Inday TrendingInday Trending
Hindi na Makabayad ng Upa ang Ginang Kaya Naman Pinutulan na Sila ng Kuryente; Paano na ang Pag-aaral ng Kaniyang mga Anak?

Hindi na Makabayad ng Upa ang Ginang Kaya Naman Pinutulan na Sila ng Kuryente; Paano na ang Pag-aaral ng Kaniyang mga Anak?

Tulala at hindi alam ang gagawin. Iyan si Fe matapos ipaalam sa kaniya ng kanilang boss na dalawang beses sa isang linggo na lamang siya kailangang pumasok sa trabaho bilang janitor. Ibig sabihin, mababawasan ang kaniyang suweldo.

Ang unang pumasok sa isipan niya, paano na ang mga gastusin sa bahay? Kung pagkain lamang ang pag-uusapan, hindi mahirap pakainin ang dalawa niyang mga anak na sina Gina at Maymay; si Gina ay Grade 4 at si Maymay naman ay Grade 2. Pipitas lamang siya ng malunggay at gagawa ng sinabawang isda, babanatan na ito ng kaniyang dalawang anak. Simula nang iwan siya ng kinakasamang si Dante, na ama ng kaniyang mga anak, sinanay na niya ang dalawa sa pagkain ng gulay at mga simpleng ulam.

Hindi namalayan ni Fe na nasa bandang tulay na siya, na may maliwanag na poste ng ilaw. Dahil tulala at nakatingin siya sa tubig, inakala pa ng isang traffic enforcer na siya ay tatalon.

“Ale, ayos ka lamang ba? Huwag kang tatalon, kawawa naman ang mga anak mo,” sabi sa kaniya nang sumitang traffic enforcer.

At tila nagising sa pagkakatulala si Fe.

“H-Hindi ako tatalon, Kuya. Grabe ka naman. May malalim lang akong iniisip. Saka paano mo nalamang may anak ako?” agad na depensa ni Fe, saka siya nagmamadaling naglakad pauwi. Hindi na niya hinintay ang isasagot nito kung paano nito nasabing may anak na siya.

Dahil ber month na at mabilis nang gumabi, nagulat siya nang makitang walang ilaw ang kabahayan.

“Nasaan kaya sina Gina at Maymay?” naitanong ni Fe.

Nasa loob pala ng bahay ang dalawang anak. Tanging maliit na kandila lamang ang nagsisilbing tanglaw sa loob nito. Nakaharap ang dalawang bata sa kani-kanilang mga modules sa paaralan; pilit na inaaninaw sa aandap-andap na ilaw ng kandila ang mga letra at salitang nakalimbag dito.

“B-Bakit madilim? Anong nangyari?” tanong ni Fe. May mga ilaw naman ang kanilang kapitbahay. Bukod tanging bahay lamang nila ang walang ilaw.

“Bigla na lamang pong nawala ang ilaw, Nanay. Saka parang wala pong kuryente,” sabi ni Gina.

Saka naalala ni Fe na hindi pa pala siya nakakabayad ng upa. Malamang, pinutulan na siya ni Aling Goreng, ang kanilang kasera, dahil hindi pa siya nakakabayad ng tatlong buwang upa. Pinapaalis na siya nito.

Nagtungo siya sa bahay nito upang makiusap. Nagpapaypay itong humarap sa kaniya.

“Hoy Fe, mahiya ka naman! Hindi naman ako nagpapacharity dito. Aba, tandaan mo, kaya ako nagpaupa para kumita, hindi para humanap nang batong ipupukpok ko sa ulo ko. Ang lagay, gagamit kayo ng kuryente, hindi kayo magbabayad?” mataray na sabi ni Aling Goreng.

“Nakikiusap po ako sa inyo, magbabayad naman po ako eh. Kahit yung kuryente na lang po sana maibalik, kasi kailangan po ng mga bata sa pag-aaral nila,” halos lumuhod na si Fe sa kaniyang kasera.

“Hay naku hindi! Magtanda ka. Bumili kayo ng kandila, o kaya gumawa ka ng gasera. Gawan mo nang paraan. Sawang-sawa na ako sa mga pangako mo, Fe. Umalis ka na at baka maisipan kong palayasin ka na talaga, kung hindi lang ako naaawa sa mga anak mo,” pagtataboy ni Aling Goreng.

Lulugo-lugong umuwi si Fe. Kung siya lamang, makatitiis siya. Subalit paano ang mga anak niya na kailangang-kailangan ang ilaw para sa kanilang pag-aaral? Hindi man sila online class, kailangan nila nang sapat na liwanag upang mabasa ang mga laman ng kanilang modules.

“Paano po kaya ito, ‘Nay? Marami po kaming assignment,” naiiyak na tanong ni Gina sa kaniyang nanay pagkauwi nito. May naisip na paraan si Fe.

“Kunin ninyo ang mga bag ninyo at ilagay ang mga modules na may sasagutan. May pupuntahan tayo,” utos ni Fe.

At tumalima naman ang kaniyang mga anak. Naglakad sila nang kaunti hanggang sa makarating sa dalawang pampublikong upuan sa kalsada na natatanglawan ng poste ng ilaw.

“Dito tayo gagawa ng mga assignments ninyo. Maliwanag dito, at may upuan pa,” sabi ni Fe.

At iyon na nga ang nagsilbing lugar kung saan nagsasagot ng kanilang mga modules ang mga bata, hanggang wala pa silang kuryente.

Hindi naman ito nakaligtas sa mapanuring mga mata ng concerned citizen. May isang nag-post ng larawan ng mga mag-iina sa social media. Dahil naging viral ito, marami ang nagpaabot ng tulong kay Fe upang makabayad na siya ng mga utang sa kaniyang upa at maibalik na ang kuryente.

Malaki ang naging pasasalamat ni Fe sa mga concerned citizens na tumulong sa kaniya. Napatunayan niya, may mga tao pa rin talagang may pagmamalasakit sa kanilang kapwa, hanggang sa panahong ito.

Advertisement