Inday TrendingInday Trending
Madalas Mahilo ang Karpintero Dahil Masyadong Matipid at Lagi raw Napupuyat; Iyan ang Pilit na Tinuklas ng Kaniyang mga Katrabaho

Madalas Mahilo ang Karpintero Dahil Masyadong Matipid at Lagi raw Napupuyat; Iyan ang Pilit na Tinuklas ng Kaniyang mga Katrabaho

Lamayan na ang trabaho sa pagtatayo ng isang bagong-bagong gusali sa pusod ng naturang lungsod. Kaya naman, halos hindi na makausap ang mga karpintero matapos lamang ang kanilang mga gagawin. May abalang-abala sa pagpipiyon, paghahalo, pagbubuhat ng mga hollow blocks, paglalagay ng bakal, paglalagay ng bubong, at iba pa. Lahat ay may ginagawa.

Maya-maya, isang kasamahan nila, na naglalaro sa 25 taong gulang, ang biglang napaupo sa sahig. Inalalayan siya ng tatlong mga kasamahan: sina Betong, Monmon, at Tinong.

“Pare, ayos ka lang?” tanong ni Monmon. Humihingal si Gibo, ang naturang lalaking napaupo.

“Pasensiya na nahilo ako. Umikot ang paningin ko,” sagot ni Gibo.

“Naku, mainit kasi. Mabuti pa magpahinga ka muna doon sa isang sulok, doon sa hindi makikita ng foreman, baka akalain tatamad-tamad ka. Kami na lang kakausap kapag sinita ka. Tutal malapit na ang tanghalian,” sabi ni Monmon.

Inalalayan nina Betong at Monmon si Gibo. Inilagay nila ang mga bisig nito sa kani-kanilang mga balikat. Hinayaan nilang magpahinga ito.

At pumitada ang tanghalian. Nagtungo ang tatlo sa pinagpapahingahan ni Gibo. Walang baong pagkain si Gibo kaya nag-amot na lamang sila ng kanilang mga baon para dito. Ang kanin ay mula kay Monmon, at nagsalo sila sa mga ulam na danggit na dala ni Betong at okoy naman kay Tinong.

“Wala kasi akong kain. Saka… puyat ako,” sagot ni Gibo sa mga kasama.

“Naku pare, kapag sasabak ka sa ganitong klaseng trabaho, kailangan may laman lagi ang tiyan mo. Kung hindi malakas-lakas ang sikmura mo rito ay lalagutin ka talaga dito,” sabi ni Betong.

“Wala ka pa bang misis?” usisa ni Monmon.

“Wala na. Iniwan na ako. Hindi naman kami nagkaanak kaya mas maayos. Kargo ko lang sarili ko, na minsan hindi ko naman kaya,” sagot ni Gibo.

“Sabagay, may punto ka naman. Eh saan ka ba umuuwi niyan?” tanong naman ni Tinong.

“Dito ako natutulog. Nagpaalam naman ako sa guwardiya, basta huwag lang akong papakita sa lahat saka hindi ako papahuli,” sagot ni Gibo.

“Basta pare kung may kailangan ka huwag kang mahihiyang magsabi sa amin. Tayo-tayo na lang magtutulungan. Makakaraos ka rin sa pagkain,” sabi ni Betong kay Gibo.

“Maraming salamat sa inyo ah. Makakabawi rin ako sa inyo,” sagot ni Gibo.

Mula noon ay naging sanggang-dikit na ang apat. Anumang pagkain na mayroon sila ay pinagsasalo-saluhan nila. Madali lamang naman kasing pakibagayan si Gibo.

Lumipas ang ilang linggo, may napapansin ang tatlo sa kanilang bagong kaibigan. Lagi kasi itong parang puyat, inaantok, mapula ang mga mata, at natutulog na lamang kapag tanghalian.

“Napapansin ko sa kaniya, lagi siyang may kinakalikot sa kaniyang bag. Minsan hindi siya sumasabay sa atin, o kaya nagtatago. Bakit kaya?” pabulong na tanong ni Monmon kina Betong at Tinong.

“Saka lagi siyang umaalis sa gabi. Bihis na bihis. Saan kaya nagpupunta? Kaya laging nahihilo at napupuyat eh,” sabi naman ni Tinong.

“Hoy masyado kayong mga malisyoso. Malay ninyo may raket sa gabi?” sabi ni Betong.

Hanggang isang hapon, namataan nila ulit si Gibo na tila ba may tinatago sa kaniyang bag. Nilapitan na nila ito.

“Ano iyan, pare?”

Tila nagulantang naman si Gibo at mabilis na itinago ang kung anumang bagay na nasa loob ng kaniyang bag.

“W-Wala naman, wala iyan…” sagot ni Gibo.

Subalit dahil kinukutuban sina Betong at Tinong na baka gumagawa ng ilegal ang kanilang kasama, kinuha nila ang kaniyang bag at tiningnan ang itinatago ni Gibo. At nagulat sila sa kanilang nakita.

“B-Bakit ang daming papel?” tanong ni Tinong.

“Mga papel iyan sa eskuwela… nag-aaral kasi ako sa gabi. Mga modules ko iyan saka eksamin,” nahihiyang pag-amin ni Gibo.

Nakita ng tatlo ang mga resulta ng pagsusulit ni Gibo. Pawang matataas!”

“Nag-aaral ka pa? Sa edad mong iyan?” tanong ni Monmon.

“Oo. Ginusto ko talagang mag-aaral noon pa man. Alternative learning system. Tinatiyaga ko talaga. Iniwan ako ng aking asawa kasi wala raw akong pinag-aralan. Gusto kong patunayan sa kaniya at sa sarili ko na kaya kong makatapos ng pag-aaral at maabot ang mga pangarap ko,” sagot ni Gibo.

Hindi naman nakaimik ang tatlo. Humanga sila kay Gibo dahil sa nakita nilang determinasyon nito.

“Kayo, kung tutuusin, puwede rin naman kayong mangarap pa. Wala naman iyan sa edad,” sabi ni Gibo sa tatlo.

Hindi naglaon, nakatapos ng pag-aaral si Gibo sa ALS. Kumuha siya ng kursong madali lamang sa kolehiyo, na kaniya rin namang napagtagumpayan.

Tunay ngang hindi hadlang ang edad at kahirapan sa pagtatamo ng pangarap!

Advertisement