
Dismayado Siya sa Ama sa Turing Nito sa Kaniyang Lolo; Naiyak Siya nang Malaman ang mga Hinanakit Nito
“Rolly! Rolly!” Agad na dinaluhan ni Bernard ang kaniyang Lolo Mateo nang marinig niya ito na nagtatawag.
Hinahanap na naman nito ang kaniyang ama na parating abala sa trabaho. Ilang beses na niya itong sinabihan na kung maari ay manatili naman sa bahay kahit ilang oras lamang lalo na at lagi itong hinahanap ng kaniyang Lolo pero tila wala itong pakialam.
“‘Lo, wala pa po si Papa! Nasa trabaho. Kumain ka na lang muna, nagluto ako ng pananghalian natin,” maamo niyang yaya sa matanda.
“Sino ka? Hindi kita kilala!” Maligalig na iwinasiwas nito ang kaniyang kamay habang pilit na hinahanap ang kaniyang Papa.
Una nilang napansin angpagbabago nito tatlong taon na ang lumipas. Madalas na nitong makalimutan ang mga bagay bagay hanggang sa lumala ang pagiging makakalimutin nito.
Umabot sa punto na hindi sila nito makilala o hindi nito matukoy kung nasaang lugar ito.
Ang sabi ng doktor ay may Alzheimer’s disease daw ito na maaaring bunga ng katandaan at ng madalas nitong pag-inom at paninigarilyo noong araw.
“Lo, ako ‘to si Bernard! Apo mo!” nakukunsuming wika niya rito.
Mabuti na lang sa huli ay kumalma at hinayaan na siya nito.
“Sino nga ang Papa mo ulit?” maya maya ay tanong ulit nito.
Si Rolly ho, ang anak niyo,” pasensyosong sagot niya.
“Ah, si Rolly. Ang panganay kong anak. Nasaan na si Rolly? Ang tagal tagal ko na siyang hindi nakikita,” muli ay usisa nito.
Hindi totoo ‘yun dahil sa iisang bubong lang sila nakatira.
“Nasa trabaho pa po. Uuwi rin iyon mamaya. Makikita niyo po ulit siya mamaya,” pangako niya dito. Tila nakontento naman ito sa sinabi niya dahil binigyan siya nito ng isang matamis na ngiti.
Parang pinupunit naman ang kaniyang puso.Alam niya kasing hindi matutupad ang kaniyang pangako dito dahil kahit anong pakiusap niya sa kaniyang Papa na bigyang atensiyon nito ang Lolo niya ay hindi nito ginawa kahit minsan.
Malamig ang trato nito sa ama. Ang sabi sabi ay dahil ito sa lasinggero at sugarol ang kaniyang lolo noon.
Hindi raw ito naging huwarang ama sa kaniyang Papa. Subalit wala talagang nakakaalam dahil kahit kailan naman ay walang sinabi ang kaniyang Papa tungkol sa Lolo niya.
Ngunit may isang parte ng kaniyang isip na nagtatanong, sapat na rason ba iyon para tratuhin nito nang ganun ang sarili nitong? Isa pa, matagal na panahon na ang lumipas. Hindi ba panahon na upang magpatawad?
Hindi niya kayang tiisin ang kaniyang pinakamamahal na Lolo kaya inaabangan niya ang pag-uwi ng kaniyang ama isang gabi.
“‘Pa, hinahanap ka ni Lolo kanina. Gusto ka raw niya makita,” ungot niya rito.
“Abala ako, Bernard. Sa susunod na lang,” tila aburido naman na sagot nito.
Kahit na imposible ay sinubukan talaga niya na pilitin ito ngunit tila wala talaga itong pakialam pagdating sa kaniyang Lolo.
Hindi niya iyon maintindihan dahil napakabait ng kaniyang lolo sa kaniya para tratuhin ito ng ganoon ng kaniyang Papa.
“Naiintindihan ko po, Papa. Kung hindi ngayon, eh di sa birthday na lang po ni Lolo. Tatawagan ko rin sila Tita Janice. Pagkakataon na rin ‘to para makapag-bonding naman kayong buong pamilya, hindi po ba?”
“Bahala ka sa kung anong gusto mong gawin basta’t ‘wag mo akong idamay diyan, Bernard,” matigas na pahayag nito bago siya tinalikuran.
Napabuntong hininga na lang si Bernard. Hanggang sa isang ideya ang sumagi sa kaniyang isipan.
Kahit hindi niya makumbinsi ang kaniyang Papa ay hindi naman nito matatanggihan ang mga kapatid nito kaya ang mga ito na lang ang kinausap niya.
“Sige na po, Tita Janice. Gusto ko lang naman na sumaya si Lolo sa birthday niya. Regalo niyo na ‘to sa kaniya,” pakiusap niya sa tiyahin.
Ngumiti nang alanganin ang kaniyang Tita. Ito ang pinaka bunso sa tatlong magkakapatid.
“Hindi ko alam, Bernard. Alam mo namang may galit si Kuya kay Papa, ‘di ba? Hindi ko rin alam kung bakit pero sigurado akong may dahilan.”
Inaasahan niya na iyon kaya mas ginalingan niya pa ang pangungumbinsi hanggang sa sumuko ito at bumuntong hininga.
“Susubukan ko,” napipilitang pagpayag nito.
Napangiti siya nang malawak. Masayang masaya siya para sa kaniyang Lolo, sa unang pagkakataon kasi sa nakalipas na ilang taon ay nakumpleto ang pamilya nito.
Sa gulat niya ay nakikilala nito ang mga anak nito nnag araw na iyon.
“Kuya Rolly, sige na. Kausapin mo na si Papa. Birthday naman niya ngayon,” narinig niyang patuloy na kumbinsi dito ng kaniyang Tita Mary.
Hindi niya alam kung paano nagawang kumbinsihin ng kaniyang Tita na kausapin ng Papa niya ang kaniyang Lolo na ilang taon na rin nitong iniiwasan. Maaring nakatulong ang alak na ininom nito.
“Anak ko, Rolly!” maligayang bigkas ng kaniyang Lolo pagkakita nito sa Papa niya.
“Kumain ka na ba? Halika, maraming pagkain sa kusina,” yaya nito bago hinawakan sa braso ang kaniyang Papa.
Sa gulat niya ay galit na pumiglas ang kaniyang ama sa pagkakahawak nito bago mataas ang boses na nagsalita.
“Nakikilala mo ako ngayon? Himala yata. Bihira lang ito kaya hayaan mo na akong sabihin sa’yo ang lahat ng hinanakit ko, Papa!” galit na dinuro nito ang kaniyang Lolo na bakas ang pagkagulat sa mukha.
“Kuya,” sabi ni Janice na agad na pinigilan ng asawa nito.
“Naalala niyo pa noon? ‘Yung sa tuwing uuwi ako mula sa school, naaabutan kong sinasaktan mo si Mama dahil lasing ka at wala ka nang pambili ng alak? Kaya aawatin kita at ako naman ang sasaktan mo.”
Nangilid ang kaniyang luha sa hindi inaasahang paglalabas nito ng sikretong ilang taon nitong kinimkim.
“O kung minsan ay dinadamay mo pa mga kapatid kong babae! Syempre, hindi ko hahayaan na saktan mo mga kapatid ko kaya lahat ng suntok mo, ako ang tumatanggap!” lumuluhang sigaw nito.
Nang lingunin niya ang kaniyang mga tiyahin ay halos madurog ang puso niya nang makitang pawang nag-iiyakan na ang mga ito.
Ayon sa mga kaibigan niya, kapag sinaniban ka ng espiritu ng alak, magiging tapat ka sa lahat ng bagay. Lalabas ang katotohanan. Ito na siguro iyon, ang mga damdaming matagal nang kinikimkim ng kaniyang ama.
“Patawarin mo ako. Napakatagal na nun, anak, kaya akala ko nakalimutan mo na,” lumuluhang saad ng kaniyang Lolo. Sa kaniyang pagkamangha ay tila naalala nito ang lahat.
“Iyon na nga, Papa. Napakatagal na nun pero hindi ko makalimutan kasi kahit ni minsan hindi ka naman humingi ng tawad. Alam mo ba kung anong pakiramdam ko noong nagkasakit kayo? Ibig sabihin hindi na mangyayari iyong inaasam ko. Ang paghingi nyo ng kapatawaran sa pagkakamali nyo dahil unti-unti ng binubura ng isip niyo ang mga alaala,” sabi ng kaniyang Papa at tuluyan na itong humagulgol.
Ito ang unang beses na nakita niyang umiyak ang kaniyang Papa. Niyakap ito ng kaniyang Lolo na matindi rin ang pagtangis.
“Patawarin niyo ako mga anak sa mga nagawa ako at patawarin nyo ako dahil hindi ako ang naging mabuting ama sa inyo,” emosyonal na wika ng kaniyang Lolo.
Walang pagdadalawang isip na lumapit ang mkaniyang mga Tita sa kaniyang Lolo at umiiyak na niyakap ito.
Ang gabing iyon ang puno ng lungkot dahil sa mga hinanakit ngunit natabunan ng saya dahil sa kapatawaran.
Kinabukasan ay bumalik na ulit ang kaniyang Lolo sa dati. Hindi na ulit sila nakilala nito ngunit mas magaan na ang lahat dahil pinatawad na ito ng kaniyang Papa.
Sa wakas, handa na ang kaniyang Papa na magpaka-anak sa ama nito.
Habang si Bernard naman ay natutunan na walang perpektong pamilya dahil ang lahat ay dumaan sa delubyo – ngunit ang mga pagsubok din mismo ang nagpapalakas dito.