Inday TrendingInday Trending
Misteryo sa Dalawang Kasambahay ang Tunay na Trabaho ng Kanilang Amo; Ikakagulat Nila ang Kanilang Malalaman

Misteryo sa Dalawang Kasambahay ang Tunay na Trabaho ng Kanilang Amo; Ikakagulat Nila ang Kanilang Malalaman

“Nalulungkot ako, Jenny, huling araw na natin ito kay Ginoong Chan. Ang bait-bait na amo pa naman niya at madaling pakisamahan. Sana ay makahanap pa rin tayo ng amo na kagaya niya,” sambit ni Beth sa kaibigan at kapwa kasambahay na si Jenny.

“Kaya nga, e. Nalulungkot din ako dahil kailangan na nilang lisanin itong bansa. Pinagdarasal ko talaga na ang susunod na amo natin ay mas mabait pa kay Ginoong Chan at kaniyang pamilya. Hindi na nila tayo itinuring na iba,” tugon naman ng dalaga.

Limang taon na ring namamasukan bilang kasambahay ang magkaibigang Beth at Jenny sa Pamilyang Chan. Ngunit dahil kailangan na ng mga ito na bumalik sa ibang bansa ay kinakailangan na nilang lisanin ang kanilang trabaho. Naibenta na rin kasi ni Ginoong Chan ang kaniyang mga ari-arian dito sa bansa dahil balak na nilang manatili sa sarili nilang bansa.

Dahil hawak naman ng ahensiya ang mga dalaga ay kaagad naman silang mabibigyan ng panibagong trabaho. Iyon nga lamang ay hindi sila nakakasigurado na parehas pa rin sa kanila ang trato tulad ng dati nilang amo.

Isang linggo lamang ang naging pahinga ng dalawa at tuluyan na silang namasukan muli bilang kasambahay.

Nanlaki ang kanilang mga mata nang makita ang laki ng bahay ng bago nilang amo.

“Ang laki ng bahay na ito. Paano kaya natin lilinisin ito nang tayo lang?” saad ni Beth sa kaibigan.

“Hindi ko rin alam, pero, ang pinagtataka ko ay sa nilaki ng bahay na ito ay nag-iisa lamang ang amo natin? Ni wala siyang pamilya o kahit sinong kasama dito sa bahay,” pagtataka naman ni Jenny.

Palinga-linga ang dalawa hanggang sa matanaw nila ang kanilang bagong amo. Ito ay si Ginoong Ramon.

“Magandang umaga po. Kami po ang ipinadala ng ahensya para po maging kasambahay ninyo. Ikinagagalak po namin kayong makilala, sir,” bati ng dalawang dalaga.

Naging matipid naman ang sagot ng ginoo.

“Siguro ay matagal na kayo sa gawaing ito. Pwede na kayong magsimula. Unahin niyo ang sala,” wika nito.

“Sir, kami rin po ba ang taga-luto at taga-laba. Anu-ano pong mga gawain ang gagawin namin dito?” usisa ni Jenny.

“Alam kong malaki ang bahay na ito. Ngunit wala namang bata at tayo lamang ang narito kaya hindi kayo mahihirapan sa paglilinis ng bahay. Isa lamang ang panuntunan ko dito sa bahay. Ayoko nang maingay, ayoko nang isusero at higit sa lahat ay matuto kayong sumunod sa akin,” bilin ni Ramon sa dalawa.

Agad na sumunod sina Beth at Jenny sa ipinag-uutos ng kanilang amo.

“Mukhang istrikto ang amo natin na ito. Alam mo, Beth, parang may kakaiba talaga diyan sa amo natin. Parang wirdo siya, ano? Ano kaya ang trabaho niya at ganitong kalaki ang kaniyang bahay,” saad ni Jenny.

“Narinig mo naman ang mga panuntunan ni Sir Ramon. Wala tayo sa tamang posisyon para magtanong at makialam sa kaniya. Halika na at magtrabaho na lamang tayo,” sambit naman ni Beth.

Sa pagdaan ng araw ay hindi maiwasan ni Jenny na lalong magtaka sa kaniyang amo. Lalo na at halos palagi lamang itong nakakulong sa kaniyang kwarto at madalang lamang kung lumabas. Kung lalabas pa ito ay hatinggabi.

Minsan ay sumilip si Jenny sa kwarto ng kaniyang amo at nakita niyang may kausap ito sa kaniyang telepono.

“Ako na ang bahala. Tatapusin ko na iyan at hindi na aabutin ng umaga,” sambit nito sa telepono.

Ngunit nang makita niya si Jenny ay agad nitong ibinaba ang telepono at tinanong ang dalaga.

“Kanina ka pa ba riyan? Narinig mo ba ang mga usapan namin?” sunud-sunud na tanong ni Ramon.

“H-hindi po, kakarating ko lang po. Nais ko po kasi sanang kuhain na ang pinagkainan ninyo para mailigpit ko na rin po. Sige po at aalis na ako,” natatarantang sambit ng dalaga.

Agad niya itong ibinalita kay Beth.

“Para talagang may kakaiba sa amo natin. Parang may masama siyang ginagawa. Bakit nung makita niya ako ay tila balisa siya? Iba talaga ang kutob ko sa amo natin, Beth,” sambit niya sa kaibigan.

“Tumigil ka na nga riyan, Jenny. Baka mamaya ay marinig ka ng amo natin at parehas pa tayong mapatalsik dito. Alam mo namang kailangan natin nitong trabaho na ito. Kaya umayos ka at ‘wag mong ilagay sa alanganin ang mga trabaho natin,” wika naman ni Beth.

Ngunit kahit anong sabi ni Beth ay hindi pa rin nakikinig sa kaniya ang kaibigan.

Isang araw ay ipinalinis ng amo ang kaniyang silid. Mariin nitong pinagbilinan ang dalawa na walang papasok sa kaniyang opisina. Ngunit naging matigas ang ulo ng dalaga.

Doon ay nakita ni Jenny ang iba’t ibang uri ng larawan na nakaimprenta sa papel. Labis niyang ikinatakot ang kaniyang mga nakikita.

“Beth, sabi ko sa iyo ay kakaiba kay sir. Tingnan mo itong mga nakita ko. Iba’t ibang larawan kung paanong kumi+il ng tao. Tapos ay nakita ko rin ang ibang papel, nakasulat doon ang iba’t ibang uri ng armas na pwedeng magamit at kung paanong hindi ka mahuhuli sa kr!men na iyong ginawa.

Natatakot ako, Beth, tama ang hinala ko, Mam@matay tao nga ang amo natin. Kailangang makaalis tayo kaagad dito baka tayo na ang susunod na biktima,” nangangatog na wika ni Jenny.

Nang makita ni Beth ang lahat ng ito ay labis din ang naramdaman niyang takot at pangamba. Dali-dali silang lumabas ng silid at nag-alsa balutan. Napahinto ang dalawang dalaga nang marinig nila na dumating na ang kanilang amo.

“Saan tayo, magtatago, Beth?” natatakot na tanong ni Jenny.

“Hindi ko rin alam. Kung kunwari na lang ay hindi natin natuklasan ang tunay niyang ginagawa? Magpanggap tayo, Jenny, hanggang sa magkaroon tayo ng pagkakataon na umalis dito,” nangangatal namang tugon ni Beth.

Napatili sila nang buksan ng amo ang kanilang silid.

“Ano ba ‘yan? At bakit kayo nagsisigawan? Kanina ko pa kayo tinatawag parang wala kayong mga naririnig! Bakit ang gulo pa rin ng kwarto ko?” naiinis na sambit ng amo.

“Parang awa niyo na po, sir. Patawarin niyo na kami. Parang-awa niyo na, kailangan pa kami ng pamilya namin. H’wag niyo kaming pat@yin!” pagmamakaawa ng dalawa.

“Ano ba ang sinasabi niyo riyan?” pagtataka ng ginoo.

“Alam na po namin ang tunay niyong trabaho. Mamam@tay tao po kayo!” tugon naman ni Jenny.

Napatawa na lamang ang kanilang amo dahil sa kanilang mga sinabi at ikinikilos.

“Ito ba ang dahilan ng lahat ng ito? Ang mga papel na inyong nakita?” natatawa at napapailing na lamang si Ramon.

“Hindi ako mamam@tay tao. Isa akong manunulat at ang mga sinusulat ko ay tungkol sa mga misteryo at kr!men! Siyempre ayoko nang maingay at magulo dahil kailangan kong patuloy na gumawa ng trabaho!” paliwanag ni Ramon.

“Pero narinig ko po kayo na tatapusin niyo na agad at hindi na sisikatan pa ng araw,” sambit muli ni Jenny.

“Dahil may ipinapabago na naman sa akin ang editor. Minamadali na kasi nila ang pag-imprenta ng aking nobela,” paliwanag muli ng ginoo.

“Tumigil na nga kayo riyan at ayusin niyo na ang kwarto ko. Ibalik niyo rin ang mga papel na ikinalat niyo at magagalit talaga ako kapag nawala ito sa pagkakaayos sapagkat kailangan ko ito sa pagsusulat. Sige na at tigilan niyo na ang mga kalokohan niyong iyan!” napapailing na lamang si Ramon sa ginawa ng dalawang dalaga.

Lubos naman ang kahihiyan na naramdaman ni Jenny at Beth dahil sa panghuhusga sa kanilang amo. Labis ang paghingi nila ng kapatawaran dito.

Simula noon ay ginawa na lamang ng dalawa ang kanilang mga tungkulin. Hindi na nila kailanman pinag-isipan ang kanilang amo ng masama. Sa paglipas din ng mga araw ay naging mabuti na ang pakikisama nito sa kanila.

Advertisement