
Tutol ang Ama sa Pag-aaral ng Kaniyang Anak; Bandang Huli ay Ito ang Kaniyang Ginawa
“Dalian mo, Ikay, baka mamaya ay maabutan ako ng itay na wala sa bahay!” humahangos na wika ni Uro habang mabilis silang tumatakbo ng kaniyang kaibigan pauwi ng bahay.
“Heto na nga at binibilisan ko na, Uro. Bakit kasi hindi mo na lang sabihin sa tatay mo na galing tayo sa kabayanan at matagal tayong nawala dahil gusto mong mag-aral. Baka mamaya ay matuwa pa iyon sa iyo!” tugon naman ng batang si Ikay.
“Alam mo naman ang itay ko, Ikay. Hindi naniniwala ‘yun sa edukasyon. Ang gusto niya ay palakasin ko ang aking katawan nang sa gayon ay makatulong ako sa kaniya sa pagsasaka,” saad pa ni Uro.
“Ano ba naman ‘yan. E ‘di araw-araw tayong tatakbo ng ganito? Grabe na nga ang pinagdaanan natin para lang sa kaunting aralin,” reklamo ng kaibigan.
Nang makarating sila ng bahay ay laking gulat na lamang ni Uro na nandoon na ang kaniyang ama.
“Sa’n ka galing? Dapat ay kanina ka pa narito!” sigaw ni Mang Teban.
“G-galing lang po kami sa kabilang baryo, ‘tay. May tinignan lang po kami ni Ikay,” hingal na hingal ngunit natatakot na tugon ni Uro.
“Tigilan mo ako sa pagsisinungaling mong bata ka! Nagpunta na naman kayo sa kabayanan, ano?” galit na sambit ng ginoo.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yong bata ka na hindi para sa kagaya nating mahirap ang pag-aaral. Kailan papasok sa kukote mo ‘yan?” patuloy na sigaw ng ama.
“‘Tay, gusto ko lang naman pong mag-aral. Kapag nakapagtapos po ako ng pag-aaral ay maihahango ko na po kayo sa hirap. Hindi niyo na po kailangan pang magpakakuba sa pagsasaka para sa maliit na halaga. Gusto ko lang naman pong makatulong sa inyo!” umiiyak na tugon ni Uro.
“Kung gusto mo talagang makatulong sa akin ay sundin mo lahat ng ipinag-uutos ko. Tigilan mo ang pagpunta-punta mo sa kabayanan para tumanghod lamang sa eskwelahan! Hinding-hindi ka iaahon ng edukasyon sa kahirapan! Nabuhay tayong mahirap, mamamat*y tayong mahirap. Tandaan mo ‘yan!” sambit ni Mang Teban.
Patuloy sa pag-iyak ang bata. Ngunit kahit na pinapagalitan ay pilit pa rin si Uro na pumunta ng kabayanan para lamang maka-pakinig ng kaunting aralin. Tinatawid nila ang sapa at saka maglalakad ng isang oras para lamang makapunta sa eskwelahan. Doon ay makikiupo sila ng kaibigang si Ikay upang makinig ng aralin.
Nagpalipas lamang ng ilang araw si Uro upang palamigin ang ulo ng ama. Nang nagkaroon siya ng tyempo ay agad niyang inaya na naman ang kaibigang si Ikay para sila’y pumunta ng kabayanan.
“Baka mamaya ay mahuli na naman tayo ng tatay mo, Uro. Sasaktan ka na naman niya,” saad ni Ikay.
“Ako ang bahala. Alam niya ay pupunta ako sa kabilang baryo upang magbenta ng palay. Pero nabenta ko na ito kahapon kaya marami tayong oras. Nakapagdala ka na ba ng ekstrang damit para hindi mahalata na basa tayo? Iwan na lang natin malapit sa sapa. Tara na, Ikay, hindi na ako makapaghintay na matuto,” pahayag ni Uro.
Kahit na alam niyang delikado at ayaw ng ama ay tumuloy pa rin si Uro kasama ang kaibigang si Ikay sa eskwelahan. Hindi nila ininda ang pagkabasa nila sa pagtawid sa sapa at matutuyo sila sa init sa tagal ng kanilang paglalakad para lamang makapag-aral.
Matapos ang aralin ay agad silang naglakad upang makauwi. Naglakad muli sila ng isang oras sa bundok at tumawid ng sapa.
Nang akmang magpapalit na ng damit ay lubusang nagulat si Uro nang makita ang ama.
“Sinangaling kang bata ka! Hindi ka na talaga magtitino. Pati ako ay papaikutin mo!” galit na sambit ni Mang Teban sabay hampas nang malakas sa kaniyang anak.
“‘T-tay, tama na po. Maawa po kayo sa akin. Ang tanging nais ko lang naman po ay makapag-aral. Parang awa niyo na po. ‘Wag nyo na po akong saktan,” pagsusumamo ng bata.
Ngunit tila walang naririnig si Mang Teban sa sinasabi ng anak. Patuloy ang kaniyang pagbubuhat ng kamay sa bata.
Sa kaniyang galit ay agad niyang sinadya ang paaralan kung saan naglalagi ang mga bata. Nais sana niyang kausapin ang guro upang hindi na pahintulutan pang makinig ng leksyon ang kaniyang anak. Ngunit nabigla siya sa kaniyang narinig.
“Lubusan po ang pagnanais ng inyong anak na makapag-aral. Sa totoo lamang ay mas magaling pa siya sa ibang mga mag-aaral dito. Nakakahinayang nga lang po dahil wala raw pong kakayahan ang pamilya ninyo na makapag-aral siya,” saad ng guro.
“Sa katunayan po ay inaalok namin siya ng libreng pag-aaral. Nais sana niya itong kunin kaso lamang ay tila nangangamba siya na mabigo niya kami. Sa tindi po ng pinagdaraanan ng bata para lamang po makapag-aral ay lubusan po ang aming paghanga sa kaniya. Lalo na nang sabihin niyang ginagawa niya ito para sa inyong dalawa. Nais daw po niya na iahon kayo sa kahirapan nang sa gayon ay hindi na kayo mahirapan pa sa pagsasaka,” dagdag pa nito.
Lubuasan na naliwanagan ang kaniyang ama dahil sa potensiyal na ipinakikita ng anak ngunit siya lamang pala ang humahadlang.
Kinabukasan ay maagang gumising si Uro. Nais sana niyang muling tumakas sa ama upang makapunta sa kabayanan.
“Hindi ka talaga titigil sa kakatakas mo, ano?” sambit ng ama na nasa kusina at nagkakape.
Agad na bumalik si Uro sa higaan dahil takot siyang magulpi na naman ng ama. Nang pahiga na muli ito sa papag ay agad nagwika muli si Mang Teban.
“Akala ko ba ay nais mong mag-aral. Hindi ba may klase ngayon? Bakit hindi ka pa maghanda?” sambit ng ama.
Lubusang nagulat si Uro sa winika nito.
“Pinapayagan niyo na po akong mag-aral, ‘tay?” naiiyak na saad ng bata.
“Maghanda ka na at ihahatid ko kayo ni Ikay sa sapa,” wika ng ama.
Nang makarating sila sa sapa ay nanlaki ang mata ni Uro at Ikay sa kanilang nakita.
“Kaninong bangka po ito, ‘tay?” tanong ng bata.
“Ginawa ko ang bangkang iyan para sa inyong dalawa. Nang sa gayon ay hindi na kayo mababasa pa sa pagtawid ng sapang ito. Hindi na kayo mahihirapan pa,” tugon ng ama.
“Pinahanga mo ako sa dedikasyon mo, anak. Patawarin mo ang tatay sa lahat ng nasabi ko sa’yo. Dapat ay hindi ko itinutulad sa’yo ang nangyari sa buhay ko. Matalino kang bata at malayo ang mararating mo,” pahayag pa ni Mang Teban.
Simula noon ay malaya nang nakakapasok sa paaralan si Uro at Ikay. Ginalingan ng dalawa sa kanilang pag-aaral. Pinatunayan nila na hindi hadlang ang kahirapan upang ikaw ay matuto. Nang matapos ang klase ay nagtamo ng unang karangalan itong si Uro dahil sa kaniyang galing at talino.
Lubos na ipinagmamalaki ni Mang Teban ang nakuhang parangal ng anak. Ginawa ng ama ang lahat upang sa gayon ay hindi mahinto sa pag-aaral ang kaniyang anak at makamit nito ang kaniyang pangarap at magtagumpay sa buhay.

Patuloy na May Nagpapadala ng Bulaklak sa Isang Dalagang Hindi Kagandahan ang Hitsura; Naiyak Siya nang Malaman Niya Kung Kanino Ito Nanggagaling
