Inday TrendingInday Trending
Nagpabuyo ang Dalagang Ito sa Isang Recruiter; Ito Tuloy ang Sinapit Niya sa Ibang Bansa

Nagpabuyo ang Dalagang Ito sa Isang Recruiter; Ito Tuloy ang Sinapit Niya sa Ibang Bansa

“Tuloy na tuloy na pala talaga ang alis mo,” saad ng inang si Ditas sa kaniyang anak na si Sally habang nag-eempake ito ng mga gamit.

“Anak, h’wag ka na kayang tumuloy? Hindi kasi maganda ang pakiramdam ko sa pag-alis mo,” muling sambit ng ina sa kaniyang anak na dalaga.

“Hindi ba matagal na natin po itong pinag-usapan, nanay? Kailangan ko pong gawin ito para sa pamilya natin. Hindi po tayo mabubuhay sa pagtatanim lamang natin ng mais. Gusto ko pong mapag-aral ang mga kapatid ko at kayo rin, gusto ko kayong bigyan ng maayos na buhay,” tugon naman ni Sally.

“Isa pa, ‘nay. Naisangla na po natin itong bahay at ang kapirasong lupang taniman natin. Kailangan natin ng pambayad. Kaya hindi na po ako nagdadalawang-isip sa pag-alis,” wika pa ng dalaga.

“Hindi kasi ako kampante diyan kay Mildred. Kailan mo lang ba nakilala ang taong iyan? Sigurado ka na ba sa mga dadatnan mo doon sa ibang bansa? Malayo iyon dito, anak. Kung anu’t ano man ay hindi kita kaagad mapupuntahan,” pag-aalala ng ina.

“Ayan na naman po kayo, ‘nay. Ilang beses na ba natin itong napapag-usapan. ‘Wag kayong mag-alala kay Mildred dahil siya rin ang tumulong sa anak ni Aling Mercy para makaalis. Tingnan niyo ngayon ang buhay nila. Pabayaan niyo na akong umalis dahil wala naman akong ibang pagpipilian pa dahil nakabayad na tayo,” giit pa ni Sally.

“Ang sa akin lang naman, anak, ay nag-aalala ako sa iyo bilang nanay mo. Baka mamaya ay kung ano ang datnan mo doon sa ibang bansa. Dapat kasi ay sa rehistradong ahensya ka na lang pumasok,” wika ni Aling Ditas.

“‘Nay, sa isang araw na po ang alis ko. Parang awa niyo na, ‘wag na kayong magsalita ng kung anu-ano pa at baka dahil diyan ay makasagap pa ako ng kamalasan. Para sa inyo na nga itong gagawin ko, ayaw niyo pa!” naiinis na sambit ni Sally sa ina.

Hindi kasi maiwasan ni Aling Ditas na mag-alala sa kaniyang anak. Ngayon lamang ito malalayo sa kanila dahil lamang sa pangarap nito ang masaganang buhay para sa kanila. Labis kasi ang inggit niya sa kapitbahay nilang si Aling Mercy. Nang makaalis kasi patungong ibang bansa ang anak nito upang magtrabaho ay naging maganda na ang kanilang pamumuhay.

Ganoon din sana ang nais ng dalaga. Kaya nang makilala niya si Mildred, ang taong tumulong daw sa anak ni Aling Mercy, agad niya itong kinausap upang tulungan din siyang makaalis ng bansa at makapagtrabaho.

Kahit tutol ang ina sa mabilis na pagdedesisyon ng anak ay wala na siyang nagawa pa. Upang makaalis ay nagawa nilang isanla ang iba nilang ari-arian.

Sumapit ang araw ng pag-alis ng dalaga. Bitbit niya ang lahat ng mga papeles na kinakailangan.

“Nasaan si Mildred? Ang akala ko ba ay darating siya dito upang sabihin sa’yo ang mga kailangan mong gawin?” tanong ni Aling Ditas.

“Ang sabi po niya ay hindi daw po siya makakarating kasi may inaasikaso. Pero kagabi po ay nagkausap na kami,” saad pa ng dalaga.

“Siguradong sigurado ka na ba dito, anak? Maari ka pang umatras,” sambit pa ng ginang.

Ngunit wala nang atrasan para sa dalagang si Sally. Naniniwala siya na ito na ang simula ng pag-asenso nila sa buhay.

Nang makarating ng ibang bansa si Sally ay nagtataka siya sa lugar na kaniyang pinuntahan kasama ang kaniyang mga amo. May kasama siyang ilang Pilipino.

“Ang akala ko ba ay magiging kasambahay tayo? Bakit tayo nasa isang bar?” pagtataka ng dalaga.

Ngunit walang sumasagot sa kaniya. Nabuhayan siya ng loob nang makita ang anak ni Aling Mercy na si Precilla.

Nagulat si Precilla sa pagdating ni Sally at agad niya itong nilapitan.

“Anong ginawa mo rito? Tumakas ka na habang may pagkakataon ka pa,” babala ng dalaga.

“A-anong ibig mong sabihin? Hindi ba kasambahay ang trabaho mo rito? Ano ba ang trabaho mo, Precilla?” pagtataka ni Sally.

“Mukha bang kasambahay ang trabaho ko dito? ‘Wag mo sabihing si Mildred din ang nagdala sa iyo rito? Hindi kasambahay ang trabahong inabutan ko rito, Sally. Isa akong babaeng bayaran dito at kahit hindi ko ito gusto ay wala na akong magagawa dahil sa pagkakautang. Hindi alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin. Kung kaya mong sikmurain ang trabahong ito ay bahala ka pero habang may pagkakataon ka pa ay umalis ka na,” sambit pa ni Precilla.

Labis na ikinagulat ni Sally ang lahat ng kaniyang nalaman. Hindi niya nais na ibenta ang kaniyang katawan para lamang sa pera. Kaya habang hindi pa sila nakakapasok sa nasabing bar ay agad siyang tumakas.

Tumakbo siya ng mabilis na mabilis at hindi na lumingon pa. Hindi man niya alam ang lugar at kung saan pupunta ay hinayaan na lamang niya ang paa na ipadpad siya kahit saan siya nito dalhin. Nang mawala sa kaniyang paningin ang mga tauhan sa bar ay labis ang pag-iyak ni Sally dahil sa takot.

Naisip niya ang babala ng kaniyang ina. Naisip niya rin ang lahat ng kanilang pagkakautang. Ngunit hindi niya kayang gawin ang maling trabahong ito. Labis ang galit niya kay Mildred sa panloloko nito.

Ilang araw din na pagala-gala sa ibang bansa at walang magawa kung hindi mamalimos itong si Sally. Hanggang isang may magandang puso na kapwa Pilipino ang naghatid sa kaniya sa embahada. Sa pamamagitan nito ay nakauwi siya ng bansa.

Labis ang paghingi niya ng tawad sa kaniyang ina.

“Patawad po, nanay at hindi ako nakinig sa inyo. Kung hindi po sana ako padalos-dalos ng desisyon ay hindi ito mangyayari sa akin. Patawad po at nabaon pa tayo sa utang,” pagtangis ng dalaga.

“Kikitain ang pera, anak. Ang mahalaga ay buo at maayos kang nakauwi sa aming pamilya mo. Pagtutulung-tulungan natin ang lahat ng pagkakautang natin. Huwag kang mag-alala, anak,” sambit naman ng ina habang kayakap ang umiiyak na anak.

Nakipagtulungan si Sally at kaniyang pamilya sa mga pulis at doon ay nadakip si Mildred. Hindi man nila nagawang mabawi ng mga ito ang pera, ang mahalaga’y nabigyan ng hustisya ang nangyari sa dalaga at hindi siya nawawalan ng pag-asa na harapin ang bukas.

Advertisement