Inday TrendingInday Trending
Kakila-kilabot ang mga Hikbi mula sa Basement; Ngunit mas Nakakatakot pa sa Multo ang Natuklasan Niya

Kakila-kilabot ang mga Hikbi mula sa Basement; Ngunit mas Nakakatakot pa sa Multo ang Natuklasan Niya

Pagod ngunit masayang inilibot ni Sammy ang paningin sa kaniyang bagong apartment. Katatapos niya lamang mag-ayos ng mga gamit.

Tamang-tama ang laki nito para sa kaniya. May maluwag itong sala na maari niyang pagdausan ng maliit na party sa tuwing may okasyon, may maliit na kusina, may dalawang silid – ang master’s bedroom at ang silid na magsisilbing opisina niya sa bahay.

Sa susunod na linggo kasi ay magsisimula na siyang mag-opisina sa bahay.

Mainam din na nakakuha siya ng landlord na madaling kausap. May pagka-seryoso lamang ito ngunit agad silang nagkasundo dahil ibinigay nito ang apartment sa presyo na abot ng kaniyang budget.

Higit sa lahat, gwapo ang kaniyang landlord na si Leonard. May nadama siyang mumunting kilig nang maalala ang suplado ngunit gwapo nitong mukha.

“Home sweet home!” Maligayang sigaw niya bago sumalampak sa kaniyang bagong bagong sofa.

Dahil sa pagod ay hindi niya namalayan na nakaidlip pala siya habang nakasadlak sa kaniyang sofa.

Ginulantang na lamang siya ng pagtunog ng kaniyang cellphone. Pupungas pungas na tiningnan niya kung sino ang tumatawag.

Nang makita ang pangalan ng kaniyang ina ay dali-dali niya itong sinagot.

“Hello, mama?” bungad niya rito.

“Sammy, anak! Kumusta ang bagong apartment mo?” agarang usisa ng kaniyang ina.

“Okay naman po, mama. Maganda ang bahay. I-invite ko kayo rito sa susunod na linggo para makita niyo rin. Pero maluwag siya at maganda,” pagbabalita niya sa ina.

“Sige, anak, ‘wag mo kalimutan i-lock ang lahat ng pinto at bintana. Magdasal ka bago matulog,” paalala ng kaniyang ina.

Matapos ang saglit pa nilang kumustahan ay nagpaalam na rin ang kaniyang ina.

Napasulyap si Sammy sa orasan sa dingding nang maramdam niya ang pagkalam ng kaniyang sikmura.

“Alas dose na pala, kaya pala gutom na gutom ang pakiramdam ko,” bulong ni Sammy bago tinungo ang kaniyang kusina upang mangalkal ng makakain.

Matapos kumain ay nagpasya siyang maligo nang makapagpahinga na.

Habang naliligo si Sammy ay bumuhos ang malakas na ulan.

Kasalukuyan niyang ninanamnam ang buhos ng maligamgam na tubig nang isang kakat’wang ingay ang kaniyang narinig.

Tila tunog iyon ng isang taong umiiyak. Kumunot ang noo ni Sammy. Sino naman kaya ang umiiyak ng ganoong oras?

Dahil malakas ang buhos ng ulan ay hindi sigurado si Sammy sa narinig. Kaya naman pinatay niya ang tubig upang siguruhin ang narinig.

Hindi niya na muli pang narinig ang kakatwang ingay.

“Baka guni-guni ko lang ‘yun,” kibit balikat ng dalaga at pinalis ang nadamang takot bago tinapos ang paliligo.

Kinaumagahan, maaga pa lamang ay abala na si Sammy sa pagluluto. Nais niya kasing kilalanin ang kaniyang mga bagong landlord.

Kinakabahang kinatok niya ang pinto ng kaniyang landlord na si Leonard. Bahagya niya pang hinawi ang kaniyang buhok upang masiguro na maganda ang itsura niya.

“May problema ba?” bungad ng lalaki.

“A-ah, e-eh, wala naman. Nagluto kasi ako ng adobo, gusto ko lang i-share sa iba?” natatarantang sagot ni Sammy.

Mukhang nakahinga nang maluwag ang lalaki.

“Wala ka namang problema sa nilipatan mong unit?” May bahagyang ngiti sa mukha ng lalaki nang muli itong magsalita. Inabot nito ang inilahad niyang mangkok ng ulam.

“Naku, wala naman,” agad na sagot ni Sammy.

Naalala niya ang kakatwang ingay na narinig nung nakaraang gabi kaya naman minabuti niyang mag-usisa.

“Wala namang ghost story sa nilipatang kong unit, hindi ba?” alanganing tanong niya sa lalaki.

Natawa ang lalaki. “Wala, bakit mo naman natanong?”

“Ah, wala naman. Parang may narinig lang kasi akong umiiyak kagabi, pero baka guni-guni ko lang din iyon.” Nakahinga nang maluwag si Sammy.

“Naku, malamang nga, o ‘di kaya ay yung anak nung nakatira sa taas ng unit mo,” nakangiting sagot ng lalaki.

Nais sana idugtong ni Sammy na hindi tunog ng bata ang iyak ngunit ipinagsawalang bahala niya na lang iyon.

Paalis na si Sammy nang muling magsalita ang lalaki.

“Siya nga pala, kung matatakutin ka, ‘wag na wag ka pupunta sa basement, ha!” pahabol nito.

Napahinto si Sammy. Agad na nahintakutan dahil malapit sa kaniyang unit ang basement. “Bakit naman?”

“Basta,” tipid na sagot ng lalaki.

Nang makita niyang may mapaglarong ngiti sa mukha ng lalaki ay noon niya napagtanto na nagbibiro lamang ito.

Humalakhak ito nang malakas.

“Nakakainis ka, Leonard!” wika ni Sammy bago tuluyang naglakad palayo.

“Sorry! At salamat sa adobo!” narinig niya pang sigaw ng lalaki.

Kinikilig na pinigil ni Sammy na mapangiti.

Nang gabing iyon, kasalukuyan siyang nagkakape habang nanonood ng TV nang muling marinig ang pamilyar na iyak.

Agad niyang pinat*y ang TV. Ngunit kagaya nang naunang karanasan niya, hindi na niya muli pang narinig ang iyak.

Ngunit nang mga oras na iyon, sigurado na si Sammy na mayroon nga siyang naririnig na kakaiba.

Naalala niya ang sinabi ng lalaki ukol sa basement. Hindi kaya totoo na may katatakutan doon at ayaw lang ng lalaki sabihin ang totoo?

Nakatulugan na ni Sammy ang pagmumuni-muni.

Nagising siya nang maramdaman ang lamig na bumabalot sa kaniyang bahay. Umuulan na naman pala ng malakas at bukas ang kaniyang bintana.

Nang maisara ang bintana, naglakad siya papasok sa kaniyang kwarto.

Napahinto siya sa paghakbang nang may marinig na mahinang tinig.

“Tulong, tulungan niyo ako!”

Nanginginig si Sammy sa takot at lamig ngunit desidido siyang tuklasin ang misteryo.

Iginiya siya ng mahinang tinig sa isang lugar na kinatatakutan niya: ang basement.

Kumabog ang kaniyang dibdib nang matuklasang hindi naka-lock ang pinto. Gamit ang kaniyang cellphone bilang flashlight ay dahan-dahan siyang pumasok sa masikip na basement.

Sinalubong siya ng masangsang na amoy.

Inikot niya ang tingin sa masikip na silid ngunit wala siyang nakita.

Akmang lalabas na siya ng basement nang isang may humawak sa kaniyang binti.

Napasigaw siya sa takot nang isang sugatan at maruming kamay ang makita niya.

“‘Tulungan mo ako…” umiyak na wika nito. “‘Wag kang matakot sa akin hindi ako masamang tao.”

Nanlalaki ang matang minasdan niya ang babae. Kalunos-lunos ang kalagayan nito. Marumi ito, mabaho, habang halos kalansay na ito sa payat.

Mas lalo siyang nagimbal nang makitang naka-kadena ang paa nito na parang isang hayop.

“Si Leonard, masama siyang tao! Kailangan natin makatakas dito bago ka pa madamay!” takot na takot na wika ng babae habang patuloy ito sa pagtangis.

Bagaman nanginginig sa takot, agad itinawag ni Sammy sa pulis ang natuklasan upang humingi ng saklolo.

Agad na rumesponde ang kapulisan at ni-rescue ang babae sa basement.

Marahil ay hindi inaasahan ni Leonard na matutuklasan ni Sammy ang lihim nito kaya naman wala itong kawala nang arestuhin ito ng mga pulis.

Napag-alaman ng pulis na ang babae ay asawa pala ni Leonard na naitalang nawawala.

Pinalabas ni Leonard na sumama sa ibang lalaki ang asawa nito bago ito ikinulong sa basement habang pinoproseso nito ang paglilipat ng lahat ng ari-arian ng babae sa sarili nitong pangalan.

Gimbal na gimbal ang mga pulis sa natuklasan.

Malaki naman ang pasasalamat ni Kris, ang asawa ni Leonard, kay Sammy na siyang nakatuklas dito.

Mabuti na lamang at hindi pinanaig ni Sammy ang takot. Kung hindi ay baka tuluyan nang nanaig ang kasamaan ni Leonard, na nagtatago sa gwapo nitong panlabas na anyo.

Sa pakiusap na rin ni Kris bilang pagtanaw ng utang na loob ay nanatili si Sammy sa apartment na iyon.

Mas naging masaya at mapayapa ang buhay niya sa apartment dahil wala na ang kakila-kilabot na mga hikbi mula sa basement.

Advertisement