
Ginawang Pang-Blackmail ng Binatang ito ang Litratong Mayroon siya Laban sa Katrabaho; Ito pala ang Makapagbibigay sa Kaniya ng Delubyo
“Hoy, Toni, noong isang linggo pa ang sweldo, ha? Bakit hanggang ngayon, wala ka pang inaabot sa akin?” sambit ni Sam, isang araw matapos niyang harangin ang katrabahong ilang araw nang hindi nagpapakita sa kaniya.
“Pasensiya ka na, pare, nanganak na ang misis ko, eh, pinangbayad ko ‘yong buong sweldo ko sa ospital. Pangako, sa susunod na sweldo, dodoblehin ko ang bigay ko sa’yo,” daing nito habang kamot-kamot ang ulo.
“Naku, parang hindi ka naman natatakot sa kaya kong gawin, ha? Gusto mo bang ilabas ko ang ipakatinatago kong litrato mo?” panakot niya rito saka niya tiningnan ang litrato nitong kinuhanan niya tatlong buwan na ang nakalilipas.
“Huwag, parang-awa mo na, ayokong mawalan ng trabaho! Sige, bukas ibibigay ko sa’yo ang gusto mo, basta mangako kang hindi mo ‘yan ikakalat,” tugon nito habang lilinga-linga sa kanilang paligid, sinisigurado nitong walang nakakakita’t nakaririnig sa kanilang usapan.
“Lagi naman akong tumutupad sa usapan, eh. O, paano, kita tayo bukas? Tapos na ang duty ko, eh, sayang hindi na tayo makakapagkwentuhan. Bukas, ha? Kapag wala kang maibigay, magpaalam ka na sa opisinang ‘to,” panakot niya pa habang tinapik-tapik ang balikat ng katrabaho saka niya ito kinindatan.
Bata pa lang, kilala na sa pagiging barumbado ang ngayo’y binata na, na si Sam. Kahit kaniyang mga magulang, hindi mawari kung kanino ba siya nagmana. Sa katunayan nga, suki na siya sa guidance office ng mga eskwelahang pinasukan niya noon, at sa kanilang barangay dahil sa dalas niyang paggawa ng mga kalokohan.
Ngunit kahit pa siya’y may ugaling gano’n, matagumpay pa rin siyang nakakuha ng magandang trabaho sa Maynila na talaga nga namang ikinagulat ng kaniyang mga magulang. Paliwanag niya sa mga ito, “Siyempre nagpakaplastik ako sa interbyu, hindi talaga ako makakakuha ng magandang trabaho kung ipapakita ko agad ang katarantad*han ko,” dahilan upang mapakamot na lang ng ulo ang mga ito.
“Ngayong nasa trabaho ka na, magpakatino ka na, Sam. Baka magulat na lang kami, sa kulungan na ang punta namin ng nanay mo,” paalala sa kaniya no’n ng kaniyang ama ngunit ipinasawalang bahala niya ito’t nagpatuloy pa rin sa paggawa nang kalokohan.
Tatlong buwan na ang nakalipas simula nang utusan niyang magpuslit ng bagong laptop ang katrabaho niya. Kinuhanan niya ito litrato at ginamit ito upang makahuthot ng pera sa naturang katrabaho. Kahit pa binalik naman nito ang naturang laptop, labis pa rin itong natatakot dahil sa boss nilang istrikta at agad na nagtatanggal ng empleyado.
Kinabukasan, matapos niyang takutin ang katrabaho, imbis na pera ang dumampi sa kaniyang mga palad, selpon ng kanilang boss ang sumalubong sa kaniya.
“Panuorin mo lahat ‘yan, Sam. Tinanggap kita sa trabaho dahil akala ko magbabago ka sa trabaho. Hindi ako t*nga para hindi ko mahalatang nagpapakaplastik ka lang no’ng interbyu namin sa’yo. Pero, mukhang wala ka na talagang pag-asa. Ibalik mo lahat ng perang kinuha mo kay Toni ngayon kung ayaw mong sa presinto tayo mag-usap,” dire-diretsong sambit ng kanilang boss dahilan upang bigla siyang mataranta.
“Ah, eh, hindi po ako ‘yan, madam, hindi ko po magagawa ‘yan,” uutal-utal niyang pagtanggi dahilan upang lalong mag-init ang ulo ng kaniyang boss at hampasin nang malakas ang lamesang nasa kanilang gilid.
Napatungo na lang siya’t napasabing, “Saglit lang po, kakausapin ko lang po ang mga magulang ko. Nagastos ko na po kasi ang perang bigay ni Toni. Pasensiya na po kayo,” saka niya agad na tinawagan ang kaniyang mga magulang habang pilit na ikinakalma ang sarili. Nais niyang bugbugin ang naturang katrabaho ngunit naisip niyang lalo lang lalala ang sitwasyon kung gagawin niya ‘yon dahilan upang magmakaawa siya sa kaniyang mga magulang na humanap ng pera.
Matagumpay man siyang nakapagbigay ng pera rito, wala naman na siyang trabaho’t ipon ngayon. Ganoon na lang ang galit ng kaniyang ama dahilan upang palayasin siya nito sa kanilang bahay. ‘Ika pa nito, “Kaya hindi ka nagtitino dahil alam mong kahit anong gawin mo, gagawin naman ang lahat upang maidiretso ang gusot na ginawa mo, ngayon, bahala ka na sa buhay mo! Mas matutuwa ako kung makukulong ka na lang para matuto ka sa buhay!”
Hindi niya alam kung saan makikitulog noong mga panahong iyon dahil nga siya’y wala kahit isang kaibigan. Pinalipas niya ang gabi sa lansangan kasa-kasama ang mga pulubing dati’y dinuduruan at iniinggit niya ng mga pagkain.
Mangiyakngiyak siyang nanalanging sana magising na siya sa delubyong nararansanan niya ngayon.