Inday TrendingInday Trending
Hindi Nakuha ng Isang Binata ang Dalagang Hinahangaan dahil Siya’y Kapus-Palad, Makuha niya Kaya ito kapag Siya’y Matagumpay Na?

Hindi Nakuha ng Isang Binata ang Dalagang Hinahangaan dahil Siya’y Kapus-Palad, Makuha niya Kaya ito kapag Siya’y Matagumpay Na?

“Micha, saglit, bakit hindi mo ba ako magawang magustuhan? Ano bang kulang sa akin? Pangako, gagawin ko ang lahat ng gusto mo,” pagpupumilit ni Keann sa dalagang natitipuhan, isang araw nang minsan niya itong dalawin.

“Huwag ka nang makulit, ayoko nga sa’yo, eh. May iba akong gusto!” tugon nito habang pilit siyang pinapalabas ng bahay.

“Huwag mo lokohin ang sarili mo, Micha, alam kong wala kang ibang gusto. Ni wala ka ngang matipuhan sa mga nanliligaw sa’yo, eh. Sabihin mo na kung bakit…” hindi na niya natapos ang kaniyang sasabihin dahil agad na siyang sinagot nito.

“Gusto kita, Keann, pero mahirap ka lang kasi, eh, ni walang maayos na selpon o kahit sapatos man lang. Hindi ko makita ang sarili kong matiis ang buhay na mayroon ka,” diretsahan sambit nito dahilan upang bigla na lang siyang mapatungo.

“Ah, eh, ganoon ba,” tanging wika niya habang pinipigil ang kaniyang luha.

“Oo, ngayong alam mo na, ayos ka na? Gusto mo malaman, hindi ba? Pwede ka nang umuwi,” malamig pang ‘ika nito dahilan upang tuluyan na siyang lumabas ng bahay.

“Pa-pasensiya na, salamat sa inumin,” sambit niya saka mabilis niyang pinapatakbo ang bulok niyang bisikleta habang pigil-pigil ang mga luhang kanina pa nais tumulo.

Iyon ang una’t huling pag-amin ng binatang si Keann sa matalik niyang kaibigan na paulit-ulit na tumatakbo sa kaniyang isip. Hindi niya lubos akalaing kayang sabihin ‘yon ng mabait at magalang babaeng hinahangaan niya.

Buong akala niya, naiintindihan nito ang mahirap at gipit na sitwasyon ng kaniyang buhay. Hindi niya matanggap na tanging ang estado lang niya sa buhay ang pumipigil dito upang siya’y mahalin.

Kaya naman, ito ang ginawa niyang inspirasyon upang labis na magsumikap sa buhay. Pagkatapos na pagkatapos niyang magtapos sa hayskul, agad siyang nagtrabaho sa isang restawran upang makaipon ng pera pang bayad sa kaniyang matrikula sa kolehiyo.

‘Ika niya, “Hindi pwedeng habambuhay akong maghihirap, gagawin ko ang lahat para makuha ka, Micha,” dahilan upang kahit pangangalakal, kaniya na niyang pinasok tuwing mayroon siyang libreng oras.

Sinuportahan naman siya rito ng kaniyang mga magulang, wala mang mabigay na pera ang mga ito, natatanging suporta naman ang pinakita ng mga ito dahilan upang lalo siyang ganahang makipagbakbakan sa buhay. Naikwento niya ang kaniyang inspirasyon sa isa sa kaniyang mga katrabaho at hindi niya lubos akalain ang mga sumunod na nangyari.

Nakarating ito sa kanilang boss dahilan upang maawa ito sa kaniya’t pag-aralin siya sa isang sikat na unibersidad sa Maynila at doon na nga niya kinuha ang pangarap niyang kurso.

Ilang taon pa ang lumipas, matagumpay siyang nakapagtapos at naging isang ganap na piloto.

Nang siya’y makaipon na, muli siyang bumalik sa kanilang probinsya at doon niya muling hinanap ang dalagang sanhi ng lahat ng tagumpay na mayroon siya ngayon.

Tila umayon naman ang tadhana sa kaniya dahil agad niya itong nahanap at nabalitaan niya pang wala pa itong nobyo.

Naglakas loob ulit siyang dumalaw sa bahay nito at ganoon na lang ang saya niya nang salubungin siya nito nang isang mahigpit na yakap.

“Grabe, Keann, hindi kita nakilala!” masiglang sambit nito dahilan upang muli niya itong yakapin dahil sa sobrang sayang nararamdaman.

Wala na siyang sinayang na minuto at agad niyang binalita rito ang tagumpay na naabot niya. ‘Ika niya, “Hindi ka na mag-aalalang mahirap na buhay ang kakaharapin mo sa akin,” na ikinabigla nito dahilan upang umiwas ito ng tingin sa kaniya

“Keann, wala naman talagang problema sa’kin kung mahirap ka lang, sinabi ko lang ‘yon dati dahil gusto kong hanggang matalik na magkaibigan lang tayo. Gusto kong mapanatili ka sa tabi ko sa mahabang panahon at pakiramdam ko tanging pagkakaibigan lang ang magiging daan upang matupad ko ‘yon,” diretsahang sambit nito dahilan upang bahagyang tumigil ang kaniyang mundo, “Pasensiya ka na, Keann, kaibigan lang talaga,” dagdag pa nito na labis niyang ikinadurog.

Ngunit imbis na magmakaawa’t magalit sa dalaga, ngumiti lang siya’t tinanggap ang desisyon nito dahil nga, tunay niya itong minamahal.

“Hindi na rin masama, hindi ko man siya nakuha, nabigyan ko naman ng maganda at maalwang buhay ang pamilya ko. Siguro nga, mas makakabuting magkaibigan na lang kami,” buntong hininga niya nang siyang makauwi na habang pinagmamasdan niya ang buong bahay na naimpundar niya dahil sa sikap at tiyagang kaniyang pinuhunan.

Advertisement