Inday TrendingInday Trending
Nawalan ng Pag-asa ang Dalagang ito Nang Mawalan ng Trabaho, Hindi Kapani-paniwala ang Dumating na Biyaya

Nawalan ng Pag-asa ang Dalagang ito Nang Mawalan ng Trabaho, Hindi Kapani-paniwala ang Dumating na Biyaya

“Pen, ayos ka lang ba? Sabi sa akin ng papa mo, kasama ka raw sa mga nawalan ng trabaho. Kailan pa? Bakit hindi ka nagsasabi sa akin? Nand’yan lang naman ako sa kabilang kwarto,” sambit ng ina ni Pen, isang araw nang mapansin nito ang hindi niya pagkain.

“Opo, nanay, noong isang linggo lang po. Nahihiya po kasi ako sa inyong lahat, eh, nagkandakuba-kuba po kayo noon para lang makapag-aral ako at maging isang ganap na flight attendant, tapos ngayon po, tatlong taon lang ang tinagal ko ro’n, napasama pa ako sa mga natanggal,” hikbi niya dahilan upang yakapin siya ng kaniyang ina.

“O, ano naman ngayon? Ang mahalaga, naabot mo ang pangarap mo kahit sa kaunting panahon,” pagpapakalma nito sa kaniya.

“Kahit na, mama, gustong-gusto ko ang trabaho ko. Ang tagal kong pinaghirapan at pinanalangin ‘yon. Ngayon, hindi ko na alam kung saan ako magsisimula, kasi wala akong ibang gusto kung hindi ang trabahong ‘yon,” ngalngal niya dahilan upang bahagya na ring mapaluha ang kaniyang ina.

Ang pagiging isang flight attendant ng dalagang si Pen ang siyang naging simula nang pag-angat ng buhay ng kaniyang mga magulang. Kahit kasi siya’y solong anak, humarap pa rin sila sa kagipitan.

Sa katunayan, hindi niya lubos akalaing matutupad niya ang pangarap niyang ito dahil sa kahirapan ng buhay nila noong siya’y makapagtapos sa hayskul. Nasabihan na siya noon ng kaniyang ina na hindi siya kayang pag-aralin ng mga ito sa kolehiyo, lalo na, ang nais niyang kurso’y may kamahalan.

Sakto namang nabalitaan niyang naghahanap daw ng mga flight attendant ang isang tanyag na airlines sa Maynila dahilan upang kainin niya ang takot at kabang nararamdaman at maglakas loob na lumuwas ng Maynila kahit na siya’y mayroong dalawampung libong piso lamang, inutang pa ng kaniyang ina sa isang bumbay at sakto lang para sa kaniyang pamasahe.

“Kailan kong makuha ang atensyon nila, kailangan kong ipakitang gustong-gusto ko talaga ang maging isang flight attendant!” pagpapalakas niya sa sarili, isang umaga nang siya’y makarating na sa Maynila.

Hindi niya ininda ang gutom noong mga oras na ‘yon at sa kabutihang palad naman, dahil din sa tatas niya sa pagsasalita ng ingles at ganda ng mukha, nag-uwi siya nang magandang balita.

“Nanay! Natanggap ako!” maiyak-iyak niyang bungad sa ina dahilan upang sumigaw ito nang sumigaw sa tuwa.

Doon na nagsimulang magdoble kayod ang kaniyang mga magulang para sa araw-araw niyang training sa Maynila. Sakto lang kasi sa kanilang pangkain ang kinikita ng mga ito sa pagtatanim.

At sa wakas, paglipas ng ilang linggong pagsasanay, ganap na siyang isang flight attendant at agad nang sumabak sa pagtatrabaho. Doon na siya nakapagsimulang mag-ipon para sa minimithing taniman ng kaniyang mga magulang.

Ngunit, dahil sa kumakalat na sakit ngayon sa bansa, napilitang magtanggal ng mga flight attendant ang pinapasukan niyang airlines, at sa kasamaang palad, isa siya sa mga nawalan ng trabaho na labis niyang dinamdam ang ikinapag-alala.

Ilang araw siyang hindi lumabas ng kaniyang silid, ni hindi siya kumain, naligo o kahit nakipag-usap sa kaniyang mga magulang dahil sa kahihiyang nararamdaman niya sa mga ito.

Kaya ganoon na lang ang hagulgol niya nang siya’y masinsinang kausapin ng kaniyang ina. ‘Ika niya noong pagkakataong iyon habang nakasubsob sa dibdib ng ina, “Bakit sinama pa ako sa matatanggal, nanay? Hindi ba ako magaling? Hindi ba pwedeng tuloy-tuloy lang ang pag-angat natin?” dahilan upang mapaiyak na rin ang kaniyang ina.

Ang kalungkutan niyang iyon ay umabot nang mahigit dalawang buwan. Bukod sa hindi pa rin siya lumalabas ng kaniyang silid, hindi pa rin niya binubuksan ang kaniyang selpon. Ayaw niya rin muna kasing makarinig ng kung anu-ano sa mga tsismosang nakapaligid sa kaniya.

Ngunit isang araw, habang inaaliw niya ang sarili sa pagbabasa ng paborito niyang libro, bigla na lang siyang kinatok ng kaniyang ama at ibinigay ang selpon nito sa kaniya. “Hinahanap ka, anak, hindi ko kilala, eh, nakuha niya raw ang numero mo sa kumpanyang pinagtatrababuhan mo dati,” sambit nito saka siya iniwan at halos mapaupo siya sa balitang natanggap niya mula sa isa sa kaniyang mga napagsilbihan sa eroplano.

Ito ang ginang na tuwang-tuwang sa ganda ng kaniyang mga ngiti at kinukuha siya bilang isang modelo ng isang sikat na kumpanya ng mga sapatos sa ibang bansa.

Agad niya itong tinanggap at doon na siya muling nag-umpisang lumaban sa buhay. Puno ng saya ang kaniyang puso at doon niya napagtantong, “Wala talagang ibang nais ang Diyos kung hindi ang mas makakabuti sa akin. Diyos ko, puno ka talaga ng mga surpresa!”

Advertisement