
Laking Pagtataka ng Misis Kung Ano ang Nasa Loob ng Liham na Binabasa ng Asawa Tuwing Kaarawan Nito; Lalo Niya Itong Inibig Pagkatapos Niyang Mabasa Ito
“Malapit na raw si Tristan, guys. Pumunta na kayo sa mga pwesto niyo!” saad ni Cristie sa mga kaibigan at kamag-anak na naroon sa kanilang bahay upang surpresahin ang asawa sa kaarawan nito.
Hindi na nila isinara ang ilaw dahil mas mahahalata ng asawa na may inihanda silang surpresa. Tahimik ang lahat at nang bumukas ang pinto ng bahay ay agad silang nagbungad ng pagbati sa ginoo.
“Maligayang kaarawan!” sambit ng lahat.
Gulat na gulat si Tristan lalo pa at naitipon ng kaniyang asawa ang matatalik niyang mga kaibigan at kamag-anak.
“Anong ginagawa niyong lahat dito?” masayang tanong ng ginoo.
“Siyempre, kaarawan mo! Masaya ka ba sa surpresa namin sa’yo?” wika ni Cristie sa asawa.
“Ikaw talaga! Ni hindi man lang ako nakatunog sa binabalak mong ito. Maraming salamat, mahal ko. Oo, sobrang nagustuhan ko ang surpresa mo sa akin,” tugon ni Tristan sabay yakap at halik sa asawa.
“Hoy! Tama na ‘yang lambingan niyo at magsaya na tayo!” sigaw ng isang kaibigan.
Bago pa lamang ikinakasal ang mag-asawa mula sa kanilang dalawang taong pagiging magkasintahan. Maayos ang kanilang buhay. Si Tristan ay isang inhinyero samantalang si Cristie naman ay isang sikat na interior designer. Mabilis na nahulong ang loob ng dalawa a isa’t isa nang magkatrabaho sila sa isang proyekto.
Hindi na pinakawalan ni Tristan si Cristie hanggang tuluyan na nga niya itong inaya na magpakasal. Sa kabuuang tatlong taong silang magkasama ay palaging binibigyan ng surpresa ni Cristie itong si Tristan tuwing kaarawan nito.
“Kanina ka pa hinahanap sa baba, mahal. Ang sabi mo ay magpapalit ka lang ng damit,” wika ni Cristie sa asawa.
“Ah, oo, sige susunod na ako,” gulat na sambit nito habang mabilis na tiniklop at itinago ang isang papel na kaniyang tangan.
Noong nakaraang taon ay nakita rin ni Cristie si Tristan na may binabasa na tila isang liham sa araw ng kaniyang kaarawan. Nang tanungin niya ito ay sabi niya’y wala lang daw ito. Dahil dito ay hindi na nangulit pa si Cristie. Ngunit ngayong nakita na naman niya ang papel na iyon ay hindi niya napagilan na mag-isip ng iba sa asawa.
“Tara na, bumaba na tayo at baka naiinip na sila sa kahihintay sa atin,” paanyaya ni Tristan sa misis.
Kahit na masaya ang lahat sa salu-salong inihanda ni Cristie para sa pagdiriwang ng kaarawan ng asawa ay lumilipad naman ang isip niya tungkol sa papel na itinago ng asawa.
“Hindi kaya sulat iyon mula sa dati niyang kasintahan?” naisip niya.
Natandaan kasi niya ang isang araw na habang nag-iinuman ay kinakantiyawan ng mga kaibigan si Tristan kung paano nito iniyakan ang dating nobya.
“Hindi kaya mahal pa rin niya ang dating kasintahan at tinatago niya ito sa akin? Pero imposible. Ang sabi niya sa akin ay matagal na niyang ibinaon iyon sa limot,” saad pa niya sa sarili.
Malalim na ang gabi at isa-isa nang nagsiuwian ang mga bisita. Nang matapos maglinis ng bahay si Cristie at mga kasambahay nila ay umakyat na siya sa kanilang silid upang magpahinga na rin.
Sa dami ng nainom ni Tristan ay nakatulog ito kaagad.
Hinanap ni Cristie ang telepono nito upang humanap ng ebidensiya na nangangaliwa ang asawa. Ngunit ni tawag o text ay wala siyang nakita.
Hinalungkat niya niya ang mga gamit nito ngunit kahit ano ay walang bakas na nambababae ang asawa. Kaya naisipan niyang buksan ang drawer nito at tuluyang basahin na lamang ang nilalaman ng papel.
Nang makita niya ito ay sandali siyang natigilan sapagkat natatakot siya na baka may mabasa siyang ikasakit ng kaniyang damdamin. Habang dahan-dahan niyang binubuklat ang papel ay narinig niya ang tinig ni Tristan.
“Bakit mo hawak ang papel na iyan?” tanong ng mister niya.
“P-pasensiya ka na. Pero hindi kasi mawala sa isip ko kung ano ang laman nito. Noong nakaraang mga kaarawan mo ay nakita ko ding binabasa mo ito. Gusto ko sanang malaman kung ano ang laman,” saad ni Cristie.
“Mahal mo pa ba siya?” dagdag pa ng ginang.
“Sinong siya? Anong ibig mong sabihin?” pagtataka ni Tristan.
“Ang dati mong nobya. Mahal mo pa ba siya? Hindi ba ay sa kaniya galing itong liham na ito?” tugon ng misis niya.
Napangisi na lamang si Tristan.
“Hindi sulat pag-ibig ‘yan ng dati kong kasintahan. At kung tinatanong mo kung mahal ko pa siya ay hindi na. Ikaw na ang buhay ko. Ikaw ang mahal ko kaya nga ikaw ang pinakasalan ko,” saad ng ginoo.
“Kung gayon ay ano ang laman nitong sulat?” pagtataka ni Cristie.
Binigyan ng pahintulot ni Tristan ang asawa upang basahin ang liham. Doon ay ikinagulat ni Cristie na sulat kamay ito ng asawa. Nang kaniyang matapos basahin ayhindi niya akalain ang laman nito.
“Oo, Cristie. Sulat ko ‘yan. Sulat ng pamamaalam noong panahong gusto ko nang tapusin sana ang buhay ko dahil sa sobrang kalungkutan dahil sa panlolokong ginawa sa akin ng dati kong nobya. Ang akala ko noon ay wala nang silbi ang buhay ko kaya nais ko na itong wakasan. Para mawakasan ko na rin ang sakit na nararamdaman ko dito sa dibdib ko.
Mabuti na lamang ay nakita ako kaagad ng aking ama at nadala ako sa ospital. Marahil kung hindi naagapan ay wala na ako ngayon sa mundong ito at hindi ko nakilala ang isang babaeng katulad mo na bumago ng lahat ng pananaw ko tungkol sa pagmamahal,” wika ni Tristan.
“Lagi kong binabasa ang sulat na iyan sa araw ng aking kapanganakan para magsilbing alaala sa akin kung gaano kasaya ang mabuhay. Kung gaano ko dapat ipagpasalamat ang bawat hangin sa katawan ko at sa bawat umaga na ako ay nagigising. Lalo pa na ang isang kagaya mo ang aking masisilayan. Maraming salamat sa Diyos at ikaw ang ibinigay Niya sa akin,” dagdag pa ni Tristan.
Ngayon lamang nalaman ni Cristie ang lahat ng ito kaya lubusan niya itong ikinagulat. Ngunit ang akala niyang matutuklasan niyang pagtataksil ng asawa ay naging susi pa upang lalo niyang mahalin ang mister ng buong-buo — mula sa nakaraan nito hanggang sa kung sino na ito ngayon.

