Inday TrendingInday Trending
Ayaw Ipakilala ng Babae sa Nobyo ang Kinamumuhiang Ama; Nasurpresa Siya sa Mismong Araw ng Kanilang Kasal

Ayaw Ipakilala ng Babae sa Nobyo ang Kinamumuhiang Ama; Nasurpresa Siya sa Mismong Araw ng Kanilang Kasal

“Eh mahal, siyempre kahit um-oo ka na na magpakasal sa akin, gusto ko pa ring hingin ang kamay mo sa papa mo. Kailan mo ba ko ipapakilala sa kaniya?” Isang araw ay tanong ni Marco sa nobyang si Grace.

“Mahal naman eh! Sabi ko ‘di ba huwag na lang kasi… nakwento ko naman sa’yo na ‘di kami okay ‘di ba?” tila ba nagtatampong sagot ng nobya.

Sa nakitang inasta ng nobya ay hindi na lang muna ito pinilit ni Marco. Nakwento na sa kaniya ng dalaga ang dahilan kung bakit tensyonado ang relasyon nito kay Mang Ramon na ama nito. Walong taong gulang pa lang kasi si Grace noong pumanaw ang ina dahil sa isang malubhang sakit. Dalawang taon lang ang makalipas nung mag-asawa muli si Ramon. Bata pa si Grace noon ngunit pakiramdam siya ay naitsapwera siya noong dumating sa buhay niya ang stepmother na si Lita at mga anak nito. Bukod sa nahati ang kaagaw niya sa atensyon ng ama, nagkaroon din siya ng kahati sa mga materyal na bagay. Kung dati ay nakukuha niya agad ang mga gusto niya, nang magkaroon siya ng mga kapatid ay kailangan niyang pagbigyan lagi ang mga ito dahil daw siya ang panganay.

Nagrebelde si Grace at naglayas mula sa kanila noong unang taon niya sa kolehiyo. Ngunit nasaktan siya nang isang beses lang siyang sinubukang kontakin ng kaniyang ama. Pagkatapos noon ay wala na siyang narinig dito, para bang pinabayaan na siya nito sa buhay niya.

Dahil sa pangyayaring iyon ay lalong tumigas ang kaniyang puso at nangakong kung ayaw na ng mga ito sa kaniya, mas ayaw niya sa mga ito. At ngayon nga, kahit sa nalalapit niyang kasal ay nunca na imbitahan niya ang mga ito.

Lingid sa kaalaman ni Grace ay ang ama mismo niya ang lumapit kay Marco. Noong una ay hindi malaman ni Marco ang gagawin ngunit nakipagkita ito kay Mang Ramon.

“Hijo, malaki ang pagkukulang ko sa anak kong iyon kaya sana patawarin mo ako. Hindi na ako maghahangad na mailakad siya hanggang harap ng altar ngunit hinihiling ko lang na alagaan mo siya at pasayahin. Kahit di na niya ako tinuturing na ama, pinakamamahal na anak pa rin ang tingin ko sa kaniya,” bilin ni Mang Ramon kay Marco sabay biro na mananagot siya kapag sinaktan niya si Grace.

Mula noon, tumanim sa puso ni Marco ang isang bagay – nais niyang magkaroon ng kapatawaran kay Grace at sa pamilya nito. Hindi man sabihin ng nobya, alam niyang sa kaibuturan ng puso nito ay nais nitong si Mang Ramon ang maghatid dito sa altar. Ngunit sa pag-aakalang walang pakialam ang ama, mas pinili pa nitong huwag na lang din imbitahan ang sariling pamilya.

Araw ng kasal, handang-handa na ang lahat. Nakabihis na si Grace at hinihintay na lang ang kaniyang pinakamalapit na tiyuhin na dumating, ito kasi ang maghahatid sa kaniya sa altar. Ngunit kinse minutos na siyang naghihintay ay wala pa rin ito, nagsimula na siyang kabahan. Gayundin, mas lalong bumibigat ang kaniyang puso kapag naaalala ang pamilya na dapat ay kasalo niya sa masayang tagpong iyon sa buhay niya. Hindi mapigilang maluha ni Grace sa naisip, tinanggap niya nang may nag-abot ng tissue sa kaniya. Ngunit pag-angat niya ng mukha, sumalubong sa kaniya ang matamis na ngiti ni Mang Ramon. Halos tumalon palabas ang puso niya pagkakita sa ama.

Hindi alam ni Grace ang mararamdaman. Magkahalong galak, pagkalito, inis, ngunit mayroon ding ginhawa. Tila ba malaking bato ang naalis sa kaniyang dibdib. Lalo na nang makita niya ang pag-agos ng luha sa mata ng ama.

“Grace, anak ko…” umiiyak na sambit nito.“Marami akong dapat ihingi ng tawad sa’yo ngunit alam kong hindi ito ang tamang oras para doon. Ikakasal ka na anak, sana kahit ngayon lang, sa huling pagkakataon, hayaan mong pumasok ulit ako sa buhay mo. Hiling ko lang ay maihatid kita sa altar… iyon lang anak,” pagsusumamo ng ama sa anak.

Tango lang ang isinukli ni Grace habang pinipilit pigilan ang luha. Nang marinig niya ang tugtog ay nagsimula na silang magmartsa. Nang ikawit ng ama niya ang braso nila at hawakan nito ang kamay niya ay nakaramdam siya ng ‘di maipaliwanag na tuwa sa kaniyang puso.

Pagpasok sa simbahan ay nagtama agad ang mata nila ni Marco. Kahit malayo pa ito ay kitang-kita niya ang kislap ng luha sa mga mata nito. Labis na pasasalamat para dito ang naramdaman niya dahil sigurado siyang ito ang may pakana kung bakit naroon ang ama.

Hindi naghiwalay ang tingin nila hanggang makarating siya sa harap nito. Bago ipasa ni Mang Ramon ang kamay niya rito, tuluyang nang bumagsak ang luhang kanina pa pinipigilan ni Grace dahil sa tinuran ng ama.

“Alagaan mo ang pinakamamahal kong anak, iyon lang ang mahihiling ko.” Simpleng mga salita ngunit tumagos sa puso ng dalaga.

Pagkatapos ng kasal ay tila ba nakalutang sa langit si Grace.

“Maraming salamat mahal ko. Noong naduduwag ako at walang lakas, ikaw ang lumaban para sa akin. Salamat sa pagtulak, at ngayon, handa na akong gawin ang tama,” sabi niya sabay halik dito.

Pagkatapos ay iginala niya ang paningin sa paligid. May naramdaman siyang kaunting kaba nang hindi agad matagpuan ang ama, ngunit nakita niya ito, kasama ang buong pamilya niya na paalis na. Tumakbo siya at tinawag ang mga ito. Isang malaking yakap ang ibinigay niya sa ama, gayundin sa stepmother at mga kapatid niya.

Natapos ang pinakamasayang araw sa buhay ni Grace. Iyon ang araw na muli niyang nakapiling ang pamilya, at iyon din ang araw na naikasal siya sa pinakamamahal na lalaki. Wala na siyang mahihiling pa.

Advertisement