Inday TrendingInday Trending
Inabandona ng Ina ang Asawa’t Anak Na May Sakit; Magsisisi Siya sa Aabuting Karma!

Inabandona ng Ina ang Asawa’t Anak Na May Sakit; Magsisisi Siya sa Aabuting Karma!

Kumalat sa social media ang litrato ng isang amang karga-karga ang kaniyang may sakit na anak habang nagtitinda siya ng basahan sa daan upang may maipambili ng gamot ng bata. Umani ng napakaraming reaksyon mula sa mga netizens ang sitwasyon ng mag-ama. Maraming naaawa, kaya naman dahil doon ay bumuhos din ang tulong para sa kanila.

“Maraming-maraming salamat sa inyo, ma’am, sir!” magkasalikop ang mga kamay na hinging pasasalamat ni Mang Gregor sa mga bagong taong naghatid ng tulong para sa kanila ng kaniyang anak. Sa tagal kasi ng panahong ginugol niya sa pagtitinda ng mga basahan sa daan ay ngayon lamang niya nadala ang kaniyang anak sa ospital.

“Naku, Mang Gregor! Walang anuman po iyon. Naaawa lang po talaga kami kay baby.” Tinapik pa ni Ma’am Jane ang kaniyang balikat. “Nga pala, nasaan po ang misis n’yo?” kapagkuwa’y tanong nito sa kaniya.

Doon ay napayuko si Mang Gregor… “Iniwan niya na po kami buhat nang magkasakit ang anak namin. Ni hindi ko na nga po alam kung saan ko siya hahanapin, eh,” maluha-luha pa niyang pag-amin sa babae. Dahil doon ay nakaisip itong gumawa ng isang panawagan para sa asawa ni Mang Gregor…

“Hoy, Melba! Ano itong nababalitaan kong may asawa’t anak ka na pala?!”

Nanlaki ang mga mata ni Melba—ang nawawalang asawa ni Mang Gregor—nang sugurin siya ng nanay ng lalaking kaniya na ngayong kinakasama.

“H-ho?!” Hindi malaman ni Melba ang gagawin at sasabihin dito. Akma niya pa nga sanang itatanggi ang ibinibintang nito nang halos isampal nito sa kaniyang pagmumukha ang hawak nitong cellphone. Doon ay nalaman niyang kalat na kalat na pala kasi sa Facebook ang kaniyang pagmumukha, dahil isiniwalat ng kaniyang asawa ang ginawa niyang pag-aabandona rito at sa may sakit pa man din nilang anak.

Grabe ang kabang nadarama ni Melba, lalo pa’t dalaga ang pakilala niya sa lalaking kinakasama niya ngayon na nakilala lamang naman kasi niya sa Facebook. Hindi nga nagkamali ang kaniyang kutob dahil nang pag-uwi nito’y galit na galit ang kinakasama niya na nagawa pa siyang pagbuhatan ng kamay bago palayasin!

“Ang sabi mo sa akin, dalaga ka. Iyon pala’y may asawa’t anak ka nang inabandona kahit may sakit pa! Wala kang kuwentang tao!” Inihagis ng lalaki ang kaniyang mga damit palabas ng inuupahan nilang bahay.

Nagmakaawa pa siya rito na huwag siyang palayasin ngunit talagang desidido ito. Dahil doon ay napilitan si Melba na bumalik na lamang sa kaniyang tunay na mag-ama. Nang mga panahong iyon ay maayos na ang kalagayan ng kanilang anak, ngunit hindi iyon ang iniisip ni Melba. Mas natuwa pa siya sa isiping marami nang pera ngayon ang kaniyang asawa dahil sa mga donasyong natanggap nito para sa kanilang anak.

“Ano kamo, babalik ka sa amin?” kunot-noong tanong ni Mang Gregor sa kaniyang asawang bigla na lamang umuwi sa kanilang bahay nang araw na iyon.

“Oo… naisip ko kasi na kailangan pala ako ng anak natin kaya naman umuwi na ako,” pagsisinungaling naman ni Melba ngunit tanging iling lamang ang isinagot ni Mang Gregor sa kaniya.

“Pasensiya ka na, pero hindi namin kailangan ang katulad mo rito. Alam kong umuwi ka lang dahil pinalayas ka ng kinakasama mo… nagpadala siya sa akin ng mensahe sa Facebook para ipaalam na parehas lang kaming biktima mo,” sagot pa ni Mang Gregor pagkatapos ay agad siyang sinaraduhan ng pintuan.

Nanlumo si Melba ngunit wala na siyang nagawa kundi umalis na lamang sa teritoryo ng dating asawa dahil pinagtitinginan na siya ng mga kapitbahay. Nakaramdam siya ng panghihinayang sa nakikitang kagandahan ng buhay ng kaniyang mag-ama ngayon. Wala na siyang mapupuntahan. Hindi naman siya maaaring magtungo sa mga kamag-anak niya dahil siguradong hindi rin nila siya tatanggapin.

Ilang araw nang namamalagi si Melba sa lansangan nang malaman niyang nagdadalantao pala siya. Dahil doon ay lalong nakaramdam ng pagkabalisa ang babae na kalaunan ay naging dahilan upang mawala sa kaniya ang bata sa kaniyang sinapupunan.

Natakot si Melba sa sunod-sunod na mga pangyayari sa kaniyang buhay… tila ba pinarurusahan siya ng kapalaran dahil sa ginawa niya sa kaniyang mag-ama at dahil doon ay tuluyan niyang pinagsisihan ang kaniyang mga nagawa. Humingi siya ng tawad kay Mang Gregor at nangakong kahit hindi na sila nagsasama’y sisikapin niya pa ring bumawi sa kanilang anak at hindi naman ito tinutulan ng dating asawa.

Advertisement