
Patuloy na May Nagpapadala ng Bulaklak sa Isang Dalagang Hindi Kagandahan ang Hitsura; Naiyak Siya nang Malaman Niya Kung Kanino Ito Nanggagaling
“Kawawa naman at walang nanliligaw sa kaniya. Sabagay, paano nga namang may magkakagusto sa ganiyang uri ng mukha,” sambit ni Paula sa mga kaibigan habang pinaparinggan ang kaklaseng si Laura na naglalakad papasok ng silid-aralan.
“Tama ka! Kung ako ang may ganiyang hitsura ay hindi na ako lalabas ng bahay. Nakakaawa!” natatawang tugon naman ng isang dalaga.
Nagpatuloy ang tawanan ng dalawa. Samantala, iniyuko na lamang ni Laura ang kaniyang ulo sa kahihiyan na sinapit.
Tampulan lagi ng tukso ang dalagang si Laura sa kanilang silid-aralan. Mataba kasi ito, maitim at hindi kagandahan. Madalas siyang tuksuhin ng mga kamag-aral at gawing katatawanan. Dahil dito ay bumaba ang kumpansiya niya sa kaniyang sarili.
“H’wag mo silang pakinggan, Laura. Wala lang talagang magawa ang mga iyan. Wala rin namang nangliligaw sa kanila dahil sa sama ng kanilang mga ugali,” saad ni Wendy, matalik na kaibigan ng dalaga.
“Alam mo, Wendy, minsan ay ayaw ko na lang pumasok ng paaralan. Alam kong namang dapat ay hindi ko sila pinag-iiintindi ngunit hindi maiwasan ng damdamin ko na masaktan. Hindi ko naman nais na isilang na ganito ang hitsura,” malungkot na tugon ni Laura.
“Ano ka ba? Hindi naman sa hitsura ang batayan ng isang tao. Pabayaan mo na ang mga iyon. Matalino ka naman at mabuting kaibigan. Saka maraming gusto kang maging kaibigan dahil mabait ka,” wika muli ni Wendy.
“Sinasabi mo lang ‘yan para palubagin ang loob ko, Wendy. Pero ang totoo halos lahat naman ay pinagtatawanan ako. Kung hindi lang ikakalungkot ng mga magulang ko ay hindi na lang talaga ako papasok,” saad pa ng dalaga.
Kinabukasan ay hindi na naman tinantanan ng grupo ni Paula ang kawawang si Wendy.
“Ang lakas talaga ng loob at pumasok pa. Kahit anong pulbos ang gawin niya ay hindi maitatago ang na pinaglihi siya sa tutong ng kanin,” wika ni Paula sabay tawanan nilang magkakaibigan.
Nangingilid na ang luha ni Laura nang bigla na lamang niyang narinig ang kaniyang pangalan.
“Para po kay Laura Galang,” sambit ng lalaki na may tangang mga bulaklak habang nakatayo sa labas ng kanilang silid-aralan.
“A-ako?” pagtataka ni Laura.
“Ikaw ba si Laura Galang. May nagpapabigay sa iyo ng mga bulaklak na ito. Ang sabi niya ay sana’y mapangiti ka ng mga ito ngayong araw,” sambit pa ng binata.
“Kanino galing ang mga ito?” lubos na pagtataka ng dalaga.
“Ayaw ipasabi. Basta ang sabi lamang sa akin ay ibigay sa iyo,” tugon ng lalaki.
Nagulat ang lahat na may nagpadala ng bulaklak kay Laura lalo na ang nang-aasar sa kaniyang si Paula.
“Marahil ko ay siya lang ang nagpadala niyan sa kaniyang sarili,” sambit nito sabay tawa.
Ngunit hindi lamang natapos sa araw na iyon ang pagpapadala ng bulaklak kay Laura. Madalas siyang makatanggap din ng regalo at tsokolate.
“Sana daw ay mapuno ang puso mo ng ligaya ngayong araw. H’wag mo raw kalimutan na maraming nagmamahal sa’yo at para sa kanila ay maganda ka,” saad muli ng lalaki.
Dahil sa araw-araw na nakakatanggap ng mensahe, bulaklak at regalo si Laura ay unti-unting nawawala ang kaniyang hiya. Hindi man niya alam kung kanino ito nanggagaling ay tunay ngang napapagaan nito ang kaniyang damdamin.
“Kumusta naman, Laura? Gaano na ba ang nagagastos mo para magpadala sa sarili mo?” saad ni Paula na halatang inggit sa dalaga.
“Hindi ko alam ang sinasabi mo, Paula. Pero kahit ano man ang isipin mo ay hindi na ito mahalaga sa akin. Hindi mo na ako masasaktan pa,” saad ni Laura.
“Aba, tumaas na agad ang tingin sa sarili dahil lang sa may nagpapadala sa kaniyang kung anu-ano. Hindi mo kami maloloko, Laura. Kung hindi ikaw ang nagpapadala sa sarili mo ay marahil sa isang lalaking walang tino sa sarili,” pagmamayabang ni Paula.
Nagulat na lamang sila nang isang tinig ang sumingit sa kanilang usapan.
“Ikaw pala ang dahilan kung bakit nawalan ng kumpyansa sa sarili si Laura,” bungad ng lalaki.
Nagulat si Laura nang paglingon niya ay nakita niya ang ama na may bitbit na mga rosas at tsokolate.
“Ako ang ama ni Laura at hindi ako isang lalaking walang tino sa sarili,” saad pa ng ginoo.
“P-pa ano pong ginagawa niyo dito?” pagtataka ng dalaga.
“Sa inyo po ba nanggagaling ang lahat ng ito?” tanong pa ni Laura.
“Oo, anak. Araw-araw ka kasing umuuwi ng bahay na may lungkot sa iyong mukha. Hindi namin makayanan ng mama mo na makita kang ganoon. Kaya itinanong ko kay Wendy kung ano ba talaga ang nangyayari sa iyo.
Nalaman ko nga na bumababa ang kumpyansa mo sa iyong sarili dahil marami raw nanunukso sa iyo dahil sa hitsura mo. Anak, nais ko lang malaman mo na para sa amin ay ikaw ang maganda. Hindi mahihigitan ng panlabas na kaanyuan ang ganda ng inyong busilak na damdamin. Hindi ikaw ang pangit anak, kung hindi ang ugali ng mga taong nanunukso sa iyo,” sambit ng ama ni Laura.
Napaiyak na lamang ang dalaga at napayakap sa kaniyang ama.
“Patawarin po ninyo ako, pa, kung hindi po ako nagsabi sa inyo ni mama. Ayaw ko po kasing makadagdag pa sa mga iniisip niyo,” wika ni Laura.
“At para naman sa iyo, Paula, hindi ko alam kung paano ka pinalaki ng iyong mga magulang at kung alam ba nila ang ginagawa mong ito sa iyong kapwa. Pero sasabihin ko sa’yo na mas pipiliin ko ang babaeng tulad ng anak ko kaysa sa isang babaeng may masamang ugaling nagtatago sa magandang panlabas,” sambit ng ama ng dalaga.
Lubos na kahihiyan ang naramdaman ni Paula.
Agad na inireport ng ama ni Laura ang ginagawang panunukso ni Paula at mga kaibigan nito. Dahil dito ay nanganganib silang makatapos sa pag-aaral. Nang malaman naman ng mga magulang ng mga dalaga ang ginawa sa kaawa-awang si Laura ay lubos ang galit nito sa kahihiyang dinala ng kanilang mga anak.
Nanghingi ang mga ito ng paumanhin kay Laura at sa pamilya nito.
Samantala, lubos ang pasasalamat si Laura sa kaniyang mga magulang lalo na sa kaniyang ama sa pagpaparamdam sa kaniya ng kaniyang tunay na halaga. Simula noon ay hindi na siya naghiya pa at hindi na niya inintindi pa ang sabihin ng ibang tao laban sa kaniyang panlabas na kaanyuan.