Ninakaw ng Anak ang Pinaka-iniingatang Antigong Singsing ng Ama; Ito ang Sasapitin Niya Dahil sa Ginawa

“Anong sumpa sumpa? Mga sira-ulo, huwag nga kayong magpaniwala sa mga ganiyan! Makikanabang din naman kayo kapag kinuha natin yung singsing, reklamo pa kayo,” sabi ni Jobert sa dalawang pinsan na kasama niya noong mag-inom sa kaniyang kwarto.

“Pero ‘di mo ba naaalala? Kwento nila mama na kaya raw naghirap nang husto yung isa nating tiyo kasi ninakaw niya yung pulang singsing. Dapat daw ipasa lang sa pamilya natin pero hindi ibebenta,” nag-aalalang sabi ni Denis.

“Bahala kayo, basta ako, alam kong yari tayo sa pinagkakautangan natin kapag ‘di natin naibigay yung pera bukas ng umaga,” sabat naman ni Rolan.

Naguusap-usap noon ang magpipinsang Jobert, Denis, at Rolan tungkol sa antigong pulang singsing na nasa pangangalaga ng ama ni Jobert na si Dindo. Natalo silang tatlo sa sugal kaya nakautang ng malaking halaga, ang tanging paraang naiisip nila ay nakawin ang pulang singsing at ibenta iyon. Ngunit nag-aalangan si Denis dahil noong bata pa lang sila ay marami nang usap-usapan na pamana iyon sa kanilang pamilya at may masamang mangyayari kapag nawala iyon sa pangangalaga nila.

Pero dahil desperado na ang tatlong binata ay tumuloy sila sa plano. Isang araw na umalis ng bahay si Mang Dindo ay pumuslit sila sa kwarto nito. At doon nga sa ibabaw ng tokador, isang singsing na nasa loob ng salaming kahon ang nakita nila. Nagniningning ang bato nun na kasingpula ng dugo.

Walang sabi-sabing binuksan ni Jobert ang salamin at kinuha ang antigong singsing. Pinalitan niya iyon ng isang plastic na singsing na kapareho ang disenyo upang ‘di halata na nawawala ang orihinal. Matapos ibulsa ay mabilis silang sumibat mula sa lugar na iyon. Dumiretso sila sa sanglaan upang ipagbili ang nadekwat na alahas, tuwang-tuwa ang dalawa, habang si Denis ay kakaba-kaba.

Kalalabas pa lang nila sa sanglaan nang tumawag ang kapitbahay nila. Halos matumba si Jobert nang marinig na inatake raw sa puso ang ama niya! Agad-agad siyang sumugod sa ospital. Kasunod naman na nakatanggap ng masamang balita si Rolan, nagkaroon daw ng sunog sa kanilang probinsya at naabo ang kanilang bahay. Galit na galit ang tatay niya at pinapauwi siya roon.

“Sabi ko na nga ba eh! Totoo ang sabi-sabi! May sumpa talaga ang singsing na ‘yan!” nanginginig na sabi nito.

Advertisement

Ilang araw ang makalipas ay sunod-sunod na masasamang balita ang dumating, hindi lang sa kanilang tatlo, kung hindi sa iba pa nilang mga inosenteng kamag-anak. Mayroong nagkasakit, nawalan ng trabaho, nanakawan, at iba pa. Hanggang dumating nga sa punto na nag-usap-usap ang matatanda.

“Narito naman ang singsing sa poder natin, ngunit bakit tayo minamalas?” Matapos makapag-isip-isip ay kinausap ni Denis ang dalawa.

“Nasa atin pa naman ang pera ngayon, bilhin na lang natin ulit yung singsing at ibalik! Kaysa naman habulin tayo ng malas habang buhay!” pagkukumbinsi ni Denis sa dalawa.

Dahil sa mga bagay na sinapit ay napasang-ayon din ang mga ito. Bahala na ang mga utang, pero mas mahalaga sa kanilang protektahan ang pamilya sa kung anumang sumpa ang dala ng singsing. Binalikan nila ang sanglaan at binili muli ang singsing. Ngunit sa kahit palihim na nilang nabalik iyon ay patuloy pa rin ang mga masasamang pangyayari. Hanggang isang araw sa ospital ay nagising na si Mang Dindo at kinausap ang anak.

“Anak… ang singsing…” nanghihinang sabi nito.

“Patawad ‘tay! Kasalanan ko po kung bakit nawala sa poder natin ang singsing at minamalas tayong lahat, patawad po…” iyak ni Jobert.

Naguguluhang sumagot si Dindo at nagulat si Jobert sa ipinahayag nito. “Nagkakamali ka, anak.. hindi dahil sa singsing kaya nangyayari ang mga bagay-bagay. Diyos lang ang may kontrol ng lahat. Pero.. ang singsing, iyon ang susi upang maresolba natin ang problema ng pamilya.”

Nang makalabas na sa ospital si Mang Dindo ay inutusan nitong samahan siya nito at dalhin ang antigong singsing. Hindi man maintindihan ni Jobert ay sumunod siya rito. Pagdating sa likuran ng kanilang bakuran ay nagulat siya nang may hukayin ito, at matapos lang ang isang sandali ay isang parisukat na kahoy ang nakita niya sa lupa. Inabot niya sa ama ang singsing at nagulat siya nang gamitin nito iyon bilang susi para buksan ang parisukat na takip. Bumulaga sa kaniya ang mga bareta ng ginto, may mga mamahaling alahas din.

Advertisement

“Bilin pa ng kanuno-nunuan natin na gamitin lang ang singsing kapag kailangang-kailangan. Sikretong kayamanan ito ng pamilya, ang singsing ang susi na ipinamamana lang sa bawat henerasyon. Nakita kong nakapasa ka sa pagsusulit dahil pinili mong ibalik ang singsing na ninakaw ninyo upang protektahan ang pamilya. Kaya pinagkakatiwala ko sa’yo ang sikretong ito,” iyon lang ang sinabi ng ama saka kumuha ng ilang ginto at isinara na muli ang hukay sa lupa.

Ginamit nila ang pera bilang pantulong sa buong pamilya. Proud si Jobert na marinig mula sa ama na pinagkakatiwalaan siya nito. Kaya lang naman siya nagrerebelde ay dahil akala niya walang pakialam sa kaniya ang ama. Ngunit ngayon, hindi niya hahayaang masira pa ang tiwala nito sa kaniya.

Simula noon nga ay si Jobert na ang naging tagapag-alaga ng singsing. Unti-unti na rin niyang binago ang buhay, nagkaroon ng magandang trabaho at naging kontento sa buhay.

Tunay ngang hindi totoo ang swerte o malas, ang Diyos ang may takda ng lahat. Ang importante ay may pagmamahal at malasakit tayo sa bawat isa upang piliing gawin ang mabubuting desisyon.