Inday TrendingInday Trending
Sinaktan ng Binata ang Maigting niyang Kaaway, Umikot ang Mundo Niya Nang Mawala ang Pulso Nito

Sinaktan ng Binata ang Maigting niyang Kaaway, Umikot ang Mundo Niya Nang Mawala ang Pulso Nito

“Mga pare, may tatlong mahihinang nilalang na naman ang gustong sumali sa grupo natin at ang pagkakaalam ko, ang isa do’n ay ‘yong mayamang nang-agaw sa nobya mong mukhang pera na si Chantal!” patawa-tawang sambit ni Renz, isang araw nang magtungo siya sa bodegang tambayan nilang magtotropa.

“Te-teka, si Chris? ‘Yong basketball player sa kabilang unibersidad?” mabilis na tanong ni Brent.

“Oo, pare! Mukhang ito na ang pagkakataon mo para makaganti. Ano, ikaw na bahala do’n sa isang ‘yon?” tanong nito dahilan upang agad siyang mapasandal sa inuupuan at mapangisi.

“Walang problema,” tipid na sagot niya habang iniisip kung paano pahihirapan ang naturang binata.

“Gawin mo lahat nang pagpapahirap na nais mo, lagyan mo ng pasa sa buong katawan, basta ang mahalaga, lumabas ‘yon sa bodega natin na humihinga,” bilin nito sa kaniya.

“Akong bahala, ka’y tagal ko itong hinintay. O, paano, uuwi muna ako, ha? Naiwan ko ang baseball bat ko do’n, eh,” paalam niya.

“Alas siyete mamayang gabi sila pupunta rito, dumating ka sa oras, ha? Para sabay-sabay silang umiyak sa sakit,” sambit nito dahilan upang muli na naman siyang mapangisi saka niya mabilis na pinaharurot ang kaniyang motorsiklo.

Miyembro ng isang kilalang kapatiran ang binatang si Brent dahilan upang kahit siya’y nasa kolehiyo pa lang, hindi siya natatakot na gumawa nang hindi maganda. Palagi niyang iniisip na may mga taong handang umalalay at magtatanggol sa kaniya kapag dumating ang araw na siya’y magdudusa.

Ngunit ang tapang na mayroon siya ay bigla na lang bumalugtot nang siya’y iwan at ipagpalit ng pinakamamahal niyang kasintahan sa isang mayamang lalaki na nag-aaral sa karatig nilang unibersidad.

Naisin man niyang bugbugin ang naturang lalaking ipinalit sa kaniya, hindi niya magawa dahil pinagbantaan siya ng dating kasintahan. ‘Ika nito, “Malaman ko lang na inabangan niyo si Chris dahil sa pag-iwan ko sa’yo, rehas ang hihimasin ng buong grupo niyo!” dahilan upang kahit gigil na gigil na siya, labis siyang nagtimpi para sa kapakanan ng kanilang buong grupo.

Kaya naman nang malaman niyang nais sumali ng naturang lalaking ito sa kanilang grupo, siya’y biglang nabuhayan.

“Sa wakas, pagkatapos ng limang buwang pagtitimpi, mailalabas ko na ang galit ko. Siguro naman hindi kami makukulong dito, siya ang lumapit sa amin at hindi ito dahil sa mukhang perang babaeng ‘yon,” sambit niya sa sarili habang mabilis niyang pinapatakbo ang kaniyang motorsiklo.

Pagkauwing-pagkauwi niya, agad siyang naghubad ng kaniyang uniporme’t naligo. Pagkatapos no’n, saglit lang siyang kumain saka muli nang nagtungo sa kanilang tagpuan bitbit-bitbit ang antigo niyang baseball bat.

Pagkadating niya roon, nandoon na lahat ng kanilang mga kagrupo. Sinalubong siya nang palakpakan at hagalpakan ng mga ito dahilan upang siya’y mapailing na lang.

“Tol, ang pinakahihintay mong pagkakataon, dumating na!” sigaw ng isa nilang kagrupo dahilan upang sila’y maghiyawan.

Mayamaya pa, dumating na nga ang tatlong lalaking hinihintay nila. Agad siyang nanggigil nang makita ang lalaking minsang naging sanhi ng kalungkutan niya.

Wala na nga pinalagpas na minuto ang kaniyang mga kagrupo, agad na piniringan ng mga ito ang tatlong binata at ibinigay sa kaniya ang puntirya niyang lalaki.

Binuhos niya ang buong lakas at galit sa paghampas ng baseball bat sa katawan ng naturang lalaki. Humihiyaw ito sa sakit na labis na nakapagbigay sa kaniya ng saya.

“Kulang pa ito sa ginawa niyo sa akin ng babaeng ‘yon!” sigaw niya saka muling hinampas sa braso ang naturang lalaki ngunit bigla itong umiwas dahilan upang sa ulo niya ito matamaan. Nagsimula nang umagos ang dugo nito sa bato dahilan para labis silang mataranta lahat.

“Brent, sabi sa’yo palabasin mo ‘yang humihinga pa!” sigaw ng kanilang pinunong si Renz saka agad na tingnan ang pulso ng naturang binata.

Doon nila nalamang wala na itong pulso. Nagsimula nang maiyak ang kasama nitong dalawang lalaki dahilan upang kuhanin nila ang mga selpon nito upang huwag makapagsumbong. Ngunit bago pa nila maitapon sa basurahan ang selpon ng mga ito, isang magarang sasakyan na may kasamang patrol na ang dumating sa lugar na iyon dahilan upang magsitakbuhan silang lahat.

Sa kasamaang palad, sa kabilang lagusan pala’y may nag-aabang na rin na mga pulis dahilan upang lahat sila’y magkita-kita sa presinto.

Umaalingawngaw sa buong presinto ang hagulgol ng mga kaanak ng naturang binata. Pinagbabato’t pinagsusuntok siya ng mga ito dahilan upang wala siyang magawa kung hindi ang tumungo na lang.

At dahil sa yamang mayroon ang pamilya ng binatang iyon, siya’y napatungan nang mahabang taon ng pagkakakulong.

“Bakit ba kasi galit ang pinatili ko sa puso ko, Diyos ko patawarin mo ako sa kasalanan kong ‘to,” tanging hikbi niya nang siya’y tuluyan nang makulong.

Advertisement