Inday TrendingInday Trending
Hindi Inasahan ng Dalaga na Mahuhulog Siya sa Kinakasama ng Kaniyang Matalik na Kaibigan; Anong Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?

Hindi Inasahan ng Dalaga na Mahuhulog Siya sa Kinakasama ng Kaniyang Matalik na Kaibigan; Anong Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?

Naisipan ni Vicky na sa bahay muna ng matalik niyang kaibigan na si Laureen makituloy. Pinalayas kasi siya sa inuupahang boarding house dahil sa hindi na siya nakakakabayad ng upa nang mawalan siya ng trabaho. Nagsara ang pinapasukan niyang pabrika at isa siya sa daan-daang nawalan ng hanapbuhay. Wala na rin siyang ibang matutuluyan dahil wala naman siyang ibang pamilya. Maaga siyang naulila sa mga magulang, wala rin siyang kapatid at hindi na niya alam kung nasaan ang kaniyang mga kamag-anak.

“Tao po, tao po!” aniya habang kumakatok sa gate.

Pinagbuksan siya ng isang lalaki.

“Sino ka, ano ang kailangan mo?” tanong ng lalaking may kaguwapuhan at matipuno ang panggangatawan.

“Ako si Vicky. Bestfriend ko si Laureen. Nariyan ba siya?” tanong niya.

“Ikaw iyong sinasabi niyang kaibigan na makikituloy dito sa amin? Halika, pasok ka!”

Pinatuloy siya nito sa bahay at agad na pinaupo sa silya.

“Ako si Oscar, kinakasama ni Laureen. Sinabi na niya sa akin na darating ka nga raw ngayong araw. Pasensiya na, pero wala ang kaibigan mo, e. Nagpaalam siya sa akin na uuwi muna sa bahay ng mga magulang niya para dumalaw. Tatlong araw lang siyang mawawala kaya ibinilin ka niya sa akin na ako na raw ang bahalang mag-asikaso sa iyo,” hayag ng lalaki.

“Ay ganun? A, e, nakakahiya naman sa iyo at kay Laureen.”

“Naku, wala iyon! Wala kang dapat na ikahiya. Maluwag naman itong bahay. Dalawa lang kami rito. Kaya kung dumito ka na muna hangga’t wala ka pang ibang matitirhan.”

Dahil latag na ang dilim sa mga oras na iyon ay niyaya na siya ni Oscar na maghapunan. Nang sumapit ang alas otso ng gabi ay inihatid na siya nito sa kuwarto kung saan siya matutulog.

“Ito ang magiging kuwarto mo. Sabihin mo lang sa akin kung may kailangan ka ha?”

“Salamat,” tugon niya.

Kinaumagahan ay maagang nagising si Oscar para magluto ng agahan. Ipaghahanda niya muna ng pagkain ang kanilang bisita bago siya gumayak sa pagpasok sa trabaho. Nagulat siya nang makitang may nakahanda ng mga pagkain sa mesa. Nabigla rin siya nang biglang lumitaw si Vicky na galing sa kusina.

“Magandang umaga! Sorry, pero pinakialaman ko na ang kusina niyo. Ako na ang nagluto ng agahan natin!” bungad sa kaniya ng dalaga.

“Nakakahiya naman sa iyo, bisita ka dito tapos ay ikaw pa ang gumawa niyan? Sana ginising mo na lang ako,” sagot ng lalaki.

“Ayos lang sa akin. Pinatira niyo ako rito ni Laureen kaya dapat ay suklian ko man lang ang kabutihang loob niyo sa akin,” ani Vicky.

Mabilis na lumipas ang tatlong araw ngunit hindi pa rin bumabalik ang kaibigan niyang si Laureen. Nag-aalala na nga si Oscar kung bakit wala pa rin ang kinakasama. Tinatawagan niya ito at tinetext sa cell phone nito ngunit hindi man lang sumasagot ang babae. Napansin iyon ni Vicky at hindi rin napigilang mag-alala.

“Hindi pa rin ba sumasagot si Laureen sa mga tawag at text mo sa kaniya?” tanong niya.

“Hindi nga e. Palaging cannot be reached ang cell phone niya. Ano na kaya ang nangyari sa kaniya?” tugon ni Oscar.

“Bakit hindi mo puntahan sa bahay nila?”

“H-hindi ko alam kung saan ang bahay nina Laureen, e. Kahit kailan ay hindi pa niya ako dinala roon o ipinakilala man lang sa mga magulang niya. Dalawang buwan pa lang kaming magkarelasyon pero naisipan na naming magsama sa iisang bubong,” hayag pa ng lalaki.

Nakaramdam siya ng awa sa lalaki. Sa ilang araw na nakasama niya ito, para sa kaniya ay isa itong mabuting tao at isang mapagmahal na lalaki sa kaniyang matalik na kaibigan ngunit ang hindi alam ng mga ito ay nahuhulog na ang loob niya kay Oscar na pilit niyang pinaglalabanan.

Isang gabi ay umuwing lasing si Oscar. Susuray-suray ang lalaki at halos hindi na makalakad.

“O, Oscar, naparami naman yata ang inom mo,” nag-aalalang sabi ni Vicky.

“Nagkasayahan lang kami ng mga kasama ko sa trabaho. Bakit hindi ka pa natutulog, hik!” anito.

“Hindi pa ako makatulog, e. Narinig ko na bumukas ang pinto rito sa sala kaya alam kong dumating ka na. Ipagtitimpla kita ng kape.”

“H-huwag na. Magpapahinga na ako. Magpahinga ka na rin,” tugon ni Oscar.

Kahit lasing, alam ni Vicky na umiyak ang lalaki dahil napansin niyang namumugto ang mga mata nito. Naglasing ito dahil hindi pa rin bumabalik at nagpaparamdam man lang si Laureen sa kanila.

Inalalayan ng dalaga ang lalaki papunta sa kuwarto nito. Nang makapasok na sila ay inihiga niya ito sa kama. Narinig niya na umungol ito at panay ang daing.

“Bakit, Laureen? Bakit mo ito nagawa sa akin?”

Nang mapansin niya na may hawak pala itong lukot na papel. Nang tingnan niya at basahin ay laging gulat niya sa nakasulat.

Oscar,

Pasensiya na pero hindi na ako babalik diyan. Nagsinungaling ako sa iyo ngunit ang totoo ay narito na ako sa Amerika kasama ang Amerikanong nakilala ko sa chat. Itinago ko sa iyo ang relasyon namin. Sinabi niya sa akin na magsama na raw kami rito at pakakasalan niya ako. Ngayon ay kasal na kami at masayang nagmamahalan. Mas mahal ko siya kaysa sa iyo, Oscar, kaya umabot ako sa ganitong desisyon. Patawarin mo ako. Sana ay makahanap ka ng babaeng tunay na magmamahal sa iyo.

Laureen.

Matapos mabasa ang nakasulat ay bigla na lamang nagising si Oscar at hinawakan siya sa braso at hinila siya sa kama.

Pilit na ibinangon ni Vicky ang sarili ngunit sadyang malakas pa rin si Oscar kahit lasing. Mas lalo siyang kinubabawan nito hanggang sa hindi na niya namalayan na hinahalikan na pala siya nito sa kaniyang mga labi. Mainit at puno ng pagsuyo ang halik na iyon sa kaniya ng lalaki hanggang gumapang iyon sa leeg nya papunta sa kaniyang dibdib.

“Oscar, huwag. Mali itong gusto mong mangyari,” pagtututol ng dalaga.

Ngunit walang naririnig ang lalaki. Tila nabingi na ito sa kagandahang taglay niya. Hindi na rin napaglababan ni Vicky ang tukso at pinaubaya niya ang kaniyang sarili kay Oscar. Buong magdamag nilang pinaligaya ang isa’t isa.

Alas diyes na ng umaga nang magising si Oscar. Bumungad sa kaniya ang hubad niyang katawan at naalala ang ginawa nila ni Vicky nang nagdaang gabi.

“My God! Anong nagawa ko?” aniya sabay himas sa noo.

Gusto niyang saktan ang sarili dahil sa ginawa niyang pananamantala kay Vicky. Matapos magbihis ay lumabas siya ng kuwarto at hinanap ang dalaga ngunit hindi niya ito makita. Sa halip ay isang sulat ang nakapatong sa ibabaw ng mesa ang kaniyang nakita. Agad niya itong binasa.

Alam ko na ang ginawa sa iyo ng kaibigan ko. Ikinalulungkot ko ang nangyari sa inyong dalawa. Ako na ang humihingi ng tawad sa ginawa niyang pag-iwan sa iyo at pananakit sa iyong damdamin. Ngunit ang nangyari sa atin kagabi ay isang pagkakamali. Inaaamin ko, kasalalan ko rin na nagpaubaya ako sa iyo dahil sa maikling panahon na nakilala kita ay hindi ko naiwasang umibig sa iyo. Oo, hindi ko sinasadyang mahalin ka ngunit mali ang ginawa kong pananamantala sa nangyari sa inyo ni Laureen. Hindi ako masamang babae. Patawarin mo ako.

Vicky

Nangilid ang luha sa mga mata ni Oscar sa ipinagtapat ng dalaga. Hindi niya inakala na may nararamdaman na ito sa kaniya kaya hindi ito tumanggi sa ginawa nila.

Anim na buwan ang lumipas. Nakahanap na ng matitirhan si Vicky sa isang maliit na paupahan. May trabaho na rin siya. Natanggap siya sa isang maliit na kumpanya sa Pasay bilang office clerk. Isang araw ay nagulat siya nang may kumatok sa pinto ng inuupahan niyang bahay sa dis oras ng gabi. Mas ikingulat niya nang buksan niya ang iyon. Bumungad sa kaniya ang guwapong mukha ni Oscar.

“O-Oscar?” A-anong ginagawa mo rito? Paano mo nalaman…”

Agad na pinigilan ng lalaki ang kaniyang pagsasalita sa pamamagitan nang pagtakip ng isang daliri sa bibig niya.

“Talagang gumawa ako ng paraan para mahanap ka, Vicky. Alam kong alam mo na ang nangyari sa amin ng kaibigan mong si Laureen at alam mo rin na may naganap rin sa atin. Inaaamin kong nasaktan ako sa pag-iwan sa akin ni Laureen ngunit mas nasaktan ako nang mawala ka dahil mula nang umalis ka at hindi na nagpakita sa akin, napagtanto kong mahal na rin kita. Sa maikling panahon na nakasama kita ay natutunan na rin kitang mahalin. Palaging ikaw ang naiisip ko at hinahanap-hanap at natutunan ko nang kalimutan at burahin nang tuluyan sa puso at isip ko si Laureen. Mahal kita, Vicky. Sana ay bigyan mo ako ng pag-asa riyan sa puso mo,” hayag ng lalaki.

Hindi napigilan ni Vicky na maluha sa ipinagtapat ni Oscar. Hindi siya makapaniwala na natutunan na rin siyang mahalin ng lalaking minsang minahal ng kaniyang matalik na kaibigan na niloko at iniwan lang pala ito.

“Oscar, mahal na mahal din kita,” tanging naisagot niya.

At nagyakap ang dalawang pusong pinagtagpo ng pagkakataon na sa kabila ng sakit na pinagdaanan ng isa ay napagtantong mas may karapat-dapat na bigyang pansin at pag-ukulan ng wagas na pag-ibig.

Advertisement