Mahal ng Mag-ama ang Isa’t Isa; Isang Nakakatawa Ngunit Nakakabusog sa Pusong Pangyayari ang Kinalabasan ng Kanilang Pagsasakripisyo
“’Tay! Tulungan ko na po kayo. Naku ang bibigat pala nito, bakit ‘di niyo po ginamit ang tricycle?” tanong ni Ryan nang gabing iyon na umuwi mula sa trabaho si Mang Tinyo. Bitbit-bitbit nitong lahat ang mga hugasin tulad ng mga malalaking kaldero at kawali.
Mayroon silang munting lugawan na matagal-tagal nang pinatatakbo na ng kanilang pamilya. Noong nabubuhay pa ang kaniyang ina ay katu-katulong ito ng ama sa lugawan. Ngunit kahit wala na ang kaniyang ina, nanatili ang lugawan at ngayon nga ay marami na rin silang parokyano, minsan pa ay nagdedeliver sila ng meryenda.
“Ay naku, hayun at bumigay na naman. Alam mo naman, kakarag-karag na iyon eh,” sabi ng ama sabay abot sa kaniya ng ilang bitbit nito.
“Ho? Eh paano po kayo nagdeliver ngayo—teka. ‘Tay.. sabi na sa inyo na huwag na lang kayong magdeliver kung magbibisikleta kayo eh. Delikado ho,” nag-aalalang sabi ni Ryan.
“Naku ehersisyo din ‘yun ‘no! Ang tricycle lang ang kakarag-karag, pero itong ama mo, malakas pa!” masiglang sabi ni Mang Tinyo na sinabayan pa ng tawa.
Napatawa na lang din si Ryan sa biro ng ama. Napakaswerte niya talaga dito. Kahit halatang pagod ito ay palagi pa rin siya nitong inaasikaso. Noong nabubuhay pa ang kaniyang ina ay katu-katulong ito ng ama sa lugawan. Ngunit ngayong wala na ito at nag-aaral na siya, halos ito na lahat ang sumasalo ng lahat ng trabaho sa lugawan. Mabuti nga at napilit niya pa itong kumuha miski isang katulong. Dahilan nito lagi ay nagtitipid daw ito. Alam ni Ryan na nag-iipon ito dahil ilang buwan na lang ay papasok na siya sa kolehiyo.
“Oh kumusta pala iyong inapplyan ninyo na iskolarship?” pangangamusta nito nang makapasok na sila sa bahay.
Nag-aalangan si Ryan na sabihin ditong nakapasa siya. Dahil hindi lang siya nakapasa, kung hindi nakakuha pa siya ng malaking oportunidad. Hilig kasi niya ang pagkuha ng mga larawan, at nakita ng isang ‘Kano na nag-interview sa kaniya ang kaniyang mga kuha gamit ang kaniyang mumurahing kamera. Labis itong humanga at inalok siyang pag-aralin pa sa ibang bansa. Sagot nito ang lahat.
Nagpapasalamat siya ngunit sa loob-loob niya, ayaw niya munang iwang mag-isa ang ama. Gusto niya pa itong makasama nang matagal dahil silang dalawa na lang ang natitira.
“Ah… eh, okay naman ho. Mukhang makakapasa po si Miko,” paglilihis niya sa usapan.
Lumipas pa ang ilang araw na pilit iwinaksi ni Ryan ang offer sa isipan. Kahit naman dito siya sa Pilipinas mag-aral, tiyak na kung pagbubutihin niya ay makakakuha rin siya ng ibang iskolarship at magtatagumpay.
Araw-araw ay sinisikap niyang tulungan kahit papaano ang ama sa lugawan. Nakita niya ang paghihirap nito para lamang makaipon para sa kaniya. Malapit na rin ang Pasko kaya nais ni Ryan na suklian ang kabutihan ng ama sa kaniya.
Matagal niyang ipinagdasal at pinag-isipan ang regalong ibibigay dito. Isang second-hand na tricycle ang balak niyang bilhin gamit ang inipon niyang allowance. Ayaw na kasi niyang maulit ang nangyari na sumemplang sa bisikleta ang ama at nabalian pa.
Ngunit kulang pa ang kaniyang pera, kaya napagdesisyunan niyang ibenta na rin ang kaniyang lumang kamera. Katwiran niya sa sarili ay mabibili naman niya ulit iyon kapag nagkatrabaho na siya. Ang mahalaga ay mapagaang niya kahit papaano ang trabaho ng kaniyang ama.
Araw ng Pasko, nagpasya sila na espesyal na hapunan lang ang gagawin nila. Excited na tinawag ni Ryan ang ama mula sa kwarto nito, plano niyang piringan ito at dalhin sa likod-bahay kung saan ipapakita niya ang bagong biling tricycle.
“Sige anak, pakitingin mo nga din muna iyong niluluto ko sa kusina,” sabi nito. Ngingisi-ngising tumungo si Ryan sa kusina ngunit nabura ang ngiti niya nang makita ang isang bagay na nakapatong sa gitna ng la mesa. Dahan-dahan siyang lumapit at tiningnan iyong mabuti. Isa iyong bagong modelo ng kamera!
Tuluyang naluha si Ryan nang makita si Mang Tinyo na nakangiti lang na nakatingin sa kaniya.
“Alam ko ang tungkol sa offer sa iyo sa ibang bansa Ryan, naikwento ni Miko. Siyempre alam kong luma na ang kamera mo kaya hayan, binilhan kita ng bago. Galingan mo dun ha!” sabi nito na nakangiti ngunit may namumuo ring luha sa mga mata.
Hindi makapaniwala si Ryan. Napakamahal ng kamerang iyon. Malamang ay ginamit ng ama ang savings nito pati ang puhunan sa lugawan para makabili noon.
“Pero ‘Tay! Ang mahal mahal nito, paano ang lugawan?!” nag-aalalang sabi ng binata.
“Hindi ko muna bubuksan ang lugawan. Huwag kang mag-alala, madali lang naman makaipon ng puhunan para doon, ako pa,” sabi nito sabay tapik sa kaniyang balikat.
“Pero ‘tay! Sabi niya sabay takbo sa likod-bahay. Nagtatakang sinundan siya nito. Nanlaki ang mata ng matanda nang makita ang isang bagong tricycle na nakaparada doon.
“Hindi ko po tinanggap ang offer dahil gusto ko pa po kayong makasama. Binenta ko rin po ang kamera ko para masigurong ‘di niyo ko pipilitin. Ginamit ko na rin ang pera para makabili ng tricycle na magagamit niyo sa pagdedeliver,” mahabang paliwanag ng binata.
Wala na silang lugawan kaya wala nang silbi ang tricycle. Tinanggihan na niya ang offer kaya wala nang silbi ang mamahaling kamera! Nabasag ang mahabang katahimikan ng tawa ni Mang Tinyo. Ilang sandali lang ay sinaluhan na rin siya sa pagtawa ni Ryan.
Napuno ng luha at tawanan nilang dalawa ang gabing iyon. Nakakatawa man ang kinalabasan ng kanilang mga desisyon, napuno ng puso ang kaligayahan dahil sa pagmamahal na nakita nila sa bawat isa. Tunay ngang ang tunay na diwa ng Pasko ay ang pagbibigayan at pagmamahalan.