Istrikto sa mga Anak ang Lalaking Ito, Isang Sorpresa ang Nagpabukas sa Sarado niyang Pag-iisip
“Glenda, anong oras na bakit wala pa ang mga anak mo, ha?” pag-aalala ni Kaloy, isang gabi nang umuwi siyang galing trabaho na wala ang dalawang anak na dalaga.
“Alas siyete pa lang naman ng gabi, mahal, alas sais ng gabi ang tapos ng klase ng bunso mo, habang ang panganay mo naman, nagsabi sa akin kanina na hindi makakauwi dahil may tatapusing proyekto sa bahay ng kaklase niya,” paliwanag ng kaniyang asawa na nagpainit ng kaniyang ulo.
“Ano? Pinayagan mong hindi umuwi ang anak mo?” pagkaklaro niya rito dahilan upang mapakamot ito ng ulo.
“Oo, kailangan na raw niya matapos ‘yon, eh,” nakatungong sagot nito dahilan upang siya’y mapailing.
“Diyos ko, Glenda, may bahay naman tayo, ha? May internet na akong pinakabit, may kompyuter d’yan, bakit kailangan pang makitulog sa iba? Kilala mo ba ang kasama niya?” sambit niya.
“Mga kaklase niya raw. Hindi niya raw kayang mag-isang gawin ‘yon, eh, kaya pinayagan ko na,” tugo nito dahilan upang lalong mag-init ang kaniyang ulo.
“Ako, hindi ako papayag! Baka mamaya, may kasamang lalaki ‘yan! Pauwiin mo ‘yang anak mo!” sigaw niya dahilan upang magtakip ng tainga ang kaniyang asawa.
Tinaguriang pinakaistriktong ama sa kanilang barangay ang padre de pamilyang si Kaloy. Dahil nga pawang mga babae ang kaniyang mga anak, labis na paghihigpit ang kaniyang ginagawa para sa mga ito.
Sa katunayan, kapag sumapit na ang dilim, nais niyang nasa bahay na ang kaniyang mga anak. Hindi niya iisipin kung anong ginagawa ng kaniyang mga anak sa labas basta ang gusto niya, nasa bahay na ang mga ito.
Ito ang dahilan kung bakit layo ang loob sa kaniya ng mga anak. Kahit kasi ang pagpapaalam ng mga ito na pagsama sa mga kaibigang kumain sa labas, hindi niya pinapayagan. Lagi niyang sagot, “Bakit kakain pa kayo sa labas? Wala ba tayong pagkain dito?” dahilan upang kahit lingid sa kagustuhan ng kaniyang mga anak, sumunod ito sa kaniya.
Habang lumalaki ang mga ito, lalong lumalayo ang loob sa kaniya. Ika niya, “Papanaw na ata ako na malayo ang loob sa akin ng mga anak ko, pero, ayos lang, huwag lang silang mapahamak.”
Malambot naman talaga ang kaniyang puso, ngunit dahil sa naranasan ng kaniyang kapatid na babaeng napagsamantalahan, labis siyang naghigpit sa mga anak.
Noong gabing ‘yon, kasabay nang pagsigaw niya sa kaniyang asawa, lumabas mula sa kanilang kwarto ang kaniyang dalawang anak. Ang isa’y may hawak na cake habang ang isa nama’y may hawak na karatulang may nakasulat na, “Happy birthday, papa!” dahilan upang siya’y mapapikit na lang dahil sa saya’t pagkahiyang nararamdaman.
Lumapit ang mga ito sa kaniya habang siya’y kinakantahan ng “maligayang bati,” dahilan upang unti-unting pumatak ang kaniyang mga luha.
“Akala mo nakalimutan namin, ‘no?” sambit ng kaniyang panganay na anak.
“Sino ba ang makakalimot sa araw na ‘to? Ngayong nabuhay ang pinakaistriktong tatay sa barangay natin!” segunda ng kaniyang bunso dahilan upang mapahagikgik nang tawa ang kaniyang asawa.
“Pero kahit ganoon, papa, ramdam na ramdam namin ang pagmamahal mo. Alam naming para sa kapakanan din namin ‘yon. Pero…” tila nagdalawang-isip ang kaniyang panganay sa sasabihin.
“Pwede po bang luwagan mo kahit kaunti, papa? Nasa legal na edad na naman kami. Pwede alas otso na ng gabi ang curfew namin? Pakiusap?” sabat ng kaniyang bunso saka nagpaawa sa kaniya dahilan upang siya’y mapatawa.
“Halina nga kayo rito!” sigaw niya habang pinupunasan ang mga luha, lumapit naman ang tatlong babae sa buhay niya dahilan upang mahigpit niyang yakapin ang mga ito, “Salamat at naiintindihan niyo ako,” bulong niya dahilan upang lahat sila’y mag-iyakan.
Katulad ng hiniling ng kaniyang mga anak, bahagya niyang niluwagan ang kaniyang paraan ng pangangalaga sa mga ito. Simula noong araw na ‘yon, dininig na niya ang kaniyang mga anak. Sobra kasing saya ang naramdaman niya na nais niyang maramdaman hanggang sa huli niyang hininga.
Ito ang dahilan kung paano unti-unting nanumbalik ang pagiging malapit ng kaniyang mga anak sa kaniya. Bukod sa palagi na siyang kinakausap at kinukulit ng mga ito, nagsasabi na rin ang mga ito sa kaniya ng mga personal na napagdadaanan dahilan upang mas lalo niyang magabayan ang kaniyang mga anak.
Kahit pa ganoon, sinisiguro niya pa ring maayos ang lagay ng kaniyang mga anak at asawa. Bilang padre de pamilya, masama man ang tingin sa kaniya ng iba, wala siyang pakialam. Ang mahalaga para sa kaniya ay ang kapakanan ng kaniyang mga anak.