Inday TrendingInday Trending
Nasilaw sa Sugal ang Lalaking ito, ang Pangyayaring iyon pala ang Makapagdadala sa Kaniyang Asawa sa Isang Trauma

Nasilaw sa Sugal ang Lalaking ito, ang Pangyayaring iyon pala ang Makapagdadala sa Kaniyang Asawa sa Isang Trauma

“O, pare, mukhang wala ka nang madudukot, ha? Gusto mo ba bigyan kita ng puhunan?” ‘ika ng isang hindi kilalang lalaki kay Denis dahilan upang siya’y agad na tumayo sa kaniyang kinauupuan, isang gabi nang makita nitong ubos na ang kaniyang chips sa sugal na nilalaro.

“Ah, eh, naku, huwag na, uuwi na rin ako, sigurado tapos na ang meeting ng asawa ko, naghihintay na ‘yon sa labas,” tugon niya habang inaayos ang kaniyang mga gamit, saka niya ibinigay ang kaniyang upuan sa naturang lalaki, buong akala niya kasi, ito’y maglalaro rin.

“Makakapaghintay naman ‘yon, pare, bawiin mo muna ang tinalo mo! Ito o, limang daang libong piso ‘yan, kung kulang pa, sabihin mo lang sa akin,” nakangiting sambit nito dahilan upang magdiwang ang kaniyang kaibigang sugalero.

“Sa bagay, kapag naman nainip na ‘yon, uuwi na ‘yon mag-isa. Sisiguraduhin ko na lang na mananalo ako para masaya siya pag-uwi ko,” sambit niya sa sarili, “Sige, akin na, pare, pangako, babayaran ko ito. Hindi na ako papayag na matalo ulit!” sambit niya saka agad na kinuha ang alok nito.

“Walang problema, pare! O, paano, kakain lang muna ako sa restawran sa taas, babalikan kita!” paaalam nito saka siya kinindatan.

“Oo sige, salamat!” sigaw niya saka muling humarap sa lamesa, “Kung sinuswerte nga naman talaga ako, o! Mantakin mo may estrangherong namuhunan sa akin! Humanda kayo ngayon!” sambit niya pa sa kaniyang mga kalaro saka muli nang umupo sa kaniyang pwesto kanina.

Simula nang mapadalas ang pagpupulong na dinadaluhan ng kaniyang asawa sa isang hotel, napadalas na rin ang pagsusugal ni Denis sa isang casino sa loob nito. Hinayaan naman siya ng kaniyang asawa upang hindi niya mamalayan ang oras habang siya’y nahihintay, madalas kasi, inaabot ang pagpupulong na dinadaluhan nito hanggang hatinggabi. Kaya naman imbis na mainip, nasisiyahan pa siya, lalo na kapag siya’y nananalo.

Natutuwa naman ang kaniyang asawa dahil kahit na siya’y nawiwili sa laro, hindi niya ito nakakalimutang hintayin sa labasan ng hotel at ihatid pauwi katulad ng kaniyang pangako. Ngunit, nitong mga nakaraang araw, madalas na niyang nakakaligtaan ang usapan nilang mag-asawa. Magugulat na lang siyang may mensahe na ito sa kaniya na nagsasabing ito’y nakauwi na.

Pinasawalang bahala niya lang ito dahil hindi naman nagagalit ang kaniyang asawa. Natutuwa pa nga ito kapag may uwi siyang panalong pera. Kaya naman sa tuwing mapapasarap ang paglalaro, palagi niyang pinipilit na manalo para kahit hindi niya ito nahatid pauwi, matutuwa pa rin ito pag-uwi niya.

Noong gabing iyon, bukod sa matagumpay niyang nabawi ang kaniyang puhunan sa unang pagkatalo, nanalo pa siya ng malaking halaga dahilan upang labis siyang matuwa. Agad niyang kinuha ang kaniyang selpon upang ibalita ito sa kaniyang asawa. Ngunit labis siyang nagtaka dahil ni isang mensahe, wala itong pinadala sa kaniya dahilan upang ganoon na lang siya kabahan.

“Naku, baka naghihintay pa rin ‘yon doon sa labas!” sambit niya saka siya kumaripas nang takbo.

Napatigil siya nang makitang may tumutulong dugo na sa loob ng kaniyang sasakyan. Kabadong-kabado niya itong binuksan at tumambad sa kaniya ang asawa niyang naghihingalo na’t walang saplot.

“Mahal ko!” sigaw niya, wala na siyang sinayang na minuto’t agad na niya itong tinakbo sa ospital.

Sa kabutihang palad, agad itong nalunasan. Humingi siya nang tulong sa mga katrabaho ng kaniyang asawa at ganoon na lang siya nanlumo nang malaman niyang ang nasa likod pala nang pangyayaring ito ay ang lalaking nagbigay sa kaniya ng malaking halaga.

Isa pala itong masugid na manliligaw ng kaniyang asawa noon. Napansin pala nitong palagi itong naghihintay sa labas ng hotel dahilan upang abangan ito’t pagsamantalahan nang ito’y magpasiyang sumakay sa kanilang sasakyan.

Labis siyang nagsisisi kung bakit niya tinanggap ang alok ng lalaking iyon. ‘Ika niya, “Kung hindi ako nasilaw sa pera, e ‘di sana hindi ito nangyari sa asawa ko. Masyado akong nagpabaya’t nakampanteng makakauwi siya nang ligtas mag-isa!” saka siya nagdesisyong ipahanap ang lalaking iyon.

Kasabay ng pagdakip sa naturang lalaki, muli nang nagkamalay ang kaniyang asawa. Ngunit ito’y nagkaroon ng trauma pati siya, kinakatakutan nito.

Hindi niya man alam kung saan magsisimula, ang mahalaga sa kaniya ngayo’y buhay ang kaniyang asawa. Labis na galit man ang nararamdaman niya, nangako siya sa sariling hindi na muling ipapagpalit ang kaligtasan ng asawa para sa pera.

Advertisement