Inday TrendingInday Trending
Sinorpresa ng Binata ang Nobya sa Amerika; Laking Gulat Niya nang Malaman ang Tunay na Kalagayan Nito

Sinorpresa ng Binata ang Nobya sa Amerika; Laking Gulat Niya nang Malaman ang Tunay na Kalagayan Nito

“Pasensiya ka na, Allan, at ngayon lang ako nakatawag sa’yo. Masyado kasi akong abala sa opisina kanina. Kakauwi ko nga lang dito sa apartment,” sambit ni Gail sa kaniyang kasintahan.

“Ayos lang naman sa akin. Bigla lang talaga kitang na-miss kanina. Saka ‘wag mong isipin ‘yon. Alam kong abala ka sa trabaho mo riyan,” tugon naman ni Allan sa nobya.

“Kumusta ba ang trabaho mo bilang isang accountant diyan sa Amerika? Mas mahirap ba kaysa dito sa Pilipinas?” tanong pa ng binata.

“A-ayos lang naman ang lahat dito. May mga araw lang talaga na nakakapagod. Pero kayang-kaya naman. Ikaw, kumusta na ang trabaho mo sa bangko? Kumusta na ang mga kaibigan natin diyan?” tugon naman ng dalaga.

“Iyon pa ang isa kong nais sabihin sa’yo kaya ako napatawag. Na-promote ako, babe! Manager na ako ng bangko. Kanina ko pa gustong sabihin sa’yo ‘to dahil ikaw ang gusto kong unang makaalam. Masaya ako kasi mas makakaipon na tayo ngayon para sa kinabuksan natin. Nang sa gayon, kahit diyan o dito tayo manirahan ay ayos lang,” pahayag ni Allan.

“Masaya ako para sa iyo, Allan. O siya, pasensiya ka na, kailangan ko na talagang magpahinga kasi maaga pa ako bukas at sobrang sakit talaga ng ulo ko. Hayaan mo kapag may oras ako, tatawagan kita kaagad. Hindi mo lang alam kung gaano kita namimiss ngayon at kun gaano kitang nais na makasama,” wika ni Gail.

“Sige, magpahinga ka na, babe. Ako rin miss na miss na kita. Hayaan mo malapit na tayong magkasama ulit,” sambit pa ng nobyo.

Matagal nang pangarap ni Gail na makapunta sa Amerika upang dito na magtrabaho at manirahan. Kaya nang may nakita siyang mapapasukang trabaho dito ay agad niyang sinunggaban.

Parehas silang nagtatrabaho sa bangko ng kasintahan niyang si Allan. Sa limang taon ng kanilang relasyon ay laging nauudlot ang kanilang pagpapakasal dahil na rin sa hindi pa umano nakakamit ni Gail ang kaniyang pangarap para sa sarili at sa kaniyang pamilya.

Minsan sa isang linggo na nga lamang magkausap ang magkasintahan. Naiintindihan naman ito ni Allan sapagkat alam niyang hindi biro ang kailangan pagdaanan ng kaniyang nobya upang makapag-adjust ng kaniyang pamumuhay sa Amerika.

Ngunit, nitong mga nakaraan ay nararamdaman niyang tila ay bumabagabag kay Gail.

“Ayos ka lang ba talaga, babe? Parang mayroon kang hindi sinasabi sa akin,” sambit ni Allan sa kabilang linya ng telepono.

“Lahat naman ay sinasabi ko sa’yo, Allan. Wala naman akong inililihim. Kung sa tingin mo ay mayroon akong iba dito ay hindi ko na mahaharap iyan sa pagkaabala ko sa trabaho,” naiiritang tugon naman ni Gail.

“Hindi sa gano’ng paraan, babe. Parang may nag-iba talaga sa iyo. Basta, kung may mabigat ka mang pinagdadaanan o hindi kaya ay may gusto kang sabihin ay h’wag kang magdadalawang-isip dahil narito lang ako lagi para sa iyo,” pahayag ng binata.

Kahit na sabihin ni Gail na ayos lamang siya ay hindi maipanatag ng binata ang kaniyang isipan. Alam niyang may bumabagabag kay Gail.

Ang hindi alam ni Gail ay matagal nang nag-apply ng visa itong si Allan upang makapunta ng Amerika at mabisita siya. Itinaon niyang anibersaryo nila nang lumipad siya patungong ibang bansa upang surpresahin ang kaniyang nobya.

Agad siyang dumeretso sa pinagtatrabahuhan ni Gail ngunit nang tanungin niya ang mga tao doon ay iisa lamang ang sinasabi – matagal na raw na hindi konektado ang dalaga sa kumpanya at isang linggo lamang daw itong nagtrabaho roon.

Napatunayan ni Allan na may inililihim sa kaniya ang kasintahan.

Agad siyang nagtungo sa apartment na tinutuluyan nito. Inabot na siya ng gabi sa kakahintay sa dalaga. Maya-maya ay laking gulat ni Gail na makita ang kaniyang kasintahan.

“A-anong ginagawa mo rito, Allan?” naiiyak na tanong ng dalaga.

“Narito ako para supresahin ka. Maligayang anibersaryo, babe!” niyakap ni Allan ang kaniyang kasintahan.

Doon ay hindi na napigilan pa ni Gail ang maluha. Nagtungo sila sa apartment na tinutuluyan ni Gail at doon niya inilahad ang lahat ng nangyari sa kaniya.

“Hindi ako accountant dito, Allan. Isa akong babysitter. Napatalsik ako agad sa trabaho ko at hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa inyong lahat dahil alam kong malaki ang kumpyansya ninyo sa akin at ayaw kong mapahiya. Pero, ito na ako ngayon, bigo ako na marating ang pangarap ko,” patuloy sa pag-iyak si Gail.

Mahigpit na yakap ang itinugon ng binata.

“Sana ay matagal mo nang sinabi sa akin, babe. Alam mo naman na kakampi mo ako. Kung hindi ka nagtagumpay ay h’wag kang mawalan ng pag-asa. Akala mo ba ay nabawasan ang pagtingin ko sa’yo? Hindi, Gail. Lalong tumaas ang tingin ko sa’yo sapagkat napatunayan mong hindi ka basta-basta susuko. Kung nais mo nang umuwi sa Pilipinas ay ayos lang. Wala kang dapat ikahiya at wala kang dapat ipaliwanag,” pahayag ni Allan.

Lalong hinigpitan ni Gail ang pagkakayakap niya sa kaniyang kasintahan. Para siyang nabunutan ng tinik sa pagkakataon na iyon. Nakahinga siya nang maluwag lalo pa nang malamn niyang suportado siya ng kaniyang kasintahan.

Umuwi ng Pilipinas si Allan at sa pagkakataong ito ay kasama na niya si Gail. Kahit na hindi man nagtagumpay ay nais pa ring subukan ni Gail na bumalik ng ibang bansa upang makipagsapalaran. Ngunit sa ngayon ay nais muna niyang lasapin ang kasiyahan na magbalik sa sarili niyang bansa at makasama ang kaniyang mga mahal sa buhay.

Advertisement