
Galit ang Ginang sa Pagpapabaya ng mga Anak sa Matandang Kaniyang Kinupkop; Ito pala kasi ang Tunay na Ginawa ng Matanda sa mga Anak
Hindi na alam ni Rita kung paano pahihintuin ang oras sapagkat mahuhuli na siya sa kaniyang trabaho. Nagmamadali siyang tinatahak ang daan patungo sa kaniyang opisina kung saan siya nagtatrabaho bilang isang klerk.
Hindi naman na niya talaga kailangan pang magtrabaho dahil isang seaman ang kaniyang asawa. Ngunit dahil dalaga at binata na rin ang kaniyang mga anak ay nais din niyang mayroon siyang pagkaabalahan.
Halos tumakbo na siya upang umabot lamang sa takdang oras nang biglang may isang matanda na bigla na lamang nahimatay sa kaniyang harapan.
“Ale, ayos lamang po ba kayo? Ale, naririnig niyo po ba ako?” sambit ng nag-aalalang si Rita.
Dahil hindi pa nagkakamalay ang matanda ay agad niya itong dinala sa ospital. Nagpaalam na lamang siya na hindi siya makakapasok. Nang magising ang matanda ay agad niya itong tinanong upang maipaalam sa kamag-anak ang nangyari sa kaniya.
“Ale, ano po ang pangalan ninyo? Taga-saan po kayo at sinong kamag-anak po ninyo ang kailangan nating tawagan para po malaman ang kondisyon niyo ngayon,” sunud-sunod na tanong ni Rita.
Ngunit napahikbi lamang ang matandang babae.
“M-maraming salamat sa ginawa mo para sa akin. Pero nag-iisa na lamang ako sa buhay. Ang mga anak ko –,” natigilan ang ale at hindi na napigilan pang humagulgol.
“H’wag po kayong umiyak, ale. Pasensiya na po kayo sa mga tanong ko pero nais ko lamang po kasi malaman para mapagbigay alam sa mga kamag-anak niyo,” paumanhin ni Rita.
“Ako nga pala si Digna. Tulad ng sinabi ko ay mag-isa na lamang ako sa buhay. Matagal nang namayapa ang asawa ko. May kaniya-kaniya ng pamilya ang mga anak ko. At wala ni isa sa kanila ang nais na makasama ako,” patuloy sa pagtangis ang matanda.
Lubos na nahabag si Rita sa pahayag ng matanda. Dahil bata pa lamang ay hindi na nakapiling ng ginang ang kaniyang ina ay napagpasyahan niyang kupkupin na lamang si Aling Digna.
Nang iuwi niya ito sa kaniyang bahay ay labis ang pagtutol ng kaniyang mga anak.
“Ma, alam po ba ninyo ang ginagawa niyo? Alam po ba ni papa ito?” tanong ni Rey, panganay na anak ni Rita.
“Oo nasabi ko na ito sa papa niyo. Payag naman siya. Kawawa siya mga anak. Sa kaniyang edad at kalagayan sa buhay ay hindi na siya inintindi pa ng kaniyang mga anak nang magsipag-asawa ang mga ito. Hindi ko lubos maisip kung anong klaseng mga anak mayroon siya,” sambit ng ginang.
“Ma, ang sa akin lamang po ay delikado na magpatuloy ng isang taong hindi naman natin lubos na kakilala dito sa bahay natin. Saka dapat ay ine-enjoy niyo na lamang ang buhay niyo, kumuha pa kayo ng aalagaan. Paano na rin ang trabaho niyo?” wika pa ng binata.
“H’wag kang mag-alala, anak. Hindi naman ganoong magiging alagain si Aling Digna. Saka kailangan lang naman niya ng pansamantalang matutuluyan. Kawawa naman ang matanda,” giit ng ina.
Wala nang nagawa pa ang mga anak ni Rita sa kaniyang naging desisyon.
Napalapit nang husto ang loob ng ginang sa matanda. Madalas kasi rin silang magkuwentuhan. Awang-awa si Rita sa tuwing napag-uusapan nila ni Aling Digna ang mga anak at kung paano siya pinabayaan ng mga ito. Dahil dito ay lalong tumibay ang loob ni Rita na pangalagaan ang matanda.
Ngunit nagdaan ang mga araw at dahil sa kantadaan at marami nang iniinda sa katawan ay lubusan nang nanghina ang matanda hanggang sa hindi na ito nakakabangon pa sa higaan.
“Ma, kailangan malaman ng mga anak niya ang nangyari sa nanay nila. Sila ang may responsibilidad d’yan kay Aling Digna,” wika ng bunsong anak ni Rita na si Elsa.
“Tulad ng sinabi ko sa kuya mo noon, hindi na nga siya iniintindi ng kaniyang mga anak. Ano pa ang aasahan mo sa mga iyon,” tugon ng ina.
“Ngunit hindi tama na ipasa sa inyo ang responsibilidad nila sa kanilang ina. H’wag niyo ring akuin ang lahat ng ito. Isa pa, may karapatan silang malaman ang tunay na nangyayari sa nanay nila,” giit naman ni Rey.
Dahil dito ay napilitan ang ginang na hanapin ang mga anak ni Aling Digna. Nalaman niyang ang isang anak pala nito ay nasa ibang bansa samantalang ang dalawa ay narito at pawang mga propesyunal.
“Ang kakapal ng mukha. Magaganda pala ang mga buhay ng mga iyon samantalang ang nanay nila ay walang bubong na matutuluyan noong natagpuan ko siya. Halos hindi na kumain samantalang sila ay masagana. Paano nilang natitiis iyon?” sambit ni Rita sa kaniyang mga anak.
“Ma, baka may mga bagay na hindi sinasabi sa inyo si Aling Digna. Ang maganda niyan ay mapakinggan niyo ang panig ng kaniyang mga anak,” saad ni Elsa.
“Kahit pa. Anong klaseng mga anak ang kayang pabayaan ang magulang na nagluwal at nagpalaki sa kanila?” dagdag pa ng ginang.
Agad na kinausap ni Rita ang mga anak ni Aling Digna. Sinumbatan niya ang mga ito para sa pagpapabaya nila sa kanilang ina.
“Pasensiya ka na kung pakiramdam mo ay napapahirapan ka dahil ikaw ang umaasikaso sa kaniya. Babayaran ko ang lahat ng nagastos mo. Magpapadala pa ako ng pera para maipaospital siya. Kakausapin ko rin ang dalawa kong kapatid na kuhain na siya sa inyo,” pahayag ng panganay na anak ni Aling Digna.
“Bakit niyo nagagawa ito sa nanay ninyo? Wala na ba talaga kayong mga puso?” sambit ni Rita dito.
“H’wag mo kaming pagsalitaan ng ganiyan. Hindi mo alam ang pinagdaanan namin sa babaeng iyan,” lahat ng babae.
“Alam mo ba na ibinenta kami ng sarili naming ina para lamang matustusan niya ang kaniyang bisyong sugal? Nagawa niyang ibenta ang sarili niyang mga anak! Ang pangalawang kapatid ko ay nahal*y pa ng bumili sa kaniya.
Samantalang ako naman ay naging isang alipin. Ang bunso namin ay hindi pinapakain. Sobrang pagmamalupit ang dinanas naming magkakapatid dahil sa kaniya. Mabuti na lamang ay kinuha kami ng aming tiyuhin na kapatid ng tatay namin.
Ngayon kung tatanungin mo kami kung anong puso ang mayroon kami para pabayaan ang isang ina. Tanungin mo rin siya kung anong klase ang kaniyang pagkatao para ipagpalit ang kaniyang mga anak para sa sariling kaligayahan,” umiiyak na lahad ng panganay na anak ni Aling Digna.
Lubusang ikinabigla ni Rita na malaman ang katotohanan. Hindi niya akalain na may mga bagay palang hindi ikinukwento ang matanda sa kaniya. Tama pala ang kaniyang mga anak na alamin muna ang buong pangyayari.
Agad niyang sinabi kay Aling Digna ang katotohanang nalaman mula sa anak nito. Napaluha na lamang ang matanda sa pagsisisi.
“Hindi ko sinabi sa iyo sapagkat alam kong hindi mo ako tutulungan. Matanda na ako at malapit na akong mawala sa mundong ito. Alam kong tama lamang sa akin ang mawala nang hindi nakakapiling ang aking mga anak. Pero maniwala kayo, sa hirap ng dinanas ko ay lubos akong nagsisisi sa nagawa ko sa kanila,” pahayag ng matanda.
Dinala niya si Aling Digna sa ospital upang ipagamot alinsunod na rin sa pakiuusap ng kaniyang mga anak.
Lubusan ang pagtangis ni Aling Digna nang makita ang mga anak na matagal na niyang hindi nakakasama. Lubos ang paghingi niya ng kapatawaran sa mga ito.
Sa huling sandali ay napatawad man siya ng kaniyang mga anak sa kaniyang mga nagawa noon ay hindi malilimutan ng mga ito ang mapait na sinapit sa mga kamay ng mga mapang-abusong tao na ang ina pa ang may kagagawan.
Lubusan din ang paghingi rin ni Rita ng kapatawaran sa mga anak ni Aling Digna dahil sa panghuhusga niya sa kanila. Natutunan ng ginang na ang bawat istorya ay may dalawang panig. Ang panig ng naglalahad at ang panig ng katotohanan.

Naghahanap ang Isang Binata ng Pagbibigyan Niya ng Kaniyang Puso Kung Siya ay Papanaw; Hindi Niya Inaasahang Pag-ibig Pala ang Kaniyang Matatagpuan
