Nalaman ng Misis na Nakikipagrelasyon ang Mister sa Isang Matandang Babae; Magugulat Siya sa Isa Pang Rebelasyong Malalaman Niya
“Puwede bang ihinto mo na ang trabaho mong iyan, Ino? Marami namang ibang pagkakakitaan eh basta huwag na ‘yang trabahong iyan. Alam mo namang matagal ko nang kinalimutan ang trabaho nating iyan at gusto ko’y talikuran mo na rin,” wika ni Ameera sa asawa.
“Hayaan mo nang gawin ko ito kahit ngayon lang. Para naman ito sa anak natin, eh, para may pambili tayo ng mga gamot niya. Alam mo namang may kamahalan ang gamot niya sa hika, ‘di ba? Paano kung bigla na lang siyang sumpungin ng sakit niya? Huwag kang mag-alala, mahal ko, kumita lang ako ng malaki ngayong gabi ay tuluyan ko nang tatalikuran ang trabahong ito,” sagot ni Ino.
Parehong nagbebenta ng panandaling aliw ang mag-asawang Ino at Ameera. Ito ang pinagkakakitaan nila kahit noon pang magkasintahan pa lang sila ngunit nang mapagpasyahan nilang magsama at bumuo ng pamilya ay kinalimutan at tinalikuran na ni Ameera ang madilim nilang trabaho. Tanging si Ino lang ang nagpatuloy sa trabaho nito bilang call boy para kumita ng malaking halaga para sa gamot ng kanilang may sakit na anak.
Matapos makapagpaalam sa asawa ay umalis na ng kanilang bahay si Ino para humanap ng kustomer.
Pumunta siya sa parke kung saan siya tumatambay para makakuha ng pagbebentahan niya ng sarili. ‘Di naman nagtagal ang kaniyang paghihintay dahil maya maya ay may pumarang sasakyan sa kaniyang harapan at bumaba sa sasakyan ang isang matandang babae na mukhang mayaman dahil sa mga mamahaling alahas na suot nito.
“Imbes na matuwa ay nagulat si Ino sa reaksyon ng matandang kustomer.
“’Di ako makapaniwala, kamukhang kamukha niya si…” sabi ng matandang babae sa isip.
“Good evening po ma’am. Baka naman po gusto niyong kunin ang serbisyo ko? Sulit na sulit po ang ibabayad niyo sa akin,” wika ni Ino na kinindatan pa ang kaharap sabay kagat sa mga labi at hawak sa harapan na tila inaakit at tinatakam ang kaniyang kustomer.
“S-sige hijo. Sumama ka sa akin!”
Napangiti si Ino dahil kumagat sa pain niya ang matandang babae. Dali-dali siya nitong inanyayahan na sumakay sa magara nitong kotse at mabilis na pinaandar.
Alas dos ng madaling araw nang dumating si Ino sa kanilang bahay. Ginising nito sa pagtulog ang asawa at masayang ibinalita ang nangyari sa kaniya.
“Mahal ko, gising, gising!”
“O, narito ka na pala? Kumusta ang lakad mo?”
“Malaki ang ibinayad sa akin ng naging kustomer ko. Tingnan mo, dalawampung libong piso sa isang gabi lang!”
“Ano, dalawampung libong piso?” gulat na gulat na sabi ni Ameera. “Ang laki naman ng ibinayad sa iyo ng kustomer mong iyon! Mayaman yata ang kustomer mong b*kla,” wika ng asawa.
“A, eh, hindi siya b*kla. Isa siyang mayamang matandang babae,” sagot ni Ino.
“B-Babae?!” gulat na tanong ng asawa.
Ayaw kasi ni Ameera na nagse-service ang mister sa mga babae. Mas panatag ang loob niya kapag sa mga b@kla lang nagpapaservice si Ino. Selosa kasi siya, mula nang nagsama sila ay sinabi niya sa asawa na huwag nang tatanggap ng babaeng kustomer.
“Di ba sabi ko sa iyo, huwag ka nang magpapaservice sa babae lalo na’t matrona pa iyon!” inis na sabi ni Ameera.
“Wala, eh, napasubo na ako. Wala kasi akong mahanap na ibang kustomer, mabuti nga at dumating siya, eh,” tugon ng lalaki. “Di bale, malaki naman ang kinita ko sa kaniya. Maibibili na natin ng gamot si Letlet.”
Wala nang nagawa si Ameera. Ang mahalaga ay kumita ng malaking halaga si Ino para sa kanilang anak.
“Sige, pero hindi na ito mauulit ha? Ititigil mo na ang trabahong iyan at maghanap ka na lang ng ibang mapagkakakitaan.”
Ang akala ni Ameera, pagkatapos ng gabing iyon ay ititigil na ni Ino ang pagiging call boy ngunit napansin niyang lumalabas pa rin ito sa tuwing sasapit ang gabi. Ang paalam nito ay makikipagkita lang sa mga kaibigan nito at makikipag-inuman pero nakaramdam siya ng paghihinala kaya nang minsan umalis ito ay palihim niya itong sinundan. ‘Di nga siya nagkamali sa kaniyang hinala dahil nakita niyang sumakay ang kaniyang asawa sa isang magarang kotse. Pumara siya ng taxi at sinundan ang kotse sa pupuntahan nito. Maya maya ay nakita niyang huminto ang sasakyan sa isang mamahaling restaurant. Bumaba sa kotse ang asawang si Ino at ang isang matandang babae.
“Marahil ay ang matandang babaeng iyon ang nagbigay kay Ino ng malaking halaga. Hanggang ngayon ay nakikipagkita pa rin siya sa matandang mahilig na iyon? Humanda kayo sa akin!”
Dali-daling bumaba sa taxi si Ameera at pumasok sa restaurant. Pagpasok niya ay nakita niya agad ang asawa at ang matandang babae na nakaupo sa isang mesa at tila masayang nag-uusap. Agad niyang sinugod ang dalawa.
“Hoy lalaking bayaran! ‘Di ba nag-usap na tayo? Ang sabi ko’y tigilan mo na ang trabahong iyan at huwag ka nang makikipagkita sa mga matrona!” galit niyang singhal sa dalawang nakaupo.
Gulat na napatayo si Ino sa kinauupuan. Nagulat din ang matandang babae na kasama nito.
“A-Ameera? Anong ginagawa mo rito?”
“Ikaw ang dapat kong tanungin, ‘di ba? Ano ang ginagawa mo rito at may kasama ka pang matrona? Akala mo siguro ay maitatago mo sa akin na nakikipagharutan ka pa rin sa mga matatandang babaeng mahihilig sa laman!” bulgar niyang sabi sa malakas na tono.
“Tumigil ka nga, Ameera. Nakakahiya sa kasama ko. Mali ang iniisip mo sa amin, hayaan mo akong magpaliwanag,” tugon ni Ino.
“Sige, magpaliwanag ka, Ino. Porket binayaran ka lang ng dalawampung libong piso pinanay-panay mo na ang pagpapagamit sa matandang iyan? Nag-usap na tayo ‘di ba, tigilan mo na ang trabahong iyan bakit ayaw mong makinig sa akin?” giit pa ni Ameera.
Biglang nagsalita ang matandang babae.
“Huminahon ka, hija. Mali ang iniisip mo sa amin ng iyong asawa. Magkaibigan lang kaming dalawa. Natutuwa kasi ako sa asawa mo dahil kamukhang-kamukha niya ang yumao kong anak na si Gabriel.”
Ipinakita ng matanda kay Ameera ang litrato ng napayapang anak. Laking gulat niya nang makitang kamukhang-kamukha nga ni Ino ang lalaki sa litrato.
“Ako si Donya Mariana. Noong gabing nakita ko si Ino sa parke ay gulat na gulat talaga ako. Biglang nabuhay sa kaniyang pagkatao ang pinakamamahal kong anak. Sa sobrang pagkatuwa ko sa kaniya ay isinama ko siya sa bahay ko at nagkuwentuhan kami. Sinabi niya sa akin ang mga pinagdaanan niyong mag-asawa. Binayaran ko siya ng malaking halaga ngunit walang anumang nangyari sa amin. Binayaran ko ang oras na magkasama kami, dahil sa tuwing magkasama kami ay para ko na ring kasama ang aking anak. Mula noon ay palagi na kaming nagkikita, hindi bilang isang kostumer niya kundi bilang kaniyang kaibigan. Patawarin mo ang iyong asawa, inilihim niya sa iyo dahil alam niya na baka pagselosan mo ako. Wala kang dapat ipagselos dahil parang anak na ang turing ko kay Ino. Tinalikuran na rin niya ang dati niyang trabaho at kasalukuyang nagtatrabaho bilang isa sa staff nitong restaurant na pagmamay-ari ko,” hayag ng matanda.
“Totoo ang sinabi niya, mahal ko. Para ko na siyang ina at kaibigan. Mabuti siyang tao at siya rin ang dahilan kung bakit mayroon na akong bagong trabaho ngayon. Sosorpresahin sana kita, eh kaso nabuking mo na kami,” tugon pa ni Ino.
Napahiya si Ameera sa mga sinabi niya. Wala naman palang relasyon si Ino at si Donya Mariana. Isa lang pala itong mabait at mayamang biyuda na nangungulila rin sa yumaong anak na muling sumaya dahil nabuhay ang anak sa katauhan ni Ino na kamukhang-kamukha nito.
Humingi siya ng tawad sa asawa at kay Donya Mariana sa kaniyang inasal. Mula noon ay itinuring na ring anak ng mabait na donya si Ameera at apo ang anak nila ni Ino na si Letlet. Itinuring na pamilya ng mag-asawa ang mabait na matanda na tumulong sa kanila upang mabago ang kanilang buhay.