Inday TrendingInday Trending
Dahil nga Hindi pa Nagkakanobyo, Sumubok ng Isang Dating App ang Dalagang ito; Matagumpay kaya Siyang Makahanap ng Kasintahan dito?

Dahil nga Hindi pa Nagkakanobyo, Sumubok ng Isang Dating App ang Dalagang ito; Matagumpay kaya Siyang Makahanap ng Kasintahan dito?

“Naku naman! Bakit sa dinami-dami ng taong pwedeng makita, si Mark pa? Tingnan mo, kapag nakita ako niyan mamaliitin na naman ako! Hindi ako pwedeng mainis bago ako makipagkita sa baby boy ko!” inis na sambit ni Keana sa kaniyang sarili, isang araw nang makita niya sa mall ang lalaking labis niyang kinaiinisan. Upang hindi makita nito, itinago niya ang kaniyang mukha sa plastik na dala na pinaglalagyan ng ibibigay niya sa lalaking kikitain habang mabilis na naglakad.

“Hoy, Keana! Mukha ka na namang busabos! Alam ko bawal ang pulubi rito sa loob ng mall, eh!” sigaw nito sa kaniya nang makalampas siya sa lugar na kinatatayuan nito dahilan upang titigan niya ito nang masama.

“Ewan ko sa’yo, Mark! Huwag mo akong inisin ngayon, may date ako. Kailangan kong maging fresh ngayon!” tugon niya rito, bigla naman itong humagalpak nang tawa dahilan upang tumaas na ang dugo niya.

“Naku, kawawa naman ‘yong kikitain mo. Sigurado ako maduduwal-duwal ‘yon kapag kaharapan ka na sa lamesa, sana naman nagtoothbrush ka kahit limang kuskos lang!” sambit pa nito na lalo niyang ikinagalit.

“Sumusobra ka na namang unggoy ka!” sigaw niya saka niya sinutok-suntok ang binata’t pinagtatadyakan. Nang siya’y makaramdam na nang pawis, agad siyang tumigil at nagpunta sa banyo upang mag-retouch ng kaniyang make-up. Inis na inis man siya, pilit niyang pinigil ang sarili upang huwag siyang magmukhang basura kapag dumating na ang lalaking kikitain niya.

NBSB o No Boyfriend Since Birth ang dalagang si Keana. Nais man niyang magkaroon ng karelasyon, wala namang nais na manligaw sa kaniya dahilan upang mapatanong na lang siya sa sarili kung anong kulang o mali sa kaniya.

Bahagya niya namang natatagpuan ang sagot sa tanong niyang ‘yon sa tuwing makakasama niya ang kababatang ganoon na lang kung siya’y laitin. Madalas man siyang naiinis dito, unti-unti niyang napapagtanto na baka sadyang pangit lang siya’t walang dating kaya walang nagkakagusto sa kaniya.

Ngunit isang araw nakausap niya ang matalik niyang kaibigan tungkol sa kaniyang problema dahilan upang mapagtanto niyang wala naman talagang mali sa kaniya.

“Kung ako sa’yo, huwag mong intindihin ang sinasabi no’ng unggoy na ‘yon, sigurado ako kapag hindi ka na stress sa mga sinasabi niyang masasakit na biro, lilitaw ang kagandahan mo!” sambit nito sa kaniya saka siya niyakap, “Subukan mo rin itong Dating App na ito, sigurado makakatagpo ka d’yan nang makakusap para hindi ka laging lugmok na lugmok!” dagdag pa nito.

Sinubukan niya nga ang naturang “dating app” at tila nagdilang anghel nga ang kaniyang kaibigan dahil hindi lang makakausap ang kaniyang natagpuan, kung hindi isang lalaking gustong-gusto siyang makita’t makasama dahilan upang magpasiya silang magkita sa isang mall.

Noong araw na ‘yon, matapos niyang ayusin ang kaniyang sarili sa palikuran, agad siyang nakatanggap ng tawag sa lalaking kikitain.

“Nandito na ako sa Coffee Shop, may mga rosas sa lamesang inuupuan ko, para madali mo akong makita,” sambit nito dahilan upang siya’y labis na kiligin.

“Ako naman, may suot na puting bandana sa ulo, saglit lang, ha, nagbanyo lang ako,” tugon niya saka nagpaalam sa binata, agad niyang inilabas mula sa kaniyang bag ang bandana’t itinali ito sa kaniyang buhok.

Nagmadali na siyang nagpunta sa kanilang tagpuan ngunit bigla na namang kumunot ang noo niya nang makita na naman ang binatang kinaiinisan niya. Ngunit napansin niyang ito lang tanging lalaki sa naturang coffee shop, may mga rosas sa lamesang inuupan nito’t titig na titig sa suot niyang bandana.

“Hu-huwag mong sabihing…” hindi makapaniwalang sambit ni Mark. “Kung minamalas nga naman, o!” sabay nilang sambit dahilan upang mapatawa sila pareho.

Imbis na umuwing luhaan, minabuti ni Keana na saluhan pa rin sa pagkain ang naturang binata. Inis na inis man siya rito, sinabayan niya na lang ang pagiging maloko nito hanggang ang usapan nila’y napunta na sa kani-kanilang pamilya.

Labis siyang humanga sa naturang binata nang ikwento nito ang ginawang sakripisyo upang maipagtapos ng pag-aaral ang mga nakababatang kapatid.

Sa pag-uusap nilang iyon, napagtanto niyang ang lalaking nangmamaliit pala sa kaniya’t labis niyang kinaiinisan ay isang huwarang lalaki pala dahilan upang unti-unti siyang mahulog dito.

Nasundan pa nang nasundan ang pagkikita nilang ‘yon hanggang sila’y magpasiyang pumasok na sa isang seryosong relasyon na labis namang ikinatuwa ng kaniyang matalik na kaibigan. ‘Ika niya, “Mapaglaro talaga ang tadhana, ang makakapagpatibok pala sa puso ko’y nasa harapan ko lang.”

Advertisement