Inday TrendingInday Trending
Iniwan ng Isang Dalaga ang Kaniyang Kasintahan Dahil Ito’y Uto-Uto, Nagulat Siya nang Muling Magkrus ang Kanilang Landas

Iniwan ng Isang Dalaga ang Kaniyang Kasintahan Dahil Ito’y Uto-Uto, Nagulat Siya nang Muling Magkrus ang Kanilang Landas

“Kailan mo ba gagamitin ang utak mo, Gino? Palagi na lang tayong nababaon sa utang dahil sa bilis mong mauto!” bulyaw ni Vien sa kaniyang kinakasama, isang araw nang umuwi itong lugmok na lugmok dahil naisahan na naman ng mga kawatan sa Baclaran.

“Pa-pasensiya na, mahal, sabi kasi sa akin, kapag nagbigay ako ng pera, lalago raw ‘yon, eh, gustong-gusto ko kasing mabilhan ka ng selpon, eh,” nakatungong tugon nito saka pilit na inaabot ang kaniyang kamay na agad naman niyang iniiwas.

“Lagi ka na lang may dahilan! Tingin mo ba gusgustuhin ko pang mapangasawa ka kung ganyan ka mag-isip?” sambit niya rito.

“Pangako, susubukan ko na ang lahat nang makakaya ko para hindi maloko sa susunod,” pangako nito sa kaniya ngunit imbis na kumalma, lalo pa siyang nagalit.

“Pang-ilang beses mo nang sinasabi ‘yan sa akin, Gino! At hanggang ngayon, naloloko ka pa rin! Kahit nga batang pulubi, naloloko ka! Gano’n ka ba talaga kat*nga, ha?” sigaw niya rito dahilan upang bahagya na itong umiyak, “Alam mo, hindi ko na kaya ‘to, maghiwalay na tayo!” wika niya pa saka agad na umalis sa tinutuluyan nilang bahay dahilan upang habulin siya ng naturang binata. Ngunit tila buo na ang loob niya dahil kada hihilahin siya pabalik ng kinakasama, sinisigaw niya ang lahat ng baho nito dahilan upang labis nitong mapahiya sa kanilang buong barangay at hayaan na lang siyang umalis.

Maagang nagdesisyong tumira sa iisang bahay ang dalagang si Vien at ang kaniyang limang taong nobyo. Noong una nama’y masaya siyang nabubuhay nang simple at payak kasama ang lalaking pinakamamahal niya. Ngunit nang unti-unti silang mabaon sa utang dahil sa pagiging uto-uto nito, doon na siya nagsimulang manlamig dito.

Natutuwa naman talaga siya noong una sa ugaling ito ng kaniyang kinakasama. Sa katunayan pa nga, ito ang naging dahilan upang mahulog siya rito noong sila’y nasa kolehiyo pa lang, para kasi sa kaniya, “cute” itong tingnan sa tuwing bibiruin niya ito’t agad na maniniwala sa kaniya.

Ngunit nang sila’y tumapak na sa mundo ng pagtatrabaho, ito ang naging maigting niyang sakit sa ulo dahilan upang halos araw-araw, bungangaan niya ito’t ipahiya sa kanilang buong barangay. May pagkakataon pa ngang nagtungo pa siya sa restawrang pinagtatrababuhan nito upang ipamukha kung gaano ito kauto-uto sa pagbili ng pambatang motor na sabi ng batang pulubi, may lamang ginto sa loob. Ito ang naging dahilan upang paulanan nang katatawanan ang kaniyang nobyo’t hindi kalaunan, umalis na sa trabahong iyon.

Simula noong araw na ‘yon, hindi na siya muling nagpakita sa naturang lalaki. Pinadalhan niya lang ito nang mensahe na sila’y talagang hiwalay na saka na siya nagsimula ng panibago niyang buhay.

Labis naman siyang natuwa dahil simula nang bitawan niya ang naturang lalaki, gumaan na ang buhay niya. Hindi na siya mabilis na naiinis at bukod pa roon, may sarili pa siyang ipon.

Ngunit paglipas ng isang taon, muling nagkrus ang kanilang landas nang minsan siyang maimbitahan sa isang pagdiriwang ng kumpanyang kaniyang pinapasukan.

Ipinakilala roon ang kaniyang dating kasintahan bilang isa sa mga pinakamatataas na tao sa kanilang kumpanya dahilan upang labis siyang magtaka.

“Pa-paanong…” hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil bigla nang umakyat sa entablado ang binatang halos hindi niya nakilala dahil sa ayos ng pananamit at itsura nito, malayong-malayo sa lalaking kaniyang iniwan noon.

Doon ibinahagi ng naturang binata ang imbensyong ginawa nito sa loob ng walong taon na nagbigay ngayon dito nang labis na karangyaan sa buhay na talaga nga namang labis niyang ikinagulat.

“Sayang nga, eh, dapat tatlong taon ko lang itong gagawin, kaso dahil sa lahat ng mga pangmamaliit at pang-aalipustang naranasan ko, natagalan ako. Pero kahit ganoon pa man, ang importante’y naabot ko ang tagumpay na noon ko pa inaasam-asam,” sambit nito dahilan upang magpalakpakan lahat ng empleyadong nandoon.

Hindi siya makapaniwala sa lahat nang narinig, ang inaakala niyang mangmang na lalaki, isa pa lang henyo pagdating sa pag-iimbensyon.

Pagkatapos ng programa, nilapitan niya ito upang kamayan sa tagumpay na naabot kahit pa siya’y labis na nahihiya. Magiliw naman siyang kinamayan nito, ngunit bigla siyang nabato sa sinabi nito, “May ginto talaga sa pambatang motor na iyon, dahil doon nakabayad ako sa mga pagkakautang ko at matagumpay kong natapos ang imbensyon kong para sana sa’yo. Ngayon, imbis na ikaw ang kasama ko, ‘yong pulubing ‘yon ang katuwang ko,” saka siya nito iniwang halos hindi makagalaw sa kaniyang kinatatayuan.

Labis siyang nagsisisi matapos marinig lahat nang iyon. Nakokonsensya man siya’t nais na makipag-ayos sa naturang binata, hindi niya magawa dahil sa labis na pagkahiya sa kaniyang sarili.

Advertisement