagang maging isang kasambahay?” paninigurado nito.
“Opo naman, sir! Kahit lalaki ako, laki po ako sa mga gawaing bahay at pag-aalaga ng mga bata!” masigla niyang sambit dahilan upang siya’y tanggapin nito.
Ganoon na lang ang pasasalamat niya rito at sa Diyos sa oportunidad na ito.Nang makabayad na siya sa pinagkautangan, agad siyang bumili ng pagkain at umuwi. Binalita niya ang bago niyang trabaho sa ina dahilan upang maiyak ito sa saya.
“Salamat, sa wakas, maiibsan na rin ang ating mga kumukulong sikmura!” hikbi nito saka siya niyakap.