Inday TrendingInday Trending
Kahit pa Mayaman ang Lalaking ito, Palagi pa rin Siyang Tinataboy ng Dalagang Hinahangaan; Makuha niya Kaya ang Kiliti Nito?

Kahit pa Mayaman ang Lalaking ito, Palagi pa rin Siyang Tinataboy ng Dalagang Hinahangaan; Makuha niya Kaya ang Kiliti Nito?

“Joy, ano pa bang kulang sa akin? Mayaman naman ako, may itsura, at may magandang trabaho’t negosyo, bakit ayaw mo pa rin sa akin?” seryosong tanong ni Jake sa babaeng nais ligawan, isang araw nang dalawin niya ito sa bahay.

“Eh, ayoko sa’yo, eh,” tipid na sagot nito habang abala sa pagwawalis ng mga kalat sa bahay.

“Joy naman! Ilang mamahaling bag ba ang gusto mo? Ilang sapatos? Gusto mo ba ng bahay at lupa para sa pamilya mo? Sabihin mo lang, lahat ibibigay ko sa’yo,” sambit niya pa ngunit imbis na matuwa ang dalaga, lalo pang tumabang ang pakikitungo nito sa kaniya.

“Jake, ilang beses ko bang sasabihin sa’yo, hindi mo ako masisilaw sa yaman mo! Tingin mo ba natutuwa ako sa mga alok mo? Ano ang akala mo, gold digger ako?” galit na tugon nito na ikinagulat niya.

“Hindi naman sa ganoon, Joy, gusto ko lang…” hindi na niya natuloy ang sasabihin dahil hinila na siya nito palabas.

“Umalis ka na, ayoko nang makita ka. Hindi ko kailangan ng isang lalaking mayaman!” bulyaw nito saka padabog na isinara ang pintuan ng bahay.

“Diyos ko naman! Lahat naman kaya kong ibigay sa kaniya, ayaw niya pa sa akin? Makikita mo, ha!” buntong-hininga niya saka niya hinarurot ang magara niyang sasakyan.

Dahil nga laki sa yaman, buong akala ng binatang si Jake, lahat nang gustuhin niya, kaniyang makukuha sa tulong ng limpak-limpak niyang pera.

Ngunit tila nagbago ang takbo ng kaniyang mundo nang magkagusto siya sa isang waitress na nakilala niya sa paborito niyang restawran. Balingkinitan ang katawan nito’t nakabibighani ang kagandahan dahilan upang hindi na niya ito pakawalan at agad niyang bigyan nang sampung libong piso bilang tip sa una nilang pagkikita dahil sa maayos nitong pakikitungo sa kaniya.

Ayaw itong tanggapin ng naturang dalaga, ngunit nang senyasan ng kanilang manager, agad itong sumunod at ibinulsa ang malaking halaga ng pera.

Simula noon, lalong napadalas ang pagpunta niya roon. Minsan pa nga, hinihiling niyang saluhan siya ng dalaga sa pagkain na hindi kalaunan naging dahilan upang kainisan siya nito.

“Naiistorbo niyo na po ako sa pagtatrabaho, sir,” inis na sambit nito saka padabog na inilapag ang kaniyang mga order, napangisi lang siya’t sinabing, “Mahuhuli ko rin ang kiliti mo katulad ng mga babae ko dati.”

Ngunit kahit ano pang gawin niya, palagi pa rin siya nitong tinataboy. Kahit pa bigyan niya ito nang mamahaling mga gamit, nakikita niya lang ito sa mga katrabaho ng dalaga.

Nais man niyang tigilan na ito, hindi niya mawari kung bakit palagi niyang natatagpuan ang sarili sa harapan ng bahay nito’t nagmamakaawang siyang bigyan ng pagkakataong ipakita ang kaniyang pagmamahal.

“Nakakainis naman! Kayang-kaya ko naman maghanap ng ibang babae, bakit ba ayaw sumunod sa akin ng puso ko!” inis niyang sambit sa sarili isang araw habang tinatanaw niya mula sa loob ng sasakyan ang hinahangaan niyang dalagang abala sa pagtatrabaho.

Kitang-kita niya kung paano pakitunguhan ng dalaga ang mga simpleng taong kumakain doon, ibang iba sa pakikitungo nito sa kaniya ngayon. Kaya naman, gano’n niya naisipang lumipat sa katabing bahay ng dalaga at ipakita rito na kaya niya ring mamuhay nang simple’t payak.

Isinantabi niya lahat ng kaniyang yaman, at nagtiis sa init at sikip ng isang barung-barong. Upang mapansin ng dalaga, humihingi pa siya ng bahaw sa mga magulang nito. Noong una’y tinataboy pa rin siya ng dalaga ngunit nang malagay sa alanganin ang buhay ng mga magulang nito dahil sa isang aksidente sa dagat at hindi siya nagdalawang-isip na tumulong, unti-unti nang napalagay ang loob ng dalaga sa kaniya.

Hanggang sa hiningi na niya ang kamay ng dalaga sa mga magulang nito, at dahil nga sa pinakita niya ang mabuti niyang ugali, pumayag ang mga ito’t tinulungan pa siyang makuha nang tuluyan ang loob ni Joy.

At dahil wala nang nakikitang mali sa kaniya ang dalaga, limang buwan pa ang lumipas, sinagot na rin siya nito ngunit nagbigay ito ng isang kondisyon.

“Ayokong sisilawin mo ako at ang pamilya ko sa yamang mayroon ka. Oo, mahirap lang kami, pero hindi ako ang klase ng taong mamahalin ka dahil sa perang mayroon ka. Hayaan mo pa rin akong maabot ang sarili kong tagumpay, saka kita papakasalanan,” sambit nito dahilan upang labis niyang mapagtanto na mali talaga ang tingin niya sa babaeng ito no’ng una nilang pagkikita.

Advertisement