Inday TrendingInday Trending
Utusan sa Barangay ang Uhuging Bata Ngunit Isang Araw ay Hindi na Lang Ito Lumabas ng Bahay; Ito Pala ang Dahilan

Utusan sa Barangay ang Uhuging Bata Ngunit Isang Araw ay Hindi na Lang Ito Lumabas ng Bahay; Ito Pala ang Dahilan

“Hoy Bentong! Bili mo nga muna kami ng yelo doon kila Aling Tess, bilis!” malakas na utos ng sigang si Billy sa walong taong gulang na bata.

“Paisa-isa ka naman, boss!” kakamot-kamot sa ulong reklamo ng bata sabay punas ng uhog sa braso.

“Aba! Reklamo ka pa! Bilis, may limang piso ka sa’kin mamaya,” mayabang na pang-uuto pa ni Billy. Kantyaw naman ang inabot ni Bentong sa ilan pang mga nakatambay doon.

“Naks! Takbo na, Bentong! Limang piso rin yun oh!” sabi ni Manang Nena na nakarinig din sa kantyawan sa kanto. Malaki ang ngisi na tumakbo naman si Bentong upang sumunod sa pinag-uutos.

Tawanan pa ang mga tao nang muntik itong masubsob dahil sa pagtakbo. Kilala ang batang si Bentong sa buong barangay dahil madalas ay lagi itong utusan ng kung sino-sino. Payat at maliit si Bentong kaysa sa mga kaedad nito, at tila permanente na ang uhog sa nguso. Hindi ito pumapasok sa eskwela dahil mahirap lang ang pamilya nito. Wala na ngang nanay ay lasinggero pa ang tatay. Ang mga kapatid naman ay kaniya-kaniya na rin sa kanilang buhay.

Dahil walang nag-aasikaso ay laman ng kalye ang bata at madalas tampulan ng tukso ng mga taga-roon. Madalas itong nakatanghod sa inuman nila Billy at ng mga tropa nito at naghihintay na utusan. Kasi tiyak na may iaabot sa kaniya na barya pagkatapos siyang utusan.

Isang pangkaraniwang gabi sa kanto, nag-iinuman sina Billy kasama ang tropa, at gayundin nagkukwentuhan ang mga tao sa gilid ng kalsada, himalang hindi nakatanghod ang batang si Bentong sa kanila.

“Hoy nakita mo ba si Bentong? Wala tayong mautusan eh,” maereng tanong ng binatang si Billy sa mga kasama. Sa katunayan ay ang pamilya nila Billy ay kilalang may kaya sa kanilang barangay, ngunit nagrerebelde ang binata dahil laging wala ang mga magulang nito. Iyon ang dahilan kaya’t gabi-gabi ito sa kanto.

“Ilang araw na ngang hindi nagpapakita yun sa amin, nagagalit na tuloy nanay ko kasi naiipon na ang basura. Mukhang binugb*og na naman siguro ng tatay ‘yun,” sagot ng isa pa.

“Tsk,” tanging nasabi ni Billy. Ang tatay ni Bentong na si Mang Riko ay literal na lasing araw-araw simula nang pumanaw ang asawa. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na madalas nitong pagbuhatan ng kamay ang mga anak, at ngayon nga na nagsipag-asawa na ang iba, si Bentong ang sumasalo ng lahat ng tira nito.

Ilang araw pa ang lumipas at marami nang residente sa barangay ang nakapansin na tila hindi na lumalabas ng bahay si Bentong.

“Naku po ang basura sa amin tambak na!”

“Ano pa, wala na rin akong taga-igib,” reklamo ng ilan.

Hanggang sa isang araw na lasing si Billy ay nagpasya itong puntahan ang maliit na barong-barong nila Bentong.

Sisiga-siga sa barangay si Billy ngunit halata naman ng lahat na may malasakit ito kay Bentong dahil panay ang abot nito ng barya sa bata kapag mag-uutos. Marahil ay nakikita nito ang sarili sa bata na kapwa niya kulang sa kalinga ng magulang, ngunit mas malas pa dahil mahirap ito.

Pagdating sa tapat ng tirahan nila Bentong ay sumilip si Billy sa kawang ng pinto. Nakita niyang nakahilata lang sa sahig si Mang Riko na malamang ay lasing. Aalis n asana siya dahil mukhang wala naman doon si Bentong ngunit napatigil siya nang marinig ang munting iyak. Napalingon siya at nakita ang isang sakong nasa ibabaw ng mataas na aparado, ang nag-iisang gamit sa loob ng bahay. Muli niyang narinig ang tunog na tila iyak ng isang bata.

Kinilabutan siya at tila nahimasmasan sa hinalang pumasok sa isip. Mabilis siyang pumasok sa barong-barong at ibinaba ang mabigat na sako kung saan nanggagaling ang munting iyak.

Mabilis niyang tinanggal ang pagkakatali at labis na kinilabutan nang makumpirma ang hinala. Si Bentong nga ang nasa loob ng sako!

Napasigaw siya at nanghingi ng tulong nang makita ang hitsura nito. Pawis na pawis at puno ng pasa sa muka at patpating katawan. Mabilis na nagsidatingan ang mga kapitbahay at nang makita ang kondisyon ng kawawang si Bentong ay labis na nakaramdam ng simpatya dito. Nagising noon si Mang Riko dahil sa ingay, dinumog ito ng ilang tao na naroon dahil sa ginawang pang-aabuso sa anak, isa na si Billy sa mga hindi napigilang sumuntok dito.

Mabuti ay naawat agad ang gulo, at mabilis nilang isinugod sa ospital ang kawawang bata na halos hindi na maidilat ang mga mata. Nagbabalat na ang labi nito at halatang ilang araw nang hindi umiinom o nakakakain. Nakasuhan si Mang Riko at nakulong. Si Bentong naman ay napunta sa pangangalaga ng DSWD . Halos lahat sa barangay ay madalas binibisita si Bentong.

Dahil din sa nangyari ay bumalik sa pag-aaral si Billy at naging isang social worker sa kagustuhang matulungan ang mga batang katulad ni Bentong. Napagtanto niya kasing napakapalad niya pa rin dahil may mga magulang siyang umiintindi sa kaniya.

Imbes na maging makasarili at isipin ang mga bagay na wala sa atin, dapat ay tumingin tayo sa pangangailangan ng iba at gamitin ang kung anong mayroon tayo upang mas maging mabuting tao, at makatulong sa kanila.

Advertisement