Inday TrendingInday Trending
Pinagpapasahan ng Magkakapatid ang Pag-aalaga sa Ina; Tatlong Larawan Nito ang Magbabaligtad ng Kanilang Mundo

Pinagpapasahan ng Magkakapatid ang Pag-aalaga sa Ina; Tatlong Larawan Nito ang Magbabaligtad ng Kanilang Mundo

“Hello ate? Ano? Kailan mo ba kasi kukunin dito si nanay?! ‘Di ba dapat nung isang linggo pa?” malakas ang boses ni Janice habang kausap sa telepono ang ateng si Lisa.

“Eh nasa bakasyon pa kami! Ikaw na muna ang mag-alaga dyan, maiinis lang ang mga bata kapag sinama namin ‘yan dahil makulit daw at tanong nang tanong sa kanila,” iritang sagot naman ng nasa kabilang linya.

“Sabihan mo nga si Kuya! Hindi porket siya ang nagtutustos ay wala na siyang responsibilidad mag-alaga, ano siya swerte?!” nauubusan na ng pasensya na sabi ni Janice.

“Eh alam mo namang takot sa asawa yun si Kuya Fred. At ayaw na ayaw ng bruhang asawa niya na nandun si nanay. Bahala na, sige, sabihan kita kapag nakauwi na kami.” Iyon lang at natapos na ang tawag.

Lingid sa kaalaman ni Janice ay narinig lahat ni Aling Martha mula sa sala ang pag-uusap nilang magkapatid. At talaga namang nasaktan ang loob ng matanda sa narinig mula sa mga anak. Mabigat sa loob niyang maging pabigat sa mga ito ngunit wala siyang magawa kung hindi ang maiyak. Napaupo siya sa sofa at aksidenteng nasagi ang lamp shade sa gilid sanhi upang bumagsak iyon sa sahig.

“Ano ba naman ‘yan, ‘nay! Ang mahal ng bili ko d’yan sa lamp na ‘yan!” iritableng bulyaw ng dalaga sa ina. Sa inis ay umalis na lang si Janice sa bahay at nagpasyang magpalipas ng oras kasama ang mga kaibigan, day-off niya kasi nang araw na iyon.

Dahil sa katandaan at awa sa sarili ay unti-unting bumagsak ang kalusugan ni Aling Martha. Nahihiya siyang banggitin pa sa mga anak ang nararamdaman kaya’t tiniis na lamang ng matanda. Hindi napansin ni Janice ang kalagayan ng ina hanggang isang araw nga, naabutan niya itong nakabulagta at walang malay sa sala.

“’Nay!” sigaw ni Janice. Labis-labis na pag-aalala ang naramdaman ng dalaga, ngunit sa kabila ng pagkataranta ay nagawa naman niyang maisugod sa ospital ang kaniyang ina. Doon lang napag-alaman na mayroon pala itong canc*r at nasa pinakamalalang stage na iyon. Nanghina si Janice sa narinig.

Tinawagan niya ang Ate Lisa at Kuya Fred. Sa pagkakataong iyon ay hindi upang magreklamo sa mga ito tungkol sa pag-aalaga sa ina kung hindi para sabihin ang masamang balita. Ngunit umabot pa ng halos isang linggo bago dumalaw ang mga ito.

“Bakit ngayon lang kayo dumating?! Alam niyo bang hirap na hirap na ko sa pag-aalaga kay nanay, tapos kayong dalawa, nagpapakasarap sa mga buhay ninyo?! Pati ba naman ngayong may sakit siya, sa akin niyo pa rin iaasa ang lahat?” panunumbat ni Janice sa mga kapatid.

“Ikaw ang yabang mo ‘no? Natural ikaw dapat ang mag-alaga dahil ikaw ang walang pamilya. At saka tutulong naman kami ‘pag kaya eh!” nagsisimula na ring tumaas ang boses na sabi ni Lisa.

“Pasensiya na kayo… alam niyo namang mainit ang dugo ng asawa ko kay nanay.” Matalas na tingin lang ang ibinato ng magkapatid sa kuyang nagsalita.

Naputol lang ang pagbabangayan ng magkakapatid nang marinig nila ang tinig ni Aling Martha.

“Mga anak… tama na,” nanghihinang awat nito. Natahimik naman ang tatlo ngunit wala sa kanila ang nagtangkang aluin ang kawawang matanda. Binasag ulit ni Aling Martha ang katahimikan nang ipaabot niya ang pitaka kay Janice, at mula doon ay inilabas ang tatlong larawan.

“Makinig kayong mabuti sa akin. Alam kong nagiging pabigat na ako sa inyo, marahil ay noong bata pa lang kayo ay may tanim na kayong sama ng loob dahil palagi tayong kapos, at palagi kayong dumidiskarte para sa mga sarili niyo. Patawad sa mga pagkukulang ko bilang ina. Ngayon mukhang malapit na ang oras ko, gusto kong malaman ninyo ang katotohanan..”

Isa-isang iniabot ni Aling Martha sa bawat isa sa kanila ang larawan.

“Fred, marahil ay may sapantaha ka na noon pa kaya malayo ang loob mo sa akin. Oo, hindi ako ang tunay mong ina. Anak ka ng matalik kong kaibigan na nasa litrato. Hindi ka niya kayang buhayin at lumuhod sa harap ko upang tanggapin kita. Ikaw naman Lisa, marahil ay galit ka sa akin dahil hindi ko parating naibibigay ang gusto mo, ngunit nais kong malaman mon a tinuring din kita bilang tunay na anak. kahit pa nga na ang tunay mong magulang ay ang dati kong amo. Ipalalaglag ka o ‘di kaya’y ipaaampon, pinigilan ko sila at nakiusap na ibigay ka na lang sa akin. Akala ko huling pag-aampon ko na iyon, ngunit nakita ko ang isang sanggol na kawawang iniwan lang sa may palengke, ikaw ‘yun Janice… Ewan ko ba naman at kung bakit naisipan kong dagdagan pa ang alagain ko… pero wala akong pagsisisi. Masaya akong palakihin kayong tatlo, at sapat na sa akin ang makita kayong nasa maayos bago pa man ako pumanaw…” nanghihinang sabi ni Martha.

Pagtingin niya sa mga batang inampon ay kapwa umaagos ang luha ng mga ito habang nakatingin sa mga larawang ibinigay niya. Hindi makapaniwala sa kaniyang mga ipinagtapat. Sa isang iglap ay nabago ang tingin nila sa kaniya. Kung dati ay tingin nila dito ay isang inang pabigat at alagain, ngayon ay nakikita nila ito bilang isang bayani na kumalinga sa kanila. Kung wala ito ay wala sila!

Walang nasabi ang tatlo at humahagulgol na yumakap kay Aling Martha.

“Naging makasarili kami ‘nay, patawad po…” iyon lang ang tanging nasambit ng tatlo.

Hiyang-hiya sila sa kanilang asal. Noong mga sanggol pa lamang sila at walang tahanan, ito ang kumupkop sa kanila. Ngunit ngayong malalaki na sila, pinaramdam nilang hindi ito welcome at pabigat lang sa kanilang mga buhay.

Wala silang naramdamang galit kung hindi labis na pasasalamat sa mga ginawa nito para sa kanila. Simula noon ay sinulit ng tatlong magkakapatid ang natitirang panahon upang iparamdam ang pagmamahal kay Aling Martha. Kahit ano pang sabihin nito, ito pa rin ang ina nila. Sa pagpanaw nito, lalo silang naging malapit sa isa’t isa kahit hindi sila tunay na magkakapatid. Natutunan nilang hindi talaga nasusukat ang pamilya sa dugo lamang, kung hindi sa pagmamahal, pagkalinga, at sakripisyo ng bawat isa para sa isa’t isa.

Advertisement