Inday TrendingInday Trending
Inakit ng Pilyang Dalaga ang Lalaking Napupusuan Niya; Todo ang Pagkapahiya Niya nang Matuklasan ang Pagkatao Nito

Inakit ng Pilyang Dalaga ang Lalaking Napupusuan Niya; Todo ang Pagkapahiya Niya nang Matuklasan ang Pagkatao Nito

Nang-aakit na ngiti ang nakapaskil sa labi ni Lena nang sipatin niya ang sarili mula sa malaking salamin ng kaniyang tokador.

Napaka-sexy niya sa suot na bughaw na bestida.

Mahalaga ang gabing iyon. Ngayong gabi niya planong isakatuparan ang pang-aakit sa lalaking kaniyang napupusuan, si Aldrin.

Matagal na siyang nagpapalipad-hangin sa lalaki ngunit tila hindi pansin ng lalaki ang beauty niya. Napaka-loyal ng lalaki sa kasintahan nito.

Napaismid si Lena. Naniniwala kasi siya na kapag palay na ang lumapit sa manok, imposibleng hindi ito tumuka.

Isa pa, katwiran ni Lena, asawa nga, naaagaw pa, boyfriend pa kaya? Ano ang kaibahan ni Aldrin mula sa mga lalaking bumigay sa pang-aakit niya?

Pilya siyang napabungisngis habang nagwiwisik ng pabango bago siya lumabas mula sa kaniyang silid.

“Wow!” pabirong sumipol ang kaniyang nag-iisang kapatid na si Lyra nang makita nito ang kaniyang kabuuan.

“Maganda ba, sis?” nakangising tanong niya sa kapatid.

Malaki ang ngiting tumango si Lyra.

“Ang ganda-ganda naman ng ate ko!” proud na proud na wika nito bago lumapit sa kaniya at bahagyang inayos ang kaniyang buhok.

Nakangiting minasdan niya ang nakababatang kapatid na itinuturing niya ring matalik na kaibigan.

Dalawang taon lamang ang agwat nila kaya naman magkasundong-magkasundo sila.

“Masyado ka naman yatang maganda, parang may pinagpapagandahan tayo, ah?” pambubuska ni Lyra sa ate niyang talaga namang humahalimuyak sa bango.

“Alam mo naman ako, sis! Wala pang tumanggi sa ganda ko!” pabirong pagmamayabang niya sa kapatid.

“Naku, at umandar na naman po ang aleng gandang-ganda sa sarili!” Malambing na niyakap siya ng kapatid.

“Mag-enjoy ka sa party, ate! ‘Wag ka masyadong maglasing at baka mapahamak ka!” pagbibilin nito.

“Opo, opo, mama!” pang-aasar niya sa kapatid. Minsan talaga ay parang ito ang mas panganay sa kanilang dalawa. Kaya naman mahal na mahal niya ang kapatid.

Nang dumating si Lena sa party, kagaya ng inaasahan ay maraming lalaki ang napabaling ang atensiyon sa kaniya. Talaga namang siya ang maituturing na pinakamaganda ng gabing iyon.

Ngunit atensiyon ng nag-iisang lalaki lamang ang nais ni Lena.

Hinanap ng kaniyang paningin si Aldrin. Tila pumitlag ang kaniyang puso nang magtama ang kanilang paningin. Gwapong-gwapo ito sa suot na pulang polo.

“Match pa kami ng suot!” kinikilig na naglakad siya palapit sa lalaki.

Isang maliit na ngiti ang iginawad sa kaniya ng lalaki bago nito ibinalik ang atensiyon sa hawak nitong cellphone.

“Hi, Aldrin!” bati ni Lena sa lalaki bago niya inokupa ang upuan sa tabi nito.

“Hello, Lena,” tipid na sagot ng lalaki.

“Ang gwapo mo ngayon, ha! Bagay na bagay sa’yo ang pula,” puri niya sa lalaki.

Nahihiyang nagpasalamat ang lalaki.

“Sa’yo rin, bagay ang pula,” sinserong puri nito pabalik sa kaniya.

“Eh tayo kaya, bagay tayo?” pilyang wika niya sa lalaki.

Napabuntong hininga ang lalaki.

“Lena, isang kang maganda at disenteng babae. Ang sinumang mamahalin mo ay napakaswerte. Pero hindi ako ‘yun, dahil mayroon nang nagmamay-ari ng puso ko,” paliwanag ng lalaki.

“Hindi mo naman kailangang hiwalayan ang girlfriend mo, hindi niya naman kailangang malaman,” nang-aakit na ngiti ang ibinigay niya sa lalaki bago niya sensuwal na hinimas ang hita nito.

Nanlaki ang mata ng lalaki nang maunawaan ang ibig niyang sabihin. Pinalis nito ang kaniyang kamay.

“Hindi ko magagawa ‘yan sa girlfriend ko. Mahal na mahal ko siya!” matigas na wika ng lalaki bago naglakad papalayo.

Si Lena naman ay naiwang nagmamarakulyo. Mukhang mahihirapan siyang akitin si Aldrin.

Buong gabi siyang iniwasan ng lalaki. Sa tuwing susubukan niyang lumapit sa lalaki ay agad itong lalayo.

Mabuti na lamang at tila nakikiayon ang tadhana.

“Naku, lasing na lasing si Aldrin, paano kaya ‘to makakauwi? Kailangan ko na ring makauwi dahil galit na si misis!” himutok ni Barry, isa sa mga malapit na kaibigan ni Aldrin.

Hindi nagdalawang-isip si Lena at agad na nagprisinta.

“Ako, hindi naman ako uminom, pwede ko siya ipag-drive,” nakangiting wika niya sa lalaki.

“Naku, salamat Lena, ha! Ikaw na ang bahala sa kaibigan ko,” paalam ni Barry matapos nito akayin si Aldrin pasakay sa sasakyan.

Imbes na iuwi sa Aldrin sa bahay nito, dineretso niya sa kaniyang kwarto ang lalaki upang isagawa ang plano.

Hinalikan niya ang lalaki upang pag-initin ito subalit ilang sandali na ang lumipas ay wala pa ring malay ang lalaking lasing na lasing.

Inis na sumuko si Lena. Walang ibang magawa kundi masdan niya ang lalaking walang malay na naghihilik na nakahiga sa kaniyang kama.

Bigong humiga siya sa tabi ng lalaki. Ilang sandali pa ay mahimbing na rin siyang natutulog sa tabi nito.

Kinabukasan, isang komosyon ang bumungad sa paggising ni Lena.

Nabungaran niya ang kaniyang kapatid na galit na galit kay Aldrin na tila kagigising lang din mula sa pagkakahimbing.

“Walang hiya ka! Mambababae ka na lang, ‘yong kapatid ko pa!” umiiyak na sumbat ni Lyra kay Aldrin.

“Lyra! Hindi ako nambabae! Ikaw lang ang mahal ko! Please makinig ka naman sa akin.” Pilit na pagpapakalma ni Aldrin sa babae.

“Anong nangyayari?” naguguluhang tanong ni Lena sa dalawa.

“Mabuti naman at gising ka ka, Lena! Pwede bang magpaliwanag ka sa girlfriend ko, na kapatid mo pala?” madilim ang matang utos ni Aldrin sa babae.

Nanlaki ang mata ni Lena nang maunawaan ang buong pangyayari. Ang kaniyang kapatid pala ang kasintahan ni Aldrin!

Hiyang-hiyang ipinaliwanag ni Lena sa kapatid ang buong pangyayari. Hinding-hindi niya gugustuhin na masaktan ang nag-iisang kapatid at matalik na kaibigan.

“Sorry, Lyra! Hindi ko alam! Alam mo naman na hinding-hindi kita sasaktan, ‘di ba? Walang nangyari sa amin ni Aldrin dahil mahal na mahal ka niya. Ako ang may kasalanan ng lahat,” pagsusumamo ni Lena sa kapatid.

Hiyang-hiya si Lena sa kapatid at sa nobyo nito kaya naman abot-abot ang paghingi niya ng paumanhin.

Nang maunawaan ni Lyra ang buong pangyayari ay pinatawad din nito ang pilyang ate. Ayaw rin naman nitong magkaroon ng lamat ang relasyon nilang magkapatid at naniniwala itong natuto na ang nakatatandang kapatid sa nangyari.

Nang lumaon ay pinagtawanan na lamang nila ang kakat’wang insidenteng iyon.

Simula noon ay hindi na muli pang sinubukan ni Lena na paglaruan ang damdamin ng mga lalaking alam niyang may karelasyon na. Nasaksihan niya kung gaano nasaktan ang kaniyang kapatid sa kanilang ‘di pagkakaunawaan at napagtanto niyang ayaw niya nang mangyari iyon sa iba pang kababaihan.

Hindi nagtagal ay nahanap niya rin ang lalaking tunay na magmamahal sa kaniya – ang lalaking nakatadhana sa kaniya na hindi niya na kailangang akitin para lang mahalin siya.

Advertisement