Inday TrendingInday Trending
Hindi Sinipot ng mga Apo ang Imbitasyon ng Kanilang Lolo; Laking Pagsisisi Nila Pagkatapos Nito

Hindi Sinipot ng mga Apo ang Imbitasyon ng Kanilang Lolo; Laking Pagsisisi Nila Pagkatapos Nito

Animo’y magpapakain ng isang barangay si Lolo Orlando dahil sa dami ng kaniyang mga ipinahandang pagkain sa kaniyang mga katulong. Paano’y inimbita niya ang kaniyang mga apo na pumunta’t dalawin siya ng mga ito, dahil alam niyang magiging abala na ang mga ito dahil sa darating na kapaskuhan.

“Señor, mukhang hindi na ho yata darating ang mga apo n’yo. Ano po ang gagawin natin dito sa mga pagkaing ipinahanda n’yo?” tanong ng mayor domang si Aling Trining sa nalulungkot na matanda na noon ay mag-isang nakaupo sa hapag at mahigit tatlong oras na ring naghihintay sa kaniyang mga apo.

“Ipakain mo na lang sa mga kabarangay natin, Trining. Talagang wala na akong halaga sa mga apo ko ngayong sila’y naglakihan na…” may pagtatampong sabi naman ni Lolo Orlando.

“Grabe naman kayo, Lolo! Hindi po ba p’wedeng sobrang traffic lang talaga? Ang layo po kaya ng Maynila rito sa probinsya!”

Napalingon si Lolo Orlando sa kadarating lamang na si Paul. Pawis na pawis pa ito’t mukhang nagmadali nga sa pagbiyahe upang siya’y makahabol.

“Oh, ba’t parang ako lang ang narito? Nag-alisan na po ba ang iba?” takang tanong ng binata nang mapansing wala silang ibang kasama ng kaniyang lolo kundi ang mayor doma at iba pang mga katulong nito sa bahay.

“Ikaw lang talaga ang sumipot, hijo,” sagot ni Aling Trining. “Ikaw na siya pang pinakamalayo sa tirahan ng iyong lolo,” malungkot na dagdag pa nito na napapayuko sa nadaramang awa sa matanda.

Nawala naman ang ngiti sa labi ni Paul at agad na nilapitan ang kaniyang lolo at binigyan ito ng isang mahigpit na yakap.

“Huwag kang mag-alala, apo, ayos lang ako. Salamat at pinuntahan mo ako.” Masaya siya nitong inaya sa hapag at nagsalo sila nang gabing iyon sa pagkain.

Nalaman ni Paul na napakababaw pala ng mga dahilan ng kaniyang mga pinsan kaya hindi nila naisipang puntahan ang kanilang lolo. Mayroong naka-schedule daw kasing manood ng sine, may tinatamad, may trabaho at kung anu-ano pa.

“Ano ba naman ang isang araw na ilaan lamang ng mga pinsan mo para sa lolo n’yong siyang tumulong sa inyong mga magulang upang maging masagana ang pamumuhay n’yo?” naiiling na ani Aling Trinidad at napayuko naman si Paul.

“Kung alam ko lang na ako lang ang pupunta rito, ‘di sana’y isa-isa ko silang sinundo para naman matuwa si Lolo Orlando ngayong Pasko. Pasko naman, sana’y pinagbigyan na lamang muna nila siya.” Nakadama ng awa si Paul sa kaniyang lolo.

Lingid sa lahat ng apo ni Lolo Orlando’y mayroon pala talaga siyang balak… gusto na kasi niyang magretiro at bitawan ang kaniyang mga negosyo na balak niya sanang ipamana sa kung sino man sa mga apo niya ang sisipot sa kaniyang imbitasyon… at iyon ay walang iba kundi si Paul lamang.

Agad na ipinaayos ng matanda ang kaniyang mga papeles sa kaniyang abogado bago pa man niya ianunsyo ang tungkol sa pamanang kaniyang iiwan sa kaniyang apo…

Sising-sisi naman ang iba. Ang iba’y nagalit pa at pinagbintangang nagsisipsip lamang daw sa kanilang lolo si Paul, ngunit agad ’yong kinundena ng matanda.

“Lolo, bakit sa akin n’yo po ipinamana ang lahat? Sampu kaming magpipinsan, ’lo,” takang-takang tanong ni Paul sa kanilang lolo nang malaman niya ang ginawa nito.

“Para sa iyo talaga ang lahat ng iyan, apo. Gusto kong ikaw ang humawak ng lahat ng iyan dahil ikaw lang naman ang marunong sa inyong mga magpipinsan. Huwag kang mag-alala. Maaari mong gawin ang anumang gusto mong gawin sa mga negosyong ipinamana ko sa iyo at hindi ako makikialam…” nakangiting sagot naman ng kaniyang lolo.

Dahil doon ay nabuhayan ng loob si Paul. Alam niya ang ibig sabihin ng kaniyang lolo. Ipinatawag niyang muli ang abogado nito upang ilipat sa kaniyang mga pinsan ang iba sa mga ipinamana ng kaniyang lolo sa kaniya. Nagtira lamang siya ng tama para sa kaniyang sarili, at dahil doon ay lalong tumaas ang paghanga sa kaniya ng matanda.

Labis na napahiya naman ang iba pang apo ni Lolo Orlando kaya naman noon ay sabay-sabay na nagpuntahan na ang mga ito upang humingi ng tawad kay Paul at sa kanilang Lolo Orlando. Masayang-masaya naman ang butihing binata dahil alam niyang walang pag-ibsan ng galak ang puso ng kanilang lolo nang magkasama-sama silang muli ngayong Pasko.

Advertisement