Dahil sa Ugaling Taglay, Hindi Nagpunta ang mga Katrabaho ng Isang Binata sa Kaniyang Kaarawan; Himala ang Sumunod na Nangyari

“Tingnan mo ‘tong si John, napakababoy! Nakakainis na! Palagi na lang iniiwan dito ang maruming uniporme niya! Tingnan mo, nanggigitata!” nanggagalaiting sigaw ni Ryke, isang araw nang matapakan sa kanilang locker room ang maruming uniporme ng katrabaho. 

“Ayusin mo na lang, Ryke, tropa naman natin ‘yon, eh. May emergency daw sa bahay nila, eh, kaya nagmamadaling umalis kanina,” sabat ng isa niyang katrabaho habang nagsusuot ng uniporme. 

“Ano ‘yon araw-araw may emergency sa kanila? Saka ano naman kung tropa natin ‘yon, eh, napakababoy na! May pagkakataon pa ngang kahit amoy putok ang uniporme niya, isisiksik niya pa sa locker ko!” galit niya pa ring tugon dahilan upang mapailing na lang ang iba niyang katrabahong nag-aayos ng sarili doon.

“Tama na ‘yan, ‘tol, pagpasensiyahan mo na lang,” awat ng isa pa niyang katrabaho saka pinulot ang maruming uniporme’t hinulog sa basket ng maruming damit. 

“Ano pa nga bang gagawin ko? Kung hindi lang bukas ang kaarawan ko, sasarguhin ko na ‘yan, eh,” pag-aangas niya pa saka padabog na isinara ang kaniyang locker, “Oo nga pala, asahan ko kayo bukas, ha? May salu-salo sa bahay, hintayin ko kayo!” nakangiting imbita niya sa mga ito na para bang hindi siya nagwala kanina, tumango-tango lang ang mga ito, bigla namang sumigaw ang kanilang manager dahilan upang mataranta silang lahat at agad na lumabas.

Nasa kolehiyo pa lang, kinaiinisan na ang binatang si Ryke dahilan upang kahit ni isa, walang lumapit at magtiwala sa kaniya. Sa katunayan nga, sa tuwing sila’y may group activity, siya ang palaging walang kasama.

Mabait naman kasi talaga siya noon dahilan upang dumami ang kaniyang mga kaibigan, kaya lang nang hindi na siya madalas na kausapin ng mga ito dahil nga sa maraming proyekto’t aktibidades na ginagawa sa paaralan, doon na siya nagsimulang maglabas nang masasamang tsismis sa mga ito. Inilabas niya ang baho ng kaniyang mga kaibigan dahilan upang lahat ng ito’y lumayo at kainisan siya.

‘Ika niya, “Ayos lang na iwasan niyo ako, aanhin ko ang mga kaibigang pangit na katulad niyo?” 

Advertisement

Nadala niya ang paniniwala niyang ‘yon hanggang siya’y makapagtapos ng kolehiyo dahilan upang mabahala na ang kaniyang mga magulang. Marami na kasing nagpapadala nang masasamang mensahe sa kanila na labis na ikinakatakot ng mga ito.

Sa kabutihang palad naman, tila nagbago siya nang makapagtrabaho na sa isang restawran sa Maynila. Doon, muli siyang nagkaroon ng kaibigan dahilan upang mapanatag na ang kaniyang mga magulang ngunit hindi nagtagal, lumabas na muli ang kaniyang ugali.

Nagsimula na siyang magbunganga sa mga katrabaho sa tuwing may hindi magandang napapansin. ‘Ika niya, “Hindi naman sila nagagalit sa akin, eh, ayos lang ‘yan!” 

Kinabukasan, matapos niyang magbunganga dahil sa isang maruming uniporme, maaga siyang nagising upang maghanda para sa salu-salong gagawin sa bahay nila upang ipagdiwang ang kaniyang kaarawan.

Ginawa niya ang lahat upang makapagluto nang masasarap na putahe sa tulong ng kaniyang ina. Malaki-laking pera ang inilabas niya para sa pagbili ng mga handa’t alak.

“Naku, siguradong magiging masaya ang kaarawan ko!” sambit niya nang matapos na silang magluto’t mag-ayos ng kaniyang ina.

Ngunit padadalhan niya pa lang sana ng mensahe ang kaniyang mga katrabaho, may mensahe na agad siyang natanggap mula sa mga ito na nagsasabing sila’y hindi makakapunta dahil sa iba’t ibang dahilan.

Ang saya’t pagkagalak na naramdaman niya kanina, napalitan ng lungkot at pigil na mga luha.

Advertisement

“Mama, tapon mo na lahat ‘yan, hindi sila dadating,” sabi niya sa kaniyang ina dahilan upang yakapin siya nito.

“Anak, matagal mo nang problema ang relasyon mo sa mga kaibigan mo, siguro mali talaga ang pakikitungo mo sa kanila. Imbis na magalit ka, sumigaw ka, magpakumbaba ka’t humingi ng tawad sa lahat nang nagawa mo sa kanila. Sigurado akong kapag ginawa mo ‘yon, at pinanatili mong maayos ang ugali mo, magtatagal sa’yo ‘yang mga kaibigan mo,” sambit nito saka siya hinalikan sa noo, doon na siya labis na napaluha. 

Ginawa niya nga ang sinabi ng kaniyang ina, humingi siya ng tawad sa mga ito’t nangakong makikitungo na nang ayos at tila ba isang himala dahil pagsapit ng gabi, biglang nagsipuntahan ang kaniyang mga katrabaho’t binigyan siya ng isang masayang kaarawan.

Mangiyakngiyak niyang pinagmasdan ang mga katrabahong sarap na sarap sa mga inihanda niyang pagkain. Doon na niya ipinangako sa sariling, “Simula sa kaarawan kong ‘to, magbabago na ako. Ang sarap palang magkaroon ng mga kaibigang ganito.”