Inday TrendingInday Trending
Ikinatuwa ng Marami ang Gimik ng Batang Tindero; Umaawit Kasi Ito Habang Nagtitinda

Ikinatuwa ng Marami ang Gimik ng Batang Tindero; Umaawit Kasi Ito Habang Nagtitinda

Bata pa lamang ay kinakitaan na ng talento sa pag-awit ang batang si Nonoy, ngunit dahil na rin sa kahirapan ng buhay ay hindi nagawang suportahan ng kaniyang mga magulang ang hilig niyang ito.

May sakit kasi ang ina ni Nonoy sa bato, kaya naman sa murang edad pa lamang ay natuto na siyang magbanat ng buto upang makatulong sa kaniyang amang pagod na rin sa araw-araw na pagkayod.

Sa umaga’y nag-aaral si Nonoy habang sa hapon naman ay nagtitinda siya ng banana cue at kung anu-ano pang merienda upang kumita’t may maipandagdag sa kanilang panggastos.

Linggo nang araw na iyon kaya naman maaga pa lang ay nagsimula nang magtinda si Nonoy ng banana cue sa kahabaan ng kalsada ng kanilang barangay. Mainit ang panahon ngunit ganadong-ganado pa rin ang bata sa kaniyang ginagawa, dahil alam niyang matutuwa ang kaniyang ina oras na maubos niya ang kaniyang mga dalang paninda…

Ngunit napakatumal ng mga bumibili nang araw na iyon. Nagpatuloy pa rin si Nonoy sa pagtitinda kahit pa nga halos wala nang bumibili sa kaniya. Upang hindi madama ang pagod ay kumakanta-kanta at humihimig-himig na lamang siya habang naglalakad, hanggang sa madinig siya ng isang napadaan lamang na babae…

“Wow, bata! Ang ganda naman ng boses mo. Kantahan mo nga ako’t bibili ako ng dalawa diyan sa tinda mong banana cue,” sabi nito at agad namang nagsimulang kumanta si Nonoy.

Tinupad naman ng babae ang kaniyang sinabi. Sa katunayan nga ay ginawa na nitong lima ang binibiling banana cue sa kaniya dahil sa sobrang tuwa nito sa ganda ng kaniyang tinig.

Dahil doon ay nakaisip ng gimik ang batang si Nonoy. Simula noon ay kumakanta na siya habang nagtitinda upang makahakot ng kostumer. Lagi tuloy nasasaid ang kaniyang mga paninda na ikinatutuwa naman ng kaniyang mga magulang.

Ngunit hindi lamang iyon. Dahil sa dami ng mga taong kaniyang nakasasalamuha ay maraming mga talent scouts ang kaniyang nakilala at ginusto siyang kunin upang mag-audition sa iba’t ibang programa sa telebisyon.

“Hindi ko akalaing mararating mo ang ganito, anak, dahil sa talento mong hindi man lamang namin nagawang suportahan ng ’yong ina,” malungkot na anang ama ni Nonoy, matapos niyang umuwi noon mula sa paga-audition. Ibinalita niya kasing natanggap siya upang sumalang sa isang patimpalak. Bukod doon ay may dala pa siyang isang bagong telebisyon na regalo pa ng isang nakilala niyang artista na humanga rin sa kaniyang galing.

“Itay, ano ba naman kayo?! Kayo po ni Inay ang inspirasyon ko kaya ko ginagawa ito. Huwag n’yo pong iisipin na wala kayong ambag sa mga natatamasa ko ngayon dahil kung hindi po dahil sa inyo’y wala ako rito…” masayang sagot naman ni Nonoy sa ama bago ito binigyan ng isang mahigpit na yakap.

Sumabak si Nonoy sa patimpalak at ganoon na lamang ang kanilang tuwa nang makuha niya ang first prize dahil hinirang siya bilang champion! Sikat na sikat si Nonoy ngayon at talaga namang mas dumami pa ang mga taong humahanga sa kaniya.

Nanalo siya ng bahay at lupa, kontrata sa network kung saan siya sumali upang maging opisyal na singer doon at ngayon ay hindi na rin niya poproblemahin pa ang pagpapaaral sa kaniya dahil may nagbigay rin sa kaniya ng scholaraship.

Ngunit ang lahat ng iyon ay walang-wala kumpara sa sayang idinulot ng paggaling ng ina ni Nonoy mula sa sakit nito! Talagang napakalayo na ng narating ng dating tindero ng banana cue.

Inilabas sa iba’t ibang programa ang kaniyang kuwentong buhay na talaga namang nakaantig sa puso ng maraming mga Pilipino, katulad ng kung paano sila maantig sa mismong tinig ng batang si Nonoy.

Naging tuloy-tuloy ang kaniyang naging pag-asenso sa buhay. Dumami nang dumami ang kaniyang mga fans ngunit magkaganoon pa man ay nanatiling nakatapak ang kaniyang mga paa sa lupa. Hindi nakalimot ang bata sa kaniyang pinanggalingan kaya naman sa tulong ng kaniyang mga magulang, ngayon ay tumutulong na rin sila sa mga kapwa nila kapus-palad noon.

“Humahanga kami sa iyo, anak. Sana ay dumami pa ang mga batang katulad mo na marunong sa buhay at ginagamit ang lahat ng natatamasang biyaya upang maging maganda, hindi lang ang sarili nating buhay, kundi pati na rin sa iba.”

Labis na natutuwa si Nonoy sa mga papuri ng kaniyang mga magulang na hanggang sa siya’y tumanda ay itinatak na niya sa kaniyang isipan.

Advertisement