
Bumalik sa Probinsya ang Babae Upang Ipagyabang sa mga Kamag-anak ang Kaniyang Tagumpay; Nagulat Siya sa Kaniyang Natuklasan
“Ano kamo? Gusto mong sa Maynila mag-aral ng kolehiyo?” hindi makapaniwalang tanong ng inang si Mabel sa anak na si Helen. Gulat na gulat din ang kaniyang ama sa ipinahayag.
“Ngunit anak… alam mo naman mahirap ang kita dito sa atin sa bukid. Hindi natin kayang ipadala ka roon,” nag-aalalang sabi ni Mang Mario.
“Alam ko ‘tay… pero wala naman akong mararating kung dito lang ako sa probinsya mananatili eh,” determinadong sabi ni Helen. Ang mga tiyahin at pinsang naroon ay napasinghap din sa sinabi niya.
“Aba, grabe’t wala ka pa sa Maynila ay mahangin ka nang magsalita, Helen! Parang sinasabi mo yata na wala kaming narating ng mga tiyuhin mo,” nakataas ang kilay na sabi ng tiyahing si Gilda. Nagsitanguan naman ang iba pa.
Hindi nalang nagsalita si Helen kahit pa nasaktan siya sa sinabi ng mga kamag-anak. Sa loob-loob niya ay naiinis siya sa mga ito dahil tila ba wala itong mga pangarap na makaalis doon. At isa pa, parang pakiramdam niya ay pati siya ay hinihila ng mga ito pababa, kaya talaga namang kating-kati na siya na makaalis roon.
Ngunit lalong sumama ang loob ni Helen dahil tila pati sarili niyang pamilya ay ayaw siyang suportahan sa kaniyang pangarap. Hanggang isang araw nga ay nagpasya na lang siyang makipagsapalaran sa Maynila at iwan ang pamilya nang walang pasabi. Kung ayaw ng mga itong tulungan siya, mag-isa siyang babangon at tutuparin ang mga pangarap niya.
Naging mahirap ang buhay ni Helen pagdating sa Maynila. Kinailangan niyang pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho para lang matustusan ang sarili. Naging puhunan niya ang hinanakit sa pamilya upang magpatuloy. Mabuti na nga lang din at nagkaroon siya ng iskolarship na sumuporta sa kaniya sa buong apat na taon sa kolehiyo.
Sa paglipas ng panahon ay hindi nawala ang galit niya sa pamilya. Kaya nga kahit ni isang beses ay hindi niya kinontak ang mga ito sa probinsya. Hindi nagtagal ay nakapagtapos siya at naging isang ganap na engineer. Sa wakas ay naabot niya ang mga pangarap, nakapagpatayo ng bahay, at nakabili ng kotse.
Sa wakas, ngayong mayaman na siya ay maaari na siyang makabalik at maipamukha sa mga ito na kaya niya kahit mag-isa lang siya. Siyempre, balak niya namang abutan ang pamilya ng tulong, ngunit mas nauuna sa puso niya ang pagnanais na ipagmalaki sa mga kamag-anak ang kaniyang mga nakamit.
Hinanda nga ni Helen ang sarili. Nagsuot ng mamahaling damit, at nagshades pa. Gamit ang kaniyang mamahaling kotse ay binagtas niya ang pamilyar na daan pabalik sa kanilang munting baryo. Wala pa ring maayos na daan, tanda na wala pa rin talagang nagbabago sa lugar.
Napapalatak siya sa isip, “malamang ay mahirap pa rin ang mga tao kahit magpakakuba sila sa pagkayod.”
Nang papalapit na siya sa pamilyar na bukid nila ay nagtaka siya dahil imbis na palayan ay isang batong bahay na ang nakatayo doon. Saglit niyang naisip na baka umasenso na rin ang iba niyang kapatid, ngunit iwinaksi niya iyon sa isip.
“Paano aasenso ang mga iyon eh ni wala nga iyong mga pangarap,” pangmamaliit pa ni Helen sa isip niya. Nakumpirma niya nga na hindi sa kanila ang malaking bahay na iyon nang makilala ang mga taong nakatanghod sa kaniyang mamahaling sasakyan. Iyon lang naman ang mga tiyahin at pinsan niya. Namataan niya rin ang kaniyang mga kapatid at ina sa gilid ng kalsada.
Heto na ang pagkakataon niyang ipakita sa mga ito ang tagumpay niya. Hininto niya ang kotse sa tapat ng mga ito at bumaba doon. Tinanggal niya ang suot na shades at siniguradong kita nito ang hawak niyang mamahaling bag.
Napanganga ang mga ito nang makilala siya. Ngunit nagulat siya nang imbes na ang inaasahan niyang naiinggit na tingin ay matatamis na ngiti pa ang salubong ng mga ito sa kaniya.
“Ate Helen! Bumalik ka! At wow ang yaman mo na!”
Nagulat siya nang yakapin siya ng ina, at sumunod na rin ang mga kapatid niya. Pati ang Tiya Gilda niya ay may luha sa mga mata habang proud na nakatingin sa kaniya.
“Masaya ako Helen na nagtagumpay ka sa buhay! Sulit ang lahat ng sakripisyo ng buong pamilya para sa’yo. Wala kaming nais na kapalit kung hindi makita ka lang ulit. Salamat sa pagbisita…” umiiyak na sabi ng ina niyang si Mabel.
“Oo nga ate! Tiyak na matutuwa si Tatay! Kahit naibenta na ang bukid, natupad mo naman ang mga pangarap mo. Alam naman naming lahat na kaya mo eh!” sabi pa ng kapatid niya. Naguguluhan si Helen. Sakripisyo para sa kaniya? Ibinenta ang bukid? Bakit? Ganoon na ba kahirap ang mga ito?
“Naku bata ka! Hindi mo man lang kami tinawagan para ipaalam na ligtas ka! Alam mo bang ang ama mo pa mismo ang lumuhod kay mayor para lamang mahanap ka, at pumayag na siyang ibenta ang bukid niya na matagal nang pinagnanasaan nun para lang mapasok ka sa iskorlarship. Naku matutuwa iyon na sulit iyong lahat!” sabi ni Tiya Gilda.
Hindi makagalaw si Helen dahil sa lahat ng nalaman. Ang buong akala niya ay walang pakialam at suporta ang mga ito sa kaniya. Ang totoo pala ay ang mga ito pa ang tunay na dahilan kung bakit siya nagka-iskolarship, at kung bakit niya tinatamasa ngayon ang tagumpay. Hiyang-hiya siya sa sarili dahil naging mapagmataas siya.
Nang makita niya ang ama na papalapit sa kanila ay agad niya itong sinalubong ng yakap at humingi ng tawad. Nagkamali siya at labis ang pagkakasala niya sa mga ito sa kaniyang puso. Simula noon ay nangako siyang babawi sa lahat ng oras na nawala sa kanila.
Natutunan niya na mapait ang tagumpay kung bunga iyon ng paghihiganti, ngunit nagiging matamis naman kung ibabahagi mo sa mga taong nagmamahal sa iyo.