Inday TrendingInday Trending
Hinarap ng Dalagang Ito ang Kostumer na Palaging Nansisita sa Kaniyang Katrabaho, Nagulat Siya sa Nalamang Sikreto

Hinarap ng Dalagang Ito ang Kostumer na Palaging Nansisita sa Kaniyang Katrabaho, Nagulat Siya sa Nalamang Sikreto

“Janice, no’ng sumilip ako sa labas kanina, nakita ko na naman ‘yong customer na lagi kang sinisita. Panigurado, pinagalitan ka na naman no’n noong kinuha mo ang order niya, ano?” tanong ni Karen sa katrabaho niyang serbidora, isang araw nang pumasok ito sa kusinang pinaglulutuan niya.

“Oo, eh,” buntong hininga nito saka sumalapak sa sahig upang ipahinga ang mga binti.

“Sabi na nga ba, eh! Ano namang ikinagalit niya ngayon?” pang-uusisa niya pa rito.

“Ah, eh, ‘yong pagbibigay ko ng pagkain sa kaniya, medyo hindi raw tama,” kamot-ulong tugon nito dahilan upang mag-init ang kaniyang ulo.

“Anong hindi tama ro’n? Marunong pa siya sa manager? Naku! Kapag talaga nakita ko ‘yan bukas tapos sinisita ka na naman, sasagutin ko na talaga ‘yan, eh!” inis niyang sambit saka bahagyang ibinagsak ang hawak niyang sandok.

“Huwag, Karen, baka matanggal ka sa trabaho! Trabaho naman nating intindihin ang mga customer natin, lalo na ang regular na kumakain dito katulad niya,” paalala nito sa kaniya.

“Kahit na! Kailangan niya mabigyan ng leksyon! Sobra na kaya siya! Halos araw-araw ka na lang napapahiya sa mga nakakarinig na customer!” giit niya at nang bahagyang mahimasmasan, muli na siyang bumalik sa pagluluto.

Katulad ng kaniyang pinangarap simula noong makita niyang nagluluto nang masasarap na pagkain ang kaniyang ina, isa na ngayong chef sa isang sikat na hotel ang dalagang si Karen. Maituturing mang butas ng karayom ang kaniyang sinuong, hindi ito naging hadlang upang siya’y magtagumpay at makatulong sa kaniyang mga magulang.

Hindi niya ininda ang lahat nang pagmamaliit at panghuhusga ng mga tao sa paligid niya kabilang na ang ilan niyang mga kamag-anak na minamata ang kaniyang pangarap dahil lang sa kahirapan nila noon.

Ito ang naging dahilan upang maging matapang at matatag siya sa buhay. Ayaw na ayaw niyang siya’y naaagrabyado o napapahiya dahilan upang labis siyang mainis sa customer na palaging nakabulyaw sa bago niyang katrabaho na agad niyang nakapalagayan ng loob dahil sa kabaitan nito.

Kinabukasan, katulad ng kaniyang inaasahan, muli na namang kumain doon ang naturang ginang. Ito ang una nilang customer dahilan upang agad agad niyang makita kung paano nito pagalitan ang kaniyang katrabaho. Hindi na siya nakapagpigil at kinompronta ito.

“Ano namang problema mo ngayong araw?” bungad niya rito dahilan upang ito’y mabigla, agad naman siyang pinakalma ng kaniyang katrabaho at unti-unti siyang nilalayo sa ginang.

“Karen, kaya ko na ‘to, ro’n ka na sa kusina,” sambit nito.

“Ayoko! Kailangan kong maipaliwanag sa ginang na ito na walang taong perpekto! Lahat na lang inirereklamo niya sa’yo, eh!” sigaw niya, pilit niyang pinaparinig ang hinainga sa ginang.

“Pasensiya ka na, chef, nakuha ko pala ang atensyon mo,” sambit ng naturang ginang dahilan upang siya’y kumalma at bumalik sa kusina.

Mayamaya pa, sumunod sa kaniya ang katrabahong pinagtanggol niya dahilan upang agad niyang sabihin, “Ano, ayos ba ‘yong ginawa ko? Kita mo, humingi agad ng pasensiya!” dahilan upang mapatango-tango ito.

“Salamat, Karen, ha? Hindi mo inisip na baka matanggal ka sa trabaho para lang mapagtanggol ako. Ngayon, naisip ko, siguro kailangan mo nang malaman ang sikreto ko,” sambit nito na labis niyang pinagtaka, “May sakit kasi ako sa utak, eh, madali ako makalimot at hirap makaintindi. Hindi mo ba pansin na halos araw-araw akong umuupo rito sa sahig kahit na may upuan naman doon sa pintuan? Nakakalimutan ko kasing doon ang tamang upuan. Ang ginang na ‘yon, nanay ko ‘yon, nakiusap lang siya sa may-ari ng hotel na ito para tanggapin ako para lang maranasan kong mabuhay ng normal. Kaya ayun, bilang kapalit, araw-araw niya akong pinupuntahan dito para masigurong tama ang ginagawa ko at hindi kami mapahiya,” dagdag pa nito na labis niyang ikinagulat dahilan upang siya’y mapasalampak na rin sa sahig.

Ilang minuto pa ang lumipas bago siya maniwalang totoo ang sinasabi ng naturang dalaga at doon niya napagtantong tila sumobra naman ang pagiging matapang niya dahilan upang agad niyang kuhanin ang numero ng ginang na iyon at humingi ng tawad.

Ngunit imbis na siya’y pagalitan, tinawanan lang siya nito at sinabing, “Hindi ko akalaing magkakaroon ng kaibigan ang anak ko, maraming salamat sa’yo! Kung alam mo lang kung gaano tumaba ang puso ko kanina nang ipagtanggol mo siya. Ikaw ang unang kaibigan niya,” dahilan upang mapatulo na lang ang kaniyang luha.

Simula noon, mas lalo niya pang kinaibigan ang naturang dalaga. Doon na niya napansin ang sakit nito, ngunit imbis na pagalitan, araw-araw niya itong walang sawang tinuturuan.

Advertisement