Inday TrendingInday Trending
Nag-alburoto ang Isang Magna Cum Laude nang Maungusan ng Isang High School Graduate; Magsisisi Siya sa Ginawang Pagsabotahe

Nag-alburoto ang Isang Magna Cum Laude nang Maungusan ng Isang High School Graduate; Magsisisi Siya sa Ginawang Pagsabotahe

“Makinig ang lahat! Magkakaroon ng isang malaking patimpalak sa telebisyon upang hirangin kung anong restaurant ang nangunguna pagdating sa kalidad ng putahe. Malaking oportunidad para sa atin iyon dahil mas makikilala tayo ng tao, at kapag nagwagi tayo ay dudumugin tayo ng kostumer. Isang cook lang mula sa inyo ang magrerepresenta ng ating restaurant sa patimpalak. Sino ang nais sumali?” Sabi ni Chef Pia na may-ari ng The Clouds restaurant.

Tatlo ang cook niya sa kaniyang restaurant at kapwa mahuhusay. Ang una ay si Giro na eksperto sa mga tradisyonal na putahe, sunod ay si Anna na isang Magna Cum Laude mula sa isang magandang eskwelahan, at si Rara na isang high school graduate na nakitaan niya ng talento

Awtomatikong nagtaasan ng kamay ang tatlo, halatang walang gustong magpatalo. Proud naman si Chef Pia dahil noon pa man ay nakitaan na niya ng ambisyon ang mga ito. Upang pumili ng magiging kalahok sa prestihiyosong patimpalak ay nagdesisyon siyang magkaroon sila ng munting paligsahan.

“Pero Chef! Si Giro okay pa na kalabanin ako, pero si Rara? Hayaan na lang natin siya sa pagsasaing at paghuhugas ng plato!” nagmamaktol na sabi ng spoiled na si Anna. Nabura ang ngiti ni Chef Pia nang marinig ang reklamo ng dalagang cook. Wala siyang duda na mahusay itong magluto, at agad niya rin itong tinanggap dahil bata pa lang ito ay kilala na niya ang nanay nito na kaibigan niya. Sa kung anong dahilan ay tila iniidolo siya nito kaya nang nakagraduate ito bilang isang Magna Cum Laude, pinili pa rin nitong magtrabaho sa restaurant niya.

“Hoy grabe ka naman, Anna! Kahit high school graduate ako, naturuan ako ng mga teknik ng nanay ko ‘no!” sagot naman ni Rara, na sadya rin talagang palaban. Una ay janitress at waitress ang trabaho ni Rara sa restaurant niya, ngunit isang araw na umabsent si Giro at dagsa ang kostumer ay aksidente nilang nadiskubre ang kahanga-hanga nitong talento sa pagluluto. Isa pa ay nakita talaga ni Chef Pia ang pagmamahal nito sa ginagawa, dahil doon ay napromote na rin ito bilang isang cook.

“Anna! Dapat mong irespeto ang desisyon ko. Kayong tatlo, patunayan niyong kayo ang pinakamagaling gamit ang pagluluto, hindi puro satsat,” pinal na sabi ng chef.

Nang araw nga na iyon ay kaniya-kaniyang paghahanda ang ginawa ng tatlo upang makapaghain kay Chef Pia ng isang putahe. Nang umalis na ang pinakahuling kostumer ay nagsimula na ang mga itong magluto. Nang matapos ay tinikman ni Chef Pia isa-isa ang inihanda ng mga ito. Labis siyang napahanga sa mga talento ng mga ito. Si Giro ay tradisyonal na putahe ang ginawa, masarap ngunit walang kakaiba. Si Anna naman ay talagang pinahanga siya sa kaalaman nito sa kultura at panlasang banyaga, malamang ay dahil sa ibang bansa pa ito nanatili bilang intern. Ngunit ang talagang nakahuli ng panlasa ni chef ay si Rara. Ang ginawa nitong putahe ay simple at pangmasang bulalo lamang ngunit tila naglevel-up iyon! Sa huli, ang tinanghal na magiging kalahok nila sa patimpalak sa telebisyon ay si Rara.

“Pero Chef! Handa ka bang itaya ang pangalan ng restaurant sa isang high school graduate lang?! Mapapahiya tayong lahat kapag tinanong nila si Rara at ni hindi niya alam ang ibig sabihin ng sauté!” pagdadabog ni Anna na hindi matanggap ang pagkatalo. Ngunit hindi na binawi ni Chef Pia ang desisyon na talagang ikinagigil ni Anna. Tila ba may masamang hangin ang pumasok sa ulo nito. Imbes na tulungan si Rara sa preparasyon nito para manalo ang restaurant nila, isang plano pa ang naisip nito upang mapahiya ang dalaga sa lahat ng manonood.

Sa araw ng kompetisyon, napag-alaman nilang kailangan palang ipaliwanag ang mga prosesong gagawin. Hindi pamilyar si Rara sa mga terminong nasa script nito kaya nangako si Giro na ipakikita rito ang paraan ng pagbasa kapag nagsisimula na ang palabas. Dala ng inggit ay bago ang kompetisyon, sinasadya ni Anna na lagyan ng gatas ang pagkain ni Giro dahilan para sumpungin ito ng allergy nito. Nang gumugulong na ang camera ay natataranta si Rara dahil hindi niya alam basahin at bigkasin ang mga terminong nasa script. Mali mali pa ang basa niya kaya nagtawanan ang mga tao. Hiyang-hiya siya noon at di malaman ang gagawin. Ngunit nang makita niya ang nakangising pagmumukha ni Anna ay alam niyang itong ang sumabotahe sa kaniya. Nagpasya siyang ipakita rito na hindi ito basta-basta magtatagumpay.

Imbes na banggitin ang mga komplikadong salita ay ipinaliwanag ni Rara ang ginagawang pagluluto sa simpleng paraan. Likas na magaling siyang mambola na natutunan niya sa kalye kaya hinaluan niya na rin ng kakatawanan ang kaniyang pagpapaliwanag. Gumaan ang pakiramdam niya nang pati ang mga staff doon ay nakikitawa na rin sa pagpapaliwanag niya.

Natapos ang patimpalak at hindi makapaniwala ang lahat dahil sila ang nakasungkit ng unang parangal! Tuwang-tuwang nagtatalon si Rara. Ininterview siya ng host ng palabas.

“Ms. Rara ng The Clouds restaurant! Congratulations po! Balita ko ay high school lang ang tinapos niyo, ngunit tinalo niyo ang mga propesyonal na chef dito! Ano po ang masasabi niyo?” sabi nito sabay abot sa kaniya ng mic.

“Ang pagluluto ay nasa puso. Hindi mahalaga ang posisyon o kung anong natapos mo sa eskwela, kahit saang larangan ng buhay, hindi dapat tayo nakatingin sa estado ng tao, sa halip dapat gawin natin ang lahat upang maging mahusay sa mga bagay na mahal nating gawin.” Palakpakan ang mga tao sa kaniyang sinabi.

Pagbalik sa restaurant ay binati siya kaagad ni Chef Pia na tuwang-tuwa, habang si Giro naman ay panay ang hingi ng tawad sa kaniya. Walang imik si Anna dahil kinakabahan itong ibunyag ni Rara na siya ang nagsabotahe kaya muntik silang maging katawa-tawa sa telebisyon.

“Panalo ng isa, panalo ng lahat! Salamat sa pagtitiwala Chef Pia. At ang masasabi ko lang, kahit ikaw Anna kaya mong talunin ang mga iyon eh!” sabi ni Rara sabay tawa. Hindi makapaniwala si Anna na hindi siya nito isinuplong sa kanilang boss. Natagpuan niya ang sarili na nagsisisi sa ginawa at humingi ng tawad kay Rara. Simula noon, si Rara ang naging inspirasyon nila upang lalong magsikap at matuto, higit sa lahat, ito ang nagturo sa kanila na ang respeto ay binibigay sa lahat ng tao at hindi lamang nakabase sa kung anong naabot nito sa eskwela.

Advertisement