Inday TrendingInday Trending
Sinunog ng Ginang na Ito ang mga Gamit ng Asawa, Labis Siyang Nanghinayang sa Perang Natupok

Sinunog ng Ginang na Ito ang mga Gamit ng Asawa, Labis Siyang Nanghinayang sa Perang Natupok

“Pedro, ano nang balak mo, ha? Magbabagyuhan na susunod na buwan! Baka gusto mo namang magbigay para pangbili ng grocery natin!” bulyaw ni Cheche sa kaniyang asawa, isang umaga nang maabutan niya itong naghahanda sa pagpasok sa trabaho.

“Ah, eh, ‘yon na nga, eh, gumagawa naman na ako ng paraan. Unahin ko muna…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil agad na niya itong sinigawan.

“Unahin mo muna ang alak ng mga kaibigan mo? Ayan, d’yan ka magaling! Kapag mga kaibigan mo ang nanghingi sa’yo, todo bigay ka! Ni hindi mo iniisip kung may nakakain kami rito buong araw!” sermon niya pa rito saka inihagis dito ang laruan ng anak na nakakalat.

“Hindi naman ganoon, Cheche, eh, ang ibig kong sabihin…” dahil sa panggalaiti, agad na naman siyang nagsalita.

“Ang ibig mong sabihin, iniisip mo naman talaga kami pero hindi ka gumagawa ng paraan para makapagbigay sa amin, ano? Isipin mo nga, sa mga sinusweldo mo, halos dalawang libo lang ang binibigay mo sa akin! Saan aabutin ‘yon, ha?” sigaw niya pa rito dahilan upang magising na ang kanilang anak at magsimulang umiyak.

“Tatlong libo lang naman ang kinikita ko, eh,” sagot pa nito na lalo niyang ikinagalit.

“Ah, nagrarason ka pa? Kapag mamayang alas singko, wala kang uwing pera, sunog lahat ‘yang gamit mo!” bulyaw niya habang hinehele ang anak dahilan upang mapatakbo nang mabilis palabas ang kaniyang asawa.

Lumaking masiyahin at magalang ang dalagang si Cheche sa kaniyang mga magulang. Lahat nang gustuhin niya, binibigay ng mga ito lalo na kapag may sapat silang pera o kapag talagang kailangang-kailangan niya sa eskwelahan ang mga bagay na gusto niya.

Ngunit, nang mawala ang kaniyang mga magulang dahil sa isang aksidenteng nangyari sa trabaho ng mga ito, nagsimula nang magkandaloko-loko ang kaniyang buhay.

Dahil sa stress na dala nang sabay na pagkawala ng kaniyang mga magulang, hindi na niya nagawang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral, at bukod pa roon, siya’y naging mapusok. Inom dito, gala roon, ang naging gawain niya dahilan upang aksidente siyang magdalantao na labis niyang pinagsisihan.

Ginamit niya ang pamanang pera ng kaniyang mga magulang na hindi naman kalakihan upang makapagsimula nang sariling buhay. Ito ang ginamit niya pangbayad sa kaniyang panganganak at pambili ng gamit nila ng kaniyang asawa. Estudyante pa rin ang kaniyang asawa noong mga araw na ‘yon dahilan upang hindi magtagal, maubos na ang kaniyang mana at sila’y tuluyang maghirap.

Nagawa niya na ring ibenta ang luma nilang bahay upang may magastos lamang. Kaya naman, ganoon na lang ang sama ng loob niya sa asawang kung hindi niya pa gugulpihin, hindi maghahanap ng trabaho.

Noong araw na ‘yon, buo na ang loob niya na sunugin at makipaghiwalay sa asawa dahil pakiramdam niya, siya lang ang kumakarga ng lahat ng responsibilidad sa kanilang bahay.

Pagpatak na pagpatak ng alas singko ng hapon at wala pa ang kaniyang asawa, agad niyang itinapon sa bakanteng lote sa tapat ng kanilang bahay ang mga gamit nito saka niya sinilayaban.

Ngunit, mayamaya, biglang dumating ang kaniyang asawa at sumigaw ng, “Diyos ko po, Cheche! Nahihibang ka na!” saka nito sinuong ang apoy at tila may hinahanap na damit.

“O, sige, mabuti ‘yan, pati ikaw magpatupok na rin sa apoy!” sigaw niya.

Wala pang isang minuto, lumayo na ito sa mga gamit na halos abo na. Maluha-luha itong pumasok sa kanilang bahay dahilan upang sundan niya ito.

“Sabi ko naman sa’yo, eh, kapag alas singko na ng hapon at wala ka pang uwing pera, sunog lahat ng gamit mo!” sigaw niya rito.

“Hindi mo ba naisip, Cheche, na baka may mahalagang bagay d’yan, ha? Hindi mo ba alam na nasunog mo lang naman ang dalawangpung libong pisong ipon ko para maipaayos ang bahay natin at nang hindi ka na mag-alala sa darating na bagyuhan, ha?” sambit nito na labis niyang ikinagulat dahilan upang tignan niya ang mga nasunog na gamit ng asawa at nakita niya ngang may mga buong perang nasa bulsa ng isang short nito dahilan upang labis siyang manghinayang.

Doon niya napagtantong hindi lang pala siya ang may pakialam sa kanilang pamilya. Tahimik lang palang nag-iipon ang kaniyang asawa sa ikabubuti nilang mag-ina.

Labis siyang humingi ng tawad sa kaniyang asawa at nangakong kakalimutan na ang nakaraan at tuluyan nang magbabago para sa kanilang pamilya.

Advertisement