Umibig ang Binabae sa Lalaking Tumulong sa Kaniya; Suklian din Kaya Nito ang Pag-ibig Niya?
Habang naglalakad si Ricky sa isang maliit na eskinita ay bigla na lang siyang napatili.
“Ayyy! Ang bag ko, tinangay ng magnanakaw!”
Bigla kasing may binatilyong humablot sa shoulder bag niya, mabuti na lang at may tumulong sa kaniya.
May lalaking humabol sa binatilyong isnatcher at nahuli ito. Mabuti na lang at may napadaan ding mga pulis sa lugar kaya mabilis na nadampot ang salarin. Isinauli naman sa kaniya ng lalaki ang bag niya.
“Naku, salamat ha, kung ‘di ka dumating ay natangay na itong bag ko!” pasasalamat ni Ricky sa taong tumulong sa kaniya.
“Walang anuman,” tangi nitong nasambit saka nagmamadaling umalis.
‘Di napigilan ni Ricky na kiligin sa lalaking tumulong sa kaniya. Siya kasi ay may pusong babae at nang mapansin niyang magandang lalaki pala ang tumulong sa kaniya kanina ay pinamulahan siya ng pisngi.
“Ang bait naman ni pogi. Sana ay makita ko siyang muli,” wika niya sa isip.
Sa opisinang pinagtatrabahuhan niya ay ikinuwento niya sa mga kasama ang nangyari sa kaniya. Kinilig din ang mga ka-opisina niyang babae nang sabihin niya na guwapo ang lalaking tumulong sa kaniya. Mataas ang katungkulan ni Ricky sa kumpanya, isa siya sa mga boss doon ngunit kinalulugdan siya ng mga kasama niya sa trabaho dahil mabait siya at marunong makisama sa lahat. Isang araw, nagulat siya nang makita sa kanilang opisina ang lalaking nagbalik ng kaniyang bag.
“Ang lalaking iyon? A-anong ginagawa niya rito?” taka niyang tanong sa sarili.
Nang makita siya ng lalaki ay laking gulat din nito.
“I-ikaw? D-dito ka nagtatrabaho?”
“O-oo. Dito nga. A-anong ginagawa mo rito? Nga pala, maraming salamat ulit sa pagtulong mo sa akin,” aniya.
“Wala iyon. Mabuti na lang at napadaan din ako roon kundi ay natangay na ng magnanakaw na iyon ang bag mo,” sagot ng lalaki.
“Oo nga e. Salamat ulit sa iyo. Teka, bakit ka narito?”
“Mag-a-apply sana ako ng trabaho. Nabasa ko kasi sa peryodiko na may job vacancy dito, eh. Mag-a-apply akong office clerk. Ako nga pala si Guillen.”
Biglang nakaramdam ng tuwa si Ricky sa sinabi ng lalaki.
“Ah, ganoon ba? Dahil tinulungan mo ako, tutulungan din kita. Ako ang bahala sa iyo, ipapasok kita ng trabaho rito. Ako si Ricky, dito rin ako nagtatrabaho,” wika niya sa kausap.
“Dito ka rin nagtatrabaho? Naku, salamat ha, mabuti naman at may backer ako. Kailangan ko kasi ng trabaho ngayon eh, para may pantustos ako sa pag-aaral ng kapatid ko at panggastos sa pagpapa-opera niya.”
“Opera? Bakit, anong sakit ng kapatid mo?”
“May sakit siya sa puso, kailangan daw ng operasyon. Malaking tulong kung matatanggap ako sa trabaho para makaipon ako ng pagpapa-opera sa kaniya.”
Lihim na nahabag si Ricky sa kwento ni Guillen kaya ipinasok niya ito sa kumpanya. Dahil isa siya sa mga boss ay naging madaling napasakamay ni Guillen ang posisyon bilang office clerk.
Laking pasasalamat ng lalaki sa kabutihang-loob ni Ricky. Dahil sa ginawa nito sa kaniya ay sinuklian niya iyon ng maayos na trabaho at pagiging tapat sa kumpanya.
Naging malapit na magkaibigan sina Ricky at Guillen at mas lalo pa nilang nakilala ang isa’t isa. Isang araw, nabalitaan ni Ricky na isinugod sa ospital ang nakababata nitong kapatid na si Andrea dahil sa nahirapan itong huminga. Sinabi ng doktor na kailangan na talagang operahan ang bata kundi ay mas lalala pa ang kundisyon nito. Nag-aalala si Guillen dahil kulang pa ang naipon niyang pera para sa operasyon ng kapatid ngunit hindi nito inasahan ang sinabi ni Ricky.
“Dok, isagawa niyo na ang operasyon, ako ang bahala sa lahat ng gagastusin.”
Ikinagulat ni Guillen ang tinuran ng kaibigan.
“Nakakahiya, Ricky. Hayaan mong ako ang gumawa ng paraan para sa kapatid ko. Marami ka nang naitulong sa akin, nahihiya na ako sa iyo,” tugon ng lalaki.
“Magkaibigan tayo, hayaan mong tulungan kita. Para ko na ring kapatid si Andrea,” wika ni Ricky.
“Maraming salamat. Hayaan mo at mababayaran din kita sa lahat ng tulong mo sa akin.”
“Ano ka ba? Minsan mo na akong tinulungan, ibinabalik ko lang din ang kabutihan mo. Huwag ka nang mag-alala at magiging maayos rin ang kapatid mo.”
“Dalawa na lang kaming magkapatid at mahal na mahal ko si Andrea. Mula nang pumanaw ang aming mga magulang ay kami na ang magkasama. Siya na lang ang natitira kong pamilya at ayokong mawala pa siya.”
Natuloy ang operasyon kay Andrea at naging matagumpay ito. Tuwang-tuwa naman si Guillen dahil magaling na ang kapatid niya.
Isang gabi, nagulat si Ricky nang biglang dumalaw sa bahay niya si Guillen.
“O, Guillen, gabing-gabi na bakit napadalaw ka? Nabalitaan ko na naging matagumpay ang operasyon sa kapatid mo, masaya ako para sa inyo,” wika ni Ricky.
“Nagpapasalamat ako sa iyo dahil sa mga naitulong mo sa akin at sa kapatid ko. ‘Di ko alam kung paano mababayaran ang lahat ng iyon, pero hayaan mong bayaran ko sa paraang alam ko,” tugon ni Guillen sabay yakap kay Ricky nang mahigpit at bigla siya nitong hinalikan sa leeg.
Napakislot sa gulat si Ricky sa ginawa sa kaniya ng lalaki.
“G-Guillen, a-anong ibig sabihin nito?!”
“Hayaan mong pagsilbihan kita ngayong gabi,” sagot ni Guillen saka dahan-dahan siya nitong hinalikan sa mga labi.
Sa mga oras na iyon ay gustong mangisay ni Ricky sa sarap nang paghalik sa kaniya ng guwapong lalaking matagal na niyang iniibig. Oo, mula nang una niyang makita si Guillen ay tumibok na ang puso niya sa lalaki at mas lalong tumindi ang pagmamahal niya rito nang mas lalo niya itong nakilala ngunit mas nangibabaw ang kaniyang kunsensiya kaysa sa init ng katawan.
“T-Teka, Guillen, itigil mo ‘yan!”
Itinigil ng lalaki ang paghalik sa kaniya.
“B-bakit?”
“Mali itong ginagawa natin, Guillen. Hindi mo ‘yan dapat gawin. Hindi ako kailanman humingi sa iyo ng anumang kapalit sa mga tulong ko sa iyo. Ibinigay ko iyon ng taos sa puso ko at dahil gusto ko. Wala kang dapat na bayaran sa akin at saka hindi ako ganoong klaseng tao na mananamantala para lang sa sariling interes,” hayag niya sa kausap.
Hindi nakaimik si Guillen at biglang nahiya sa mga ginawa niya.
“S-sorry, s-sorry. Ito lang kasi ang alam kong paraan para kahit paano ay makatanaw ng utang na loob sa iyo, ‘di ko akalaing… sorry, sorry,” nahihiyang sabi ni Guillen.
Matapos ang gabing iyon ay mas lalong hinangaan ni Guillen si Ricky. Mas nakilala pa niya ang totoong pagkatao ng kaibigang binabae at ang pagkakaibigang iyon ay mas lalo pang lumalim. Hindi namalayan ni Guillen na unti-unti na ring nahuhulog ang loob niya kay Ricky na nauwi na rin sa pag-ibig.
“Ricky, may sasabihin ako sa iyo,” aniya nang minsang niyaya niya itong mamasyal.
“Ano iyon?”
“Alam mo bang matagal kong pinag-isipan ito? Hindi ko alam kung tama ba ang nararamdaman ko, pero dito ako masaya eh, masaya ako kapag kasama ka, hinahanap-hanap kita palagi, Ricky. Hindi ka maalis sa isip ko at puso ko, sa palagay ko’y mahal na kita,” bunyag ng lalaki.
Nagulat si Ricky sa pagtatapat ng kaibigan. Gustong sumigaw sa tuwa ang puso niya ngunit kailangan niyang gawin ang tama.
“Mahal din kita, Guillen, matagal na kitang mahal. Mula nang una tayong nagkita ay hindi ka na rin naalis sa puso at isip ko, pero hindi ako maramot. Gusto kong maging mas masaya ka. Gusto kong makatagpo ka ng isang tunay na babaeng magmamahal sa iyo gaya ng pagmamahal ko sa iyo. Gusto kong magkaroon ka ng sarili mong pamilya na hindi ko maibibigay sa iyo. B@kla ako at straight guy ka, ayokong pagtawanan ka ng mga tao at kutyain, hindi kita mabibigyan ng anak. Makakahanap ka rin ng babae na mas babagay sa iyo,” hayag pa niya.
“Pero mahal kita, Ricky. Hindi ko alam kung makakahanap pa ako ng isang kagaya mo,” sagot ni Guillen na hinawakan ang kaniyang mga kamay.
Napaluha si Ricky sa sinabi ng lalaki. Pakiramdam niya ay napakasinsero talaga nito. ‘Di niya akalain na may isang straight na lalaki na magmamahal sa kaniya ng totoo, pero kung mahal siya ni Guillen ay mas mahal niya ito. Hangad niya na magkaroon ng maayos na buhay ang lalaking pinakamamahal niya, gusto niyang magkaoon ito ng asawa at mga anak na kahit kailan ay hindi niya maibibigay bilang pareho sila ng kasarian. Kahit mahal na mahal niya si Guillen ay handa siyang magsakripisyo.
“Makakahanap ka pa ng mas higit sa akin. Isang tunay na babae na mas karapat-dapat sa iyo. Hindi naman ako mawawala eh, narito pa rin ako bilang kaibigan mo. Mahal na mahal kita,” naluluha pa ring sabi ni Ricky.
‘Di na napigilan ni Guillen na yakapin nang mahigpit ang kaibigan.
“Napakabuti mong tao. Mahal na mahal din kita!”
Kahit ‘di sang-ayon ay tinanggap ni Guillen ang naging desisyon ni Ricky na maging magkaibigan na lang sila. Mas lalo siyang bumilib rito dahil mas pinili nitong isakripisyo ang sariling kaligayahan para sa kaniya.
Lumipas ang mga taon at nagkaroon ng kasintahang babae si Guillen na minahal din ng lalaki. Kagaya ni Ricky ay napakabait na babae ni Patricia kaya nauwi rin sa kasalan ang dalawa at biniyayaan ng dalawang anak. Masayang-masaya naman si Ricky para sa kaibigan niya dahil natupad ang gusto niya na magkaroon ito ng sariling pamilya.