
Pinalayas ng Amo ang Babaeng Ito dahil Akala Niya’y Ninakaw Nito ang Kaniyang mga Hikaw; Hindi Niya Akalain na sa Pagbalik Niya’y Iba na ang Buhay Nito
“Sigurado ka na ba sa gagawin mo, anak?” wika ni Aling Belen sa kaniyang anak na si Lina habang naghahanda ito ng mga kakailanganing gamit.
“Malaki ang Maynila, anak. Hindi kagaya dito ang mga tao doon. Baka mamaya ay mapano ka,” pagpapatuloy ng ina.
“Sigurado na po ako, ‘nay. Kailangan ko pong kumilos para matulungan ko po kayo ni tatay. Ayoko na rin namang magsaka pa ang tatay gayong mahina na ang katawan niya. H’wag niyo na po akong alalahanin at kaya ko po ang sarili ko. Para sa atin naman po itong gagawin ko,” tugon ni Lina sa nag-aalalang ina.
Dahil kasi sa nararanasang kahirapan ng mag-anak ay kinailangan ni Lina na kumayod na para matustusan ang kanilang pangangailangan. Takot man ay kailangang tapangan niya ang sarili sa pagluwas sa Maynila upang mamasukan bilang kasambahay. Dahil hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral ay tanging ito lang ang nakita niyang trabaho.
Nang makaluwas ng Maynila ay manghang-mangha siya sa laki ng mga kabahayan doon. Lalo na sa bahay ng kaniyang mga amo. Ayos naman ang mga nakuha niyang pagsisilbihan ngunit ang kaniyang amo na babae ay madalas siyang pagmasdan na tila ba naghihintay lamang na magkamali ang dalaga.
“Napapansin ko parang mainit ang dugo sa akin ni Madam Julia,” saad ni Lina sa matagal nang kasambahay na si Manang Delia.
“Pabayaan mo na si madam. Ganiyan lang talaga ‘yan kapag dalaga pa ang kasambahay na nakuha. Ang akala niya ay hindi mapagkakatiwalaan,” tugon ng ginang.
“Naku, wala naman po akong gagawing masama dito. Hindi po ako ganong klaseng tao. Gusto ko lang po talagang magtrabaho dahil kailangan ng pamilya ko sa probinsiya,” saad ni Lina.
“Alam ko ‘yun. Kaya paghusayan mo. Ramdam ko namang mabait kang bata at hindi ka gagawa ng ikasisira mo,” sambit pa ni Manang Delia.
Ngunit hindi makaiwas si Lina sa mapagmasid na mata ng kaniyang amo na tila ba naghihintay lamang na magkamali ang dalaga. Kahit na anim na buwan na si Lina na naninilbihan sa kanila ay tila ba hindi pa rin panatag sa kaniya ang loob ng among babae.
Hanggang sa isang araw na nawala raw ang hikaw ni Madam Julia at agad na napagbintangan ang kawawang dalaga.
“Ikaw lang naman ang bago dito. Malamang ko ay ikaw ang malikot ang kamay!” bintang nito sa dalaga.
“Hindi ko po kayang gawin ang ganoong bagay, madam. Kahit na kapkapan po ninyo ako o halungkatin ang mga gamit ko ay wala po kayong makukuha sa akin,” wika ni Lina.
Hinalughog ang kaniyang mga gamit at pinaghubad pa siya ng amo para lamang maksigurado na wala sa kaniya ang mga hikaw. Kahit na walang nakuha sa kaniya ay agad pa rin siyang pinalayas ng kaniyang amo.
Maya-maya ay nakita na rin ang hikaw sa isang bag ni Madam Julia.
“Manang Delia, bakit ganon naman kalupit si madam? Wala naman po akong ginagwaang masama,” saad ng umiiyak na dalaga.
“Wala akong magagawa, Lina. Siya ang amo. Pasensiya ka na at hindi kita matulungan sa bagay na ito. Pero may isa akong maitutulong sa’yo,” saad ng matanda.
“Dahil alam kong masipag ka at mapagkakatiwalaan ay ikaw na lamang ang humalili sa akin na magtungo sa ibang bansa upang maging kasambahay. Matanda na ako at hindi ko na kaya ang magtrabaho pa. Isa pa, naroon ang anak ko. Siya ang makakasama mo,” dagdag pa ni Aling Delia.
Hindi ipinaalam ni Lina sa kaniyang mga magulang ang nangyari dahil ayaw niyang mag-alala pa ang mga ito.
Ipinahiram ni Aling Delia ang dalaga upang madaling makapag-ayos ng papeles at makaalis kaagad patungong ibang bansa. Pagdating sa ibang bansa ay agad siyang sinalubong ng anak ng matanda na si Karen at isinama siya sa lugar kung saan sila magtatrabaho.
Laking gulat niya nang sa isang palasyo pala sila maninilbihan.
“Gagawin ko ang lahat para hindi kayo mapahiya sa akin. Maraming salamat sa pagtulong ninyong mag-ina. Napakabuti ng mga puso ninyo,” wika ni Lina sa kay Karen.
“Wala iyong anuman. Sa tagal ng nanay ko sa paninilbihan doon sa kaniyang mga amo ay ngayon lang siya nagrekomenda sa akin. Malamang ko ay gusto ka talaga niya,” saad ng anak ni Aling Delia.
Hindi binigo ni Lina ang mga umaasa sa kaniya. Lubusan niyang ginalingan sa kaniyang pagtatrabaho. Buwan-buwan ay nagpapadala pa rin siya sa kaniyang mga magulang at laking gulat ng mga ito sa laki ng kaniyang ibinibigay.
Dahil nga sa kaniyang dedikasyon sa trabaho ay agad siyang napansin at naitalaga upang personal na maging tagapangalaga ng prinsipe. Sa unang tingin pa lamang sa kaniyang ng prinsipe ay agad nang nabighani ito sa kaniya. Lalo pang nahulog ang loob ng amo sa kaniya nang magkasakit ito at lubusang binantayan ng dalaga hanggang sa gumaling ito.
Hindi nagtagal ay umamin na rin ng nararamdaman ang prinsipe sa kaniya. Kahit na magkaiba ang kanilang agwat ay walang naging pagtutol sa kanilang pagmamahalan.
Nang ikasal ang dalawa ay nais na umuwi ng bansa ni Lina upang ipakilala ang asawang prinsipe sa kaniyang mga magulang. Laking gulat na lamang ng mga magulang ni Lina sa bilis ng pangyayari.
Kinuwento ni Lina ang lahat ng pagmamalupit sa kaniya ng unang amo at kung paanong tinulungan siya ni Aling Delia upang makaalis ng bansa at doon magkaroon ng panibagong hanapbuhay.
Nang malaman ng prinsipe ay nahabag ito sa kaniyang asawa.
Isang araw ay niregaluhan si Lina ng kaniyang asawa ng isang susi. Nang malaman niya kung para saan ang susi ay labis niya itong ikinabigla.
Ang susi na ito ay para sa isang bahay malapit lamang sa dati niyang amo. ‘Di hamak na mas malaki ang bahay na ito.
Nagtungo si Lina sa bahay ng amo upang makausap si Aling Delia.
“Anong ginagawa ng isang hampaslupang kagaya mo dito sa bahay ko? Walang trabahong naghihintay para sa iyo dito!” sambit ni Madam Julia.
“Hindi po siya naparito para maging kasambahay. Doon na po kasi siya nakatira sa bagong bahay na malapit dito,” saad ni Aling Delia.
“At nakauto ka na naman ng mayamang amo dito sa lugar namin. Kapag nalaman nila ang tunay mong kulay ay malamang ko’y palayasin ka kaagad,” wika ng dating amo.
“Naku, madam, nagkakamali po kayo. Siya po ang nakabili ng bahay na iyon,” lahad ng matanda.
“Tama po. Sa katunayan nga po ay narito lamang po ako upang sunduin si Aling Delia. Ibinilin po kasi siya ng kaniyang anak sa akin na ihatid sa bagong bahay na nabili rin nila malapit dito,” saad ni Lina.
Lubusang ikinabigla ni Madam Julia ang sinambit ng dating kasambahay. Hindi siya makapaniwala sa buhay na sinapit nito matapos niya itong palayasin.
“Maraming salamat po, Aling Delia. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi ko makikilala ang asawa ko at hindi ko po malalasap ang ganitong kaginhawang buhay. Utang ko po sa inyo ang lahat ng ito,” wika ni Lina sa matanda.
“Ang Diyos ang may kagustuhan ng lahat ng ito na mangyari sa iyo dahil mabuti ang iyong kalooban. Naging daan lamang ako, Lina. Masaya ako sa lahat ng narating mo,” tugon ni Aling Delia kay Lina habang paalis sila sa bahay ng malupit na amo.

Madalas Mahilo ang Karpintero Dahil Masyadong Matipid at Lagi raw Napupuyat; Iyan ang Pilit na Tinuklas ng Kaniyang mga Katrabaho
