Sandamakmak na Donut ang Hiling ng Ina ng Dalagang Ito, Para pala ito sa Isang Mabuting Gawain
“Kristel, naman! Bakit naman kasi ganito karaming donut ang binili mo, ha? Kita mo, halos masakop na natin ang harapan ng bahay niyo sa dami ng mga kahong ito! Nakakapagod!” daing ni Diel sa kaniyang matalik na kaibigan.
“Hindi ko rin alam, eh, inutusan lang naman ako ni mama,” tipid na sagot ni Kristel habang inaayos ang mga kahong may lamang donut.
“Nanay mo ang nagpabili nito? Hindi ba may diabetes ‘yon? Kunsintidor ka rin, eh! Akala mo ba mabuti ito sa kaniya? Tiyak kapag naubos niya lahat ng mga ito, ospital ang aabutin niya!” sermon ng kaniyang kaibigan dahilan upang siya’y mapabuntong hininga.
“Wala naman kasi akong magagawa kapag siya ang nang-utos! Pinagbigyan ko na, pakiramdam ko kasi, sobra na siyang nai-stress sa sitwasyon ni papa ngayon sa ospital,” paliwanag niya rito.
“Sabagay, may punto ka naman, pero sana hindi ganito karami! Halos isang buong barangay na ang mapapakain mo nito, eh! Baka mamaya, pati nanay mo, nandoon na sa ospital katabi ng papa mo!” sambit nito na ikinatakot niya.
“Huwag ka nga magsalita nang ganyan!” bulyaw niya sa kaibigan. “Ay, pasensya ka na, nagbibiro lang ako,” tugon nito, bakas sa mukha nito ang pagkagulat sa kaniyang pagbulyaw.
Maituturing perpekto na ang buhay ng dalagang si Kristel. Bukod kasi sa naabot na niya ang pangarap na maging matagumpay na negosyante at magkaroon ng sariling kumpanya, kasama niya pa ang kaniyang mga magulang na itinuturin niyang pinakamahalagang kayamanang mayroon siya.
Ngunit nitong mga nakaraang linggo, tila sinubok sila ng tadhana dahil bigla na lang nilang napag-alamanan na ang kaniyang ama pala ay may sinisikretong sakit sa kanila. Ngayon na lang nila ito nalaman ng kaniyang ina kung kaila’y malubha na ang sakit nito. Depensa nito, “Ayoko kasi mabuhay ng hindi normal, anak, tiyak kung nalaman niyo ‘yon, ilang buwan na siguro ako rito sa ospital, malaki-laki na ang babayaran mo,” na labis niyang ikinainis dahil para sa kaniya, mas importante ang buhay nito kaysa sa perang mawawala.
Ngayong nasa ospital na ang kaniyang ama, napansin niya namang tila palagi nang tulala ang kaniyang ina. Bakas sa mukha nito ang labis na kalungkutan tuwing uuwi mula sa naturang ospital. Tanungin man niya ito, palagi lang nitong sinasagot, “Ipanalangin mo kami ng papa mo,” na labis niyang ikinababahala.
Ito ang dahilan upang agad niyang pagbigyan ang kaniyang ina sa sandamakmak na donut na hiling nito. Kahit pa abala sa trabaho ang matalik niyang kaibigan sa kaniyang kumpanya, agad niya itong inistorbo para siya’y tulungan sa nais ng kaniyang ina.
Nang matapos nilang maisalansan ang hindi bababa sa isang daang kahon ng donut, agad na siyang nagtungo sa ospital upang ipagbigay alam na ito sa kaniyang ina.
Ang kasabikan niyang maipaalam ang handog niya sa kaniyang ina, napalitan ng kaba at luha nang makita niyang nire-revive na ang kaniyang ama.
Agad niyang niyakap ang kaniyang inang nakasalampak na sa sahig at naglulumpasay habang paulit-ulit na sumisigaw ng, “Mahal ko! Sabi mo hindi mo ako iiwan kailan man! Lumaban ka!” dahilan upang siya’y mapahagulgol na lang habang yakap-yakap ito.
Ilang minuto pa ang lumipas, idineklara na ng doktor na pumanaw na nga ang kaniyang ama na labis niyang ikinadurog.
Habang sila’y umiiyak sa tabi ng kaniyang amang walang buhay, bigla na lang nagsalita ang kaniyang ina habang humihikbi, “Ang mga donut na ‘yon, si papa mo ang may gusto no’n bago tuluyang bumagsak ang katawan niya kanina. Gusto niyang ipamigay mo ‘yon sa mga pulubi sa may palengke na palagi niyang binibigyan ng donut. Iba ang kabaitan ng ama mo, ano? Sa huling hininga niya, sila ang naisip niya. Huwag daw natin silang papabayaan,” dahilan upang lalo siyang humagulgol at makaramdam ng kalungkutan.
Nang mahimasmasan na siya’t kinakailangan nang dalhin sa morgue ang labi ng kaniyang ama, agad niya muling tinawagan ang kaniyang matalik na kaibigan at nagpatulong sa pagpapamahagi ng mga naturang donut. Kada inaabot niya ang mga ito sa mga pulubi, bumubuhos ang kaniyang mga luha. Magkahalong saya at lungkot ang kaniyang nararamdaman. Ika niya, “Bakit kung sino pa ang mga mababait sa kapwa, sila pa ang nawawala nang maaga?”
Simula noon, halos linggo-linggo na niyang ginagawa iyon hanggang sa nagpasiya na siyang magtayo ng bahay para sa mga pulubing ito na pinangalanan niya mula sa pangalan ng kaniyang ama, “Ricardo Home for the Homeless,” at kada buwan, siya’y nagbibigay ng mga donut sa mga ito para sa pag-alala sa kabutihan ng kaniyang ama.