Inday TrendingInday Trending
Bumili ng Tsaleko ang Dalaga sa Isang Ukayan; Hindi Niya Akalain ang Swerteng Hatid Nito

Bumili ng Tsaleko ang Dalaga sa Isang Ukayan; Hindi Niya Akalain ang Swerteng Hatid Nito

“Bakit parang biyernes santo ‘yang mukha mo, anak? Kumusta ba ang paghahanap ng trabaho?” tanong ni Aling Mely sa kaniyang anak na si Lorna.

“Tulad ng dati, ‘nay. Alat pa rin. Hindi pa rin ako nakakahanap ng trabaho,” malungkot nitong tugon sa kaniyang magulang.

“Hayaan mo, anak, at may bukas pa naman. H’wag kang mawalan ng pag-asa. O siya, kumain ka na muna at tama na ‘yang kakasimangot mo riyan at walang kahihinatnan iyan, papanget ka lang,” paanyaya ni Aling Mely sa anak.

Labandera si Aling Mely at ang tanging kasama na lamang niya ay ang kaniyang anak na si Lorna. Maagang namayapa ang kaniyang asawa kaya mula noon ay siya na ang tumaguyod sa kaniyang anak. Mabuti na lamang at masikap din itong si Lorna at hindi nagpabaya sa kaniyang pag-aaral.

Ngunit kahit na nakapagtapos ay hindi ganoon naging kadali sa dalaga ang maghanap ng trabaho. Labis ang kaniyang lungkot lalo na sa tuwing makikita niya ang ina na naglalabada pa rin kahit matanda na.

“‘Nay, pasensiya na po kayo kung hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kayo napapatigil sa paglalaba. Hindi pa talaga ako makahanap ng trabaho,” malungkot na sambit ni Lorna.

“Ayos lang sa akin, anak. Kaya pa naman ng katawan ko. Saka isipin mo na lang na may nakalaan talagang swerte sa iyo ang Panginoon. Lahat ay may dahilan. Kaya ‘wag ka nang malungkot riyan,” pahayag naman ni Aling Mely.

Kinabukasan ay maagang umalis ng bahay si Lorna upang maghanap muli ng trabaho. Sa isa niyang panayam ay sinabihan siya ng tauhan ng kumpanya na kung nais niyang matanggap sa trabaho ay dapat presentable siya.

Tiningnan niya ang suot niyang pang itaas at pantalon.

“Hindi nga kaaya-aya ang damit kong ito. Pero isang daan na lang ang pera ko. Saan naman ako makakabili ng damit na kakasya dito? Kailangan ko pa ng pamasahe pauwi,” saad ng dalaga sa kaniyang sarili.

Ilang sandali lang ay may nadaanan siyang ukay-ukay. Agad na pumasok ang dalaga at saka naghanap ng damit na maaari niyang gamitin sa mga interview.

Napukaw agad ang kaniyang pansin ng isang tsaleko.

“Ayos at talumpung piso lamang ang tsalekong ito. Kahit anong damit ay pwede kong patungan nito. Magmumukha na akong kaaya-aya. Konting laba lang nito ay maaayos pa,” wika niya muli sa sarili.

Agad niyang binili ang nasabing tsaleko at kaniyang iniuwi. Agad niya itong ipinakita sa kaniyang nanay.

“Akin na muna iyan at malabhan, anak,” saad ng ina.

“Sige po, ‘nay. Saglit lamang po at susulsihan ko lamang po,” tugon naman ni Lorna.

Nang kaniyang kapain ang mga bulsa nito ay mayroon siyang nahawakan na kung anu mang bagay. Nang tignan niya kung ano ito ay laking gulat niyang makakita ng sinsing na mayroong malaking dyamante.

“Sa tingin po ninyo, ‘nay, ay tunay ito?” tanong ng dalaga.

“Hindi ko alam, anak. Ngunit kahit tunay o hindi ay kailangan mong ibalik iyan sa may ari,” saad ng ina.

“Sa ukayan po ba, ‘nay? Sa tingin ko ay hindi sa kanila ang singsing na ito. Kung hahanapin ko naman po ay mahihirapan tayong gawin ‘yon,” paliwanag naman ng dalaga.

Nang tingnan nila maigi ang singsing ay may palatandaan ito. May nakaukit na pangalan ito sa likod.

“Kailangan hanapin mo muna ang may-ari ng singsing na iyan, anak. Baka mamaya ay matagal na niya itong hinahanap. Ilagay mo sa, diyan sa gigawa mo sa selpon mo,” mungkani ni Aling Mely.

“Sa social media po ba? Tama po kayo, inay,” wika ni Lorna.

Kinuhaan ng larawan ni Lorna ang singsing at saka niya pinost sa social media. Hindi naglaon ay kumalat ito sa ibang panig ng bansa. Marami ang nagbibigay ng mensahe kay Lorna ngunit ang tanging tunay na may-ari lamang ang nakakaalam ng palatandaan sa singsing.

Mag-iisang buwan na rin at hindi pa rin nakakahanap ng trabaho si Lorna. Nawawalan na siya ng pag-asa.

Wala pa ring nakakaalam kung sino ang tunay na may-ari ng singsing. Naisip ni Lorna na kung mapapasakanila ito at tunay ang singsing ay maaari na silang magtayo ng negosyo at hindi na maglalabandera ang kaniyang ina.

Ngunit isang mensahe ang pumukaw sa kaniyang atensyon. Mula ito sa isang babaeng nakatira sa Amerika. Ayon sa babae ay siya raw ang tunay na nagmamay-ari ng singsing na ito at matagal na niya itong hinahanap.

At bilang patunay ay nagpadala ito ng mga larawan na suot niya ang singsing. Alam din niya ang nakaukit sa singsing.

“My dearest Anna,” sambit ng banyagang babae.

Ayon sa babae ay ilang taon na niyang hinahanap ang singsing. Pamana pa ito ng kaniyang ina sa kaniya. Ibinigay ito ng kaniyang ama. Ang tanging alaala niya sa kaniyang mga magulang.

Labis na naantig si Lorna sa kwento ng singsing na ito. Sa waka ay natiunton na rin ang tunay na may-ari nito.

Lumipad patungong Pilipinas ang nasabing babae at nakipagkita siya kay Aling Mely at Lorna. Labis ang kaniyang pasasalamat sa mag-ina dahil sa ginawa nitong kabutihan.

Nang malaman ng banyagang babae ang kwento kung paano natagpuan ni Lorna ang singsing sa kaniyang lumang tsaleko ay agad niya itong inalok ng trabaho sa ibang bansa.

May-ari pala ng isang malaking kumpanya ang babaeng ito at nais niyang maging bahagi nito si Lorna.

Labis ang tuwa ng mag-ina dahil bukod sa tinulungan nitong magkatrabaho ang anak sa ibang bansa ay isasama pa ni Lorna ang kaniyang ina upang pareho na silang doon manirahan.

Simula noon ay naging maayos at umunlad na ang kanilang pamumuhay. Hindi akalain ni Lorna na dahil lamang sa tig-tatatlumpung pisong tsaleko ay lubusang magbabago ang takbo ng kanilang buhay.

Advertisement