Inday TrendingInday Trending
Naghahanap ang Isang Binata ng Pagbibigyan Niya ng Kaniyang Puso Kung Siya ay Papanaw; Hindi Niya Inaasahang Pag-ibig Pala ang Kaniyang Matatagpuan

Naghahanap ang Isang Binata ng Pagbibigyan Niya ng Kaniyang Puso Kung Siya ay Papanaw; Hindi Niya Inaasahang Pag-ibig Pala ang Kaniyang Matatagpuan

“Jeff, gusto ka raw makita ni Tita Sally. P’wede bang lumabas ka na riyan sa kwarto mo?”

“Jeff, hinihintay ka na ni Tita Sally. May dala siyang paborito mong Pancit Malabon. Tara na at lumabas ka na riyan,” walang sawa sa pagkatok ang nakatatandang kapatid ni Jeff na si Jenna.

Ngunit kahit anong tawag niya sa binata ay ayaw nitong lumabas sa kaniyang silid. Tumingin ito sa kaniyang Tita Sally at umiling.

“Ayaw po talaga niyang lumabas, tita. Nag-aalala na nga rin po ako. Ilang araw na pong hindi niya ginagalaw ang pagkain niya. Madalas ay nakatulala. Ngayon naman po ay nagkulong sa kwarto. Natatakot ako na baka kung ano na ang gawin niya sa kaniyang sarili,” sambit pa ng dalaga.

“Hindi pa rin niya natatanggap ang pagkawala ng mga magulang niyo. Baka hanggang ngayon ay sinisisi pa rin niya ang kaniyang sarili,” pahayag ng kanilang tiyahin.

“Marahil nga po,” tugon naman ni Jenna.

Ilang linggo pa lang kasi ang nakakalipas nang pumanaw ang mga magulang ng magkapatid dahil sa isang aksidente sa daan. Malalim na ang gabi na iyon at sinundo ni Jeff ang kanilang mga magulang sa airport na galing noon sa isang bakasyon sa probinsiya.

Dahil sa antok ay hindi na namalayan pa ni Jeff na nakakaidlip siya sa byahe. Nang biglang may isang motor siyang iniwasan at nabangga ang kanilang sasakyan sa isang pader. Malakas ang pagkakabangga nito pero mirakulong nabuhay si Jeff. Ngunit sa kasamaang palad ay kinuha nito ang buhay ng kaniyang mga magulang.

Ito ang hindi matanggap ni Jeff. Sinisisi niya ang kaniyang sarili kung bakit ngayon ay hindi na nila kasama ang kanilang mga magulang. Sa tuwing pumipikit siya ay tila inuulit sa kaniya ang lahat ng nangyari.

Dahil dito ay nalugmok siya sa isang matinding depresyon. Madalas ay nais niyang mapag-isa. Laging nakasarado ang kaniyang silid dahilan para ipag-alala ito ng kaniyang ate. Madalas din kung dumalaw doon ang kapatid ng kaniyang inang si Sally.

“Hayaan mo at isang araw ay matatanggap din niya ang lahat. Pero hanggang hindi pa dumarating ang panahon na iyon, Jenna, ‘wag kang magsasawang tingnan ang iyong kapatid.”

Samantala, dahil hindi na rin makayanan ni Jeff ang tila walang hanggang kalungkutan ay balak na niyang wakasan ang sariling buhay. Napagtanto niyang ito lamang ang tanging paraan para matapos ang lungkot at pagsisising nadarama.

Ngunit ayaw niyang masayang lamang ang kaniyang buhay tulad ng nangyari sa kaniyang mga magulang. Ang nais niya ay kung mawawala siya sa mundo ay may pag-aalayan siya ng kaniyang katawan.

Nagulat si Jenna ng biglang lumabas na si Jeff sa kaniyang silid na tila walang nangyari.

“Saan ka pupunta? Kumain ka muna, Jeff,” paanyaya ng dalaga. Ngunit tuloy-tuloy na lumabas ng bahay ang kapatid.

Nagtungo si Jeff sa isang ospital upang magmasid-masid. Hindi sinasadya na marinig ang isang kwentuhan ng mag-anak tungkol sa kanilang anak na dalaga na kailangang operahan at palitan ng puso dahil mahina na ang puso nito.

Doon ay naging interasdo si Jeff na makilala ang dalaga upang masigurado na ito ay karapat-dapat. Araw-araw niyang sinusundan at inoobserbahan ang dalagang si Thea. sa kaniyang pagmamasid ay napatunayan niyang mabuti ang kalooban nito kahit na galing ito sa hirap.

Dahil mas nais pa niyang mapatunayan ang kabusilakan ng puso ng dalaga ay nakipagkaibigan siya rito. Nagpanggap siyang isang volunteer sa ospital upang mapalapit pa kay Thea.

“Bakit kahit nahihirapan ka na ay pilit ka pa ring lumalaban? Hindi ka ba nalulungkot sa katayuan mo ngayon?” tanong ni Jeff sa dalaga.

“Dahil mahal ko ang mga taong nagmamahal din sa akin — ang pamilya at mga kaibigan ko na lumaban para sa akin, para sa buhay ko,” tugon niya.

“Saka napakaganda at napakasayang mabuhay sa mundong ito. Lalo na kung kasama mo ang mga taong mahal mo,” dagdag pa niya.

Lalong humanga si Jeff sa dalaga. Alam niyang tunay na karapat-dapat ang dalaga para sa kaniyang puso.

“H’wag kang mag-alala, Thea, darating ang araw na gagaling ka rin. Makakahanap na kayo ng magdo-donate ng bagong puso para sa’yo,” sambit ng binata.

Nagpatuloy sa pagpapanggap na volunteer si Jeff at palagi niyang pinupuntahan ang dalaga upang makausap. Gumagaan ang kaniyang kalooban sa tuwing kasama niya ito. Hanggang sa hindi na niya maitanggi sa sarili na nahuhulog na ang kalooban niya sa dalaga. Lubusan ang kaniyang saya lalo pa at inamin din ni Thea na minamahal niya ang binata.

“Hindi na ako makapaghintay na magkaroon ng bagong puso nang sa gayon ay mas marami tayong magawa na magkasama. Marami akong gustong puntahan at nais kong naroon ka sa tabi ko,” wika ni Thea sa kasintahan.

Biglang namulat sa katotohanan si Jeff. Nagdadalawang-isip na siya kung itutuloy pa ba niya ang planong pagpapatiw*kal gayong nagkaroon na ng kulay muli ang kaniyang buhay. Ngunit kapag walang magbibigay ng puso sa dalaga ay maaari ito naman ang mawala.

Isang araw ay bigla na lamang dinala sa ICU ang dalaga sapagkat bumibigay na daw ang puso nito. Dahil sa lubusang pagmamahal ni Jeff ay nakapagdesisyon na siya na ibigay ang kaniyang puso sa kasintahan.

Agad siyang umuwi at gumawa ng sulat. Sinigurado niyang makikita kaagad ang kaniyang katawan upang hindi tumigil tumibok ang kaniyang puso.

Hawak ang baril ng kaniyang ama ay nangangatog siyang itinutok ito sa kaniyang sentido. Kakalabitin na sana niya ang gatilyo nang biglang kumatok ang ate ni Jeff sa kaniyang pinto.

“Jeff, tumatawag ang mga magulang ni Thea sa iyo. Jeff, buksan mo ang pinto!” walang humpay sa pagkatok ang dalaga.

Agad binitawan ni Jeff ang baril at pinagbuksan ng pinto ang kaniyang kapatid. Nang mapansin ni Jenna na balisa ang kapatid ay agad siyang nag-alala lalo pa nang makita niya ang baril ng ama sa sahig.

“A-anong balak mong gawin, Jeff? Kasalanan sa D’yos ‘yang gagawin mo!” galit na sigaw ng ate niya.

“Kailangan ni Thea ng puso, ate. Matagal ko na itong napagdesisyunan kaso hindi ko sinasadya na mahalin siya. Kailangan kong iligtas ang buhay niya,” umiiyak na sambit ng binata.

“Hindi mo na kailangan pang gawin ‘yan, Jeff. Dahil mayron na daw silang nakuhang puso para sa operasyon ni Jenna at sa kasalukuyan ay ginagawa na ito. Diyos ko po, Jeff, mabuti na lamang ay hindi mo itinuloy ang balak mo!” umiiyak na ring wika ni Jenna.

Nanlambot ang tuhod ni Jeff sa kaniyang narinig. Mabuti na lamang ay hindi tumigil ang kaniyang ate sa pagkatok at siya ay nahimasmasan. Laking tuwa niya nang sa wakas ay madurugtungan na ang buhay ng kasintahan.

Laking tuwa ng lahat nang maging matagumpay ang operasyon ni Thea. Nang tuluyan siyang gumaling ay tinupad ni Jeff ang pangakong marami silang lugar na pupuntahan ng magkasama. Muling nagkaroon si Jeff ng dahilan upang mabuhay.

Hindi nagtagal ay nauwi rin sa kasalanan ang relasyon ng dalawa. Walang nag-akala na ang dalawang buhay na nasa bingit noon ay ngayo’y parehas nagkaroon ng dahilan para lumaban. Namuhay sila nang masaya at masagana sa piling ng kanilang dalawang anak.

Advertisement