Inday TrendingInday Trending
Pinagbubuhatan ng Kamay ng Isang Ginang ang Mister Niyang Walang Trabaho, Kumirot ang Puso Niya nang Maabutan Itong Umiiyak

Pinagbubuhatan ng Kamay ng Isang Ginang ang Mister Niyang Walang Trabaho, Kumirot ang Puso Niya nang Maabutan Itong Umiiyak

“Aba, talaga nga naman! Ang sarap-sarap talaga ng buhay mo, Romeo, ano? Habang ako nagkakandakuba-kuba sa trabaho, ikaw, nakahila’t nanunuod lang ng telebisyon!” bulyaw ni Tonette sa kaniyang asawa saka niya ito pinaghahampas ng kaniyang bag dahilan upang bigla itong mapabalikwas.

“A-aray ko, mahal! Kakatapos ko lang kasi magkusot ng uniporme ng mga bata, medyo sumakit ang likod ko, eh, inihiga ko muna! Masakit, tama na!” daing nito habang sinasangga ang lahat ng kaniyang mga hampas.

“Nagrereklamo ka pa? Ayan na nga lang ang gagawin mo sa buhay mo! Eh, kung ikaw naghahanap ng trabaho, e ‘di sana hindi ka nagkukusot ng damit!” sumbat niya rito dahilan upang mapatungo ito.

“Hindi naman ako nagrereklamo, mahal, sinasabi ko lang sa’yo ‘yong ginawa ko kaya nadatnan mo akong nakahiga. Saka, naghahanap naman ako ng trabaho, eh, wala lang talaga akong makitang pwedeng pasukan,” nakatungong tugon nito ngunit imbis na maawa, hinampas niya pa ulit ito ng bag sa braso.

“Ewan ko sa’yo! Hirap na hirap na ako sa buhay na mayroon ako sa’yo! Sana talaga, hindi na ako nagpakasal sa’yo!” sigaw niya rito saka siya agad na nagtungo sa kanilang silid.

Karamihan sa mga babaeng may pamilya na, nanatili lang sa bahay habang ang asawa nila’y nagtatrabaho, sila ang tagapag-alaga sa kanilang mga anak at gumagawa ng gawaing bahay. Ito rin ang nais ng ginang na si Tonette kaya naman ganoon na lang ang sama ng loob niya sitwasyon mayroon sa kanilang pamilya.

Siya kasi ang nagbabanat ng buto para may makain ang kanilang buong pamilya, habang asawa niya ang nag-aalaga’t gumagawa ng mga gawaing bahay. Wala naman talaga itong problema sa kaniya noon, ngunit nang mapansin niyang parang naaagrabyado na siya dahil sa pagod na nararamdaman niya araw-araw, doon na niya sinimulang bungangaan, sumbatan at pagbuhatan ng kamay ang asawa niya.

Madalas niya pang naaabutan itong nagpapahinga tuwing uuwi siya galing trabaho dahilan upang laging mag-init ang ulo niya rito.

Wala naman itong magawa kung hindi ang intindihin at sanggain na lang lahat ng masasakit na salita’t aksyong ginagawa niya.

Kinabukasan no’ng araw na ‘yon, nakaramdam siya nang matinding pananakit ng ulo dahilan upang makiusap siya sa kaniyang amo na kung pwede’y magpahinga muna siya. Sa kabutihang palad naman, agad siya nitong pinayagan at hinatid pa siya sa kanilang bahay.

Papasok na sana siya ng kanilang bahay nang marinig niyang may umiiyak sa kanilang bakuran dahilan upang dahan-dahan niya itong silipin.

Nakita niyang tumutulo ang luha ng kaniyang asawa habang ito’y nagkukusot muli ng mga pinaghubarang uniporme ng kanilang mga anak. Narinig niya pang sumigaw ang kanilang anak at naghahanap ng pagkain. Agad itong nagpunas ng kamay saka nagluto ng pagkain ng kanilang mga anak. Kitang-kita niya ang pagod sa mukha ng kaniyang asawa habang pilit itong ngumingiti sa kanilang mga anak.

Paglipas ng ilang minuto, muli itong humarap sa labahin at nagsimula na namang humikbi.

“Kung nakapagtapos lang sana ako, e ‘di sana, hindi kami nahihirapan ng asawa ko ngayon. E ‘di sana, hindi siya napapagod nang sobra sa pagsisilbi sa iba,” hikbi nito dahilan upang siya’y mapatakip na lang ng bibig dahil nagsimula nang tumulo ang kaniyang luha.

Doon niya napagtantong parehas lang sila nang hirap na nararanasan. Parehas silang pagod at malungkot, ang pinagkaibahan lang nila, kinikimkim ng kaniyang asawa ang lahat habang siya, inilalabas niya lahat sa pamamagitan nang pagbubunganga’t pananakit dito. “Bakit hindi ko naisip na ganoon ko natatapakan ang pagkalalaki ng asawa ko sa lahat ng mga ginagawa kong pananakit?”

Kaya naman nang makontrol niya na ang kaniyang emosyon, agad siyang lumabas sa halamang pinagtataguan niya.

“Nakakaiyak ba ang paglalaba? Ako na nga d’yan!” biro niya sa asawa saka niya ito tinabig dahilan upang bigla itong mapapunas sa mga luha. Biniro niya ito nang biniro dahilan upang ito’y tumawa na rin hindi kalaunan at dahil sa sayang naramdaman, nawala ang kaniyang dinadamdam.

Simula noong araw na ‘yon, muli nang nirespeto ni Tonette ang kaniyang asawa. Siya man ang kumakayod para sa kanilang buong pamilya, hindi na niya ito alintana, dahil ngayon, naiintindihan na niyang napapagod din ito, nasasaktan at nalulungkot katulad niya.

Nagdesisyon din siyang yayaing magkape ang asawa kinabukasan habang ang kanilang mga anak ay nasa eskwela upang bahagyang makabawi rito.

Bukod pa doon, itinatak na niya sa isipan na hindi rin ito ang nais ng kaniyang asawa para sa kanilang pamilya dahilan upang lalo siyang magsumikap sa buhay.

Advertisement