Inday TrendingInday Trending
Palihim na Nagtungo ang Ginang Upang Makita ang Tunay na Kalagayan ng Anak sa Piling ng Asawa Nito; Hindi Niya Akalain na Ganito Pala ang Sinapit ng Anak

Palihim na Nagtungo ang Ginang Upang Makita ang Tunay na Kalagayan ng Anak sa Piling ng Asawa Nito; Hindi Niya Akalain na Ganito Pala ang Sinapit ng Anak

“Joseph, nagkausap ba kayo ng Ate Grace mo nitong mga nakaraang araw? Tinatawagan ko pero puro ang asawa niyang si Dave ang sumasagot. Kung hindi abala ang ate mo ay nasa labasan daw at may ginagawa. Parang nagtataka na kasi ako sa mga nangyayari,” pag-aalala ng inang si Thelma.

“Nag-text lang po sa akin nung nakaraang linggo. Pero ang sabi niya sa akin ay ayos naman daw ang kalagayan niya. Bakit po ba kayo nag-aalala?” sambit naman ng binata.

“Alam mo namang simula’t sapul palang ay wala na akong tiwala diyan kay Dave. Itong ate mo lang ang makulit at sa dami-dami ng nanliligaw sa kaniya ay ‘yung lalaking ‘yun pa ang napili niyang mapangasawa. Kahit kailan ay hindi naging panatag ang loob ko sa asawa niyang iyon,” paliwanag ng ina.

“Ito pa nga. Halos dalawang linggo ko nang gusto makausap ang ate mo ngunit siya ang sumasagot lagi. Ang dami niyang dahilan. Kapag nga nakausap mo ang ate mo ay patawagin mo sa akin kasi hindi na maganda ang kutob ko. Baka mamaya ay napano na iyon,” saad muli ni Thelma.

“Ano bang iniisip niyong ginawa ni Kuya Dave kay ate? Mukhang ayos naman po ang pagsasama nilang dalawa, e. H’wag na po kayong makialam sa kanilang mag-asawa sapagkat may sarili na silang buhay, ma. Irespeto na lang po natin iyon,” sambit naman ng binata.

Dalawang taon palang kasala ang mag-asawang Dave at Grace. Limang buwan pa lamang ang nakakalipas nang magpasya ang mag-asawa na umalis sa poder ni Aling Thelma at lumipat sa probinsiya kung saan naninirahan naman pamilya ni Dave.

Nagtayo ng isang maliit na bahay doon ang ginoo upang kanilang tirhan ng kaniyang asawa.

Ngunit simula nang umalis ang mag-asawa ay hindi na napakali itong si Aling Thelma. Mula noon kasi ay hindi siya pabor na si Dave ang mapangasawa ng kaniyang anak. Sa tingin niya ay nasa loob ang kulo nito at kung mapapabayaan ang kaniyang anak na mag-isa sa piling nito ay baka kung ano na ang ginagawa nito kay Grace.

Labis ang pag-aalala pa ni Thelma nang hindi sumasagot sa mga tawag si Grace at tanging si Dave lamang ang kanilang nakakausap.

“Hindi talaga mapanatag ang isipan ko, Joseph. Kung sa tingin mo ay tawagan ko na kaya an ibang kamag-anak ni Dave na malapit sa kanila at patingnan ko ang ate mo,” sambit ng ginang sa binata.

“Sa tingin niyo po ba, ma, kung sinasaktan man ni Kuya Dave si Ate Grace ay sasabihin ito ng mga kamag-anak ni kuya sa inyo? Hindi siyempre. Hindi nila ilalagay sa alanganin ang kamag-anak nila,” saad naman ni Joseph.

“May punto ka riyan, anak. Subukan mo ngang tawagan ang ate mo at tanungin mo kung kumusta na siya. Hindi talaga ako matatahimik hanggang hindi ko nakakausap ang Ate Grace mo!” pahayag ng ina.

Ngunit nakakailang tawag at text na ang binata ay hindi pa rin sumasagot si Grace. Ilang sandali pa ay sinagot na ang tawag ngunit si Dave ang kanilang nakausap.

“Pasensiya ka na, Joseph, wala rito ang ate mo. Nasa bayan siya at namalengke. Ngayon ko lang nakita itong selpon dahil nasa likod ako ng bahay at pinapakain ko ang mga alaga naming manok,” paliwanag naman ng ginoo.

Ngunit hindi naniniwala dito si Thelma. Alam niyang may nililihim sa kaniya itong si Dave.

“Hindi na ako makakatiis pa sa nangyayari. Samahan mo ako sa probinsiya at pupuntahan natin ang ate mo. Ako mismo ang huhuli sa kaniya kung ano man ang ginagawa niya sa kapatid mo,” sambit ng ginang.

Agad silang bumiyahe patungo sa tinitirahan nila Grace at Dave.

Nang matunton nila ang tinitirahan nito ay agad nilang nakita si Dave sa labas ng bahay. Nagulat naman ang ginoo sa pagparoon ng kaniyang biyenan at bayaw.

“A-ano pong ginagawa ninyo rito?” tanong ni Dave sa mga ito.

“Umalis ka sa daraanan ko at nais kong makita ang anak ko! Ano ang ginawa mo sa kaniya, walanghiya ka!” sambit naman ni Aling Thelma.

“Sandali, hindi po kayo pwedeng pumasok na lang basta sa bahay namin! Sandali lang po at mag-usap tayo ng mahinahon!” pagpigil ni Dave sa kaniyang byenan na nagpupumilit na pumasok sa kanilang bahay.

Ngunit wala nang nagawa pa si Dave at hindi na niya napigilan pang makapasok ang dalawa.

Nang hanapin ni Aling Thelma ang anak na si Grace ay labis ang panlulumo nito nang makitang nakaratay sa higaan ang anak at sadyang mahina na.

“A-ano ang nangyari sa iyo, anak?” pagtangis ng ina.

“Ano ang ginawa mo sa anak ko, Dave?!” bwelta nito sa ginoo.

Kahit nahihirapan ay pilit na nagsalita si Grace at ipinagtanggol ang asawa.

“Ako po ang may kagustuhan na hindi kayo kausapin, ‘ma. Pinakiusapan ko po si Dave na gawin ito. Wala po siyang kasalanan,” saad ni Grace.

“Bago pa lamang po kami umalis sa bahay natin ay alam ko na pong may matindi akong karamdaman. Ayaw ko na po kasing maging pabigat sa inyo kaya mas minabuti na lamang po namin na bumukod at lumayo. H’wag po kayong mag-alala, inaalagaan po ako ni Dave. Hindi po siya tulad ng inaakala ninyo,” paliwanag pa ng anak.

“Patawad, ma, kung labis kayong nag-aalala sa akin. Inilihim ko nga po ito sapagkat ayaw ko na kayong masaktan pa. Alam ko kasing mahihirapan lang kayong makita ang sitwasyon ko. Alam kong hindi na rin naman magtatagal ang buhay ko,” sambit pa ni Grace.

“H’wag mong sabihin iyan, anak. Gagawin ko ang lahat para lang gumaling ka. Iuuwi kita ulit sa Maynila para mapatignan ka. Parang awa mo na, anak, lumaban ka para makasama ka pa namin ng mas matagal,” walang patid sa pagluha si Aling Thelma.

“Mahal na mahal ko kayo, ma. Patawad sa lahat ng nagawa ko. Pero hindi ko po pinagsisisihan ang pagpapakasal at pagsama ko sa asawa ko dahil hindi siya tulad ng inaakala niyo. Mahal niya ako at inaalagaan niya ako,”

Humingi rin ng tawad ang ina sa kay Grace sa lahat ng pag-iisip nito ng masama. Sa sobrang pagkasabik ni Thelma sa kaniyang anak ay hinagkan niya ito nang mahigpit habang patuloy ang kanilang pagluha. Hanggang sa unti-unting naramdaman ng ginang na parang bumibitaw na ang kaniyang anak sa pagkakayakap.

Doon na binawian ng buhay si Grace. Labis aang pighating nararamdaman ni Thelma, Joseph at ng kaniyang asawang si Dave dahil sa pangyayaring ito.

Kahit na ganito ang kinahinatnan, ay lubos pa rin ang pasasalamat ni Thelma sapagkat sa huling hininga ng kaniyang anak ay nagkaroon pa sila ng pagkakataon upang magkita at mag-usap.

Humingi siya ng tawad kay Dave at nagpasalamat sa pag-aalaga nito sa kaniyang anak. Alam niyang kung nasaan man si Grace ngayon ay masaya na siyang nagbabantay sa kanilang mag-anak.

Advertisement