Inday TrendingInday Trending
Hiniwalayan ng Lalaki ang Misis Dahil Natuklasan na Nanlalalaki Ito; Hindi Siya Makapaniwala Nang May Ibunyag Ito sa Kaniya

Hiniwalayan ng Lalaki ang Misis Dahil Natuklasan na Nanlalalaki Ito; Hindi Siya Makapaniwala Nang May Ibunyag Ito sa Kaniya

Dalawang taon na ang nakalilipas nang magkahiwalay ang mag-asawang Raffy at Elise. Hanggang sa kasalukuyan ay masakit pa rin kay Raffy ang mga nangyari lalo’t bumabalik sa kaniyang alaala ang mga panlolokong ginawa sa kaniya ng dating asawa.

Ibinunyag kasi noon sa kaniya ng inang si Marites ang panlalalaki ni Elise. Ipinadala sa kaniya ng ina ang mga larawan na may kahalikang ibang lalaki ang asawa sa labas ng pinagtatrabahuhan nitong opisina. Hindi lang iyon, ibinunyag din ng ina na kaya lang siya pinakasalan nito ay para ipaako sa kaniya ang itinatago nitong anak sa pagkadalaga. Nagkaroon ng hinala ang kaniyang ina sa babae kaya palihim itong pinaimbestigahan at totoo nga ang ginagawang pagloloko nito. Sa tindi ng galit ni Raffy kay Elise ay halos isumpa na niya ang babae at ayaw nang makita pa.

Nang makipaghiwalay siya sa asawa ay ilang beses itong nakiusap sa kaniya na pakinggan ito at nagsabing wala itong ginagawang masama ngunit hindi na niya iyon pinakinggan pa. Desidido na siya na kalimutan ang lahat at magsimula ng panibagong buhay.

Isang araw, pagdating niya sa isang restaurant kung saan nakipagkita siya sa katrabahong si Edmond para sa meeting nila sa bago nilang kliyente ay bigla siyang nagulat dahil hindi niya inasahan na muling makikita ang taong ayaw na niya sanang makita pa. Si Elise.

“Anong ginagawa niya rito?” inis niyang tanong sa kaibigang si Edmond.

“Naku, mabuti at dumating ka na, pare! Siya si Ms. Elise, ang bago nating kliyente. Malaking proyekto ang gagawin natin kasama siya. Sinabi ni boss na tayong dalawa ang makikipag-usap sa kaniya,” anito.

“Ano?!”malakas niyang sabi.

“Good morning, Mr. Raffy Santillan. Nice to see you again,” wika ni Elise.

“Walang maganda sa umaga,” sagot ni Raffy at biglang hinila sa braso si Edmond at mabilis na inilayo sa babae.

“Pare naman, hindi mo naman sinabi sa akin na siya ang ka-meeting natin. Siya ang dati kong asawa!” aniya.

“A-Ano? Dati mo siyang asawa?” gulat na tanong ng lalaki.

“Oo. Kung maaari ay ayoko siyang makita. Sabihin mo kay boss na ikaw na lang ang makipag-usap sa kaniya.”

“P-pero, isa ang kumpanya nila sa may pinakamalaking nai-invest sa kumpanya natin, pare. At isa pa, mahigpit na bilin ni boss na tayong dalawa at siya ang hahawak sa proyektong ito. Alam mo namang mahalaga kay boss na magawa ito, ‘di ba?” tugon ni Edmond.

Kahit naiinis ay walang nagawa si Raffy.

“Okay fine! Tatapusin lang natin ang proyektong ito at iyon lang. Kung hindi lang ako nahihiya kay boss ay hindi ko gagawin ito!” hayag pa ni Raffy sa kasama.

Matapos mag-usap ay binalikan nila ang kanina pa naghihintay na si Elise at inumpisahan na nilang kausapin ang babae tungkol sa kanilang negosasyon. Matapos ang meeting nila ay nagpaalam na sila rito ngunit muling nagsalita si Elise.

“Maari ka bang maiwan, Mr. Santillan? May sasabihin pa ako sa iyong importante,” seryosong sabi ng babae.

Tumango na lang si Edmond at marahang tinapik sa balikat si Raffy na nangangahulugang nagpapaalam na ito at babalik na sa kanilang opisina. Mayamaya ay naiwan ang dalawa. Walang kibo sa isa’t isa hanggang sa binasag na niya ang katahimikan.

“Ano pa ang gusto mong pag-usapan natin? Tapos na ang meeting natin ‘di ba?” may gigil na tanong ni Raffy sa dating asawa.

“Sa muling pagkakataon, gusto kong sabihin sa iyo na wala akong ginawang masama, Raffy. Hindi kita niloko, wala akong ibang lalaki. Nagsinungaling sa iyo ang mama mo, huwag kang maniwala sa kaniya. Ang totoo ay siya ang manloloko,” anito.

“A-ano ang ibig mong sabihin?” naguguluhan niyang tanong.

“Panoorin mo ito!” sabi ng lalaki sabay abot sa kaniya ng video camera. May ipinapanood na video sa kaniya ang babae.

“Noong araw na nakipaghiwalay ka sa akin ay pinuntahan ko ang mama mo at kinompronta at ibinunyag niya sa akin na kaya niyang gawin ang lahat para lang maghiwalay tayo. Inamin niya sa akin ang ginawa niyang panloloko sa iyo, ang paninira niya sa akin. May inupahan siyang lalaki na bigla na lamang lumapit noon sa akin sa labas ng opisina at ako’y hinalikan. Galit na galit ako noon sa nangyari kaya balak kong isumbong iyon sa iyo nang araw na iyon pero nagawa na akong siraan sa iyo ng iyong ina at pinalabas na nanlalalaki ako. Nagawa niyang ipagtapat ‘yan sa akin dahil ang sabi niya’y kahit anong paliwanag pa ang sabihin ko sa iyo ay hindi mo ako papakinggan, ngunit nagkamali siya dahil kung mautak siya ay mas mautak ako. Nagkamali siya nang aminin niya sa akin ang totoo. Ang hindi niya alam ay isinama ko ang kaibigan kong si Miriam nang magpunta ako sa kanila. Ininutos ko sa kaniya na palihim na kunan ng video ang pag-uusap namin ng iyong magaling na ina habang nasa labas siya ng bahay at nakasilip sa bintana. Noong una pa lang ay nakatunog na ako na ang iyong ina ang may kagagawan ng lahat kaya sinubukan kong paaminin siya sa kasalanan niyang ginawa at nagtagumpay naman ako. Siya ang dahilan ng pagkakasira ng ating relasyon, Raffy, dahil noon pa man ay hindi na niya ako gusto para sa iyo,” bunyag ni Elise.

Hindi makapaniwala si Raffy sa napanood niya. Ang kaniyang ina pala ang may kagagawan kung bakit nagkahiwalay silang mag-asawa. Ito pala ang manloloko at hindi si Elise.

“Iyan ang buong katotohanan, Raffy. Ang iyong ina ang may kagagawan ng lahat ng iyan. Siniraan lang niya ako sa iyo,” paliwanag pa ng kausap.

“E, paano mo maipapaliwanag iyong itinatago mong anak sa pagkadalaga?” hirit pa ng lalaki.

“Hindi rin totoo iyon, Raffy. Wala akong naging anak sa ibang lalaki. Tanging ikaw lang ang kaisa-isang lalaking minahal ko at pinag-alayan ng aking pagkababae,” giit pa ni Elise.

Dahil sa nalaman ay agad nilang pinuntahan ang bahay ng ina at ipinakita rito ang ebidensiya ng panloloko nito. Hindi ito nakapagsalita sa sobrang pagkapahiya. Inamin naman nito ang kasalanang ginawa at humingi ng tawad sa kanila ngunit sobrang masakit ang ginawa nito lalung-lalo na kay Raffy. Niloko siya ng sariling ina na buong akala niya ay totoong nagmamalasakit sa kaniya. Hindi pa alam ng lalaki kung kailan niya mapapatawad ang ina. Hindi lang kasi tiwala ang nasira pati ang kaniyang kaligayahan ay sinira nito. Napagpasiyahan niya na hilumin muna ang sugat na idinulot ng kaniyang ina.

Labis-labis ang paghingi ng tawad ni Raffy kay Elise at agad naman siyang pinatawad ng babae dahil mahal na mahal pa rin siya nito sa kabila nang ginawa niya rito. Ipinagpatuloy ng dalawa ang naudlot nilang pag-iibigan at muling nagpakasal. Binuo nilang muli ang kanilang pamilya at ‘di nagtagal ay biniyayaan sila ng isang malusog na anak.

Advertisement