
Iniwan ng Dalaga ang Mapapangasawang Mayaman dahil sa Kalupitan Nito; Hindi Niya Akalaing Ganitong Buhay pala ang Naghihintay sa Kaniya
“Ano ba ang ginawa mo at ngayon ka lang? Kanina pa ako naghihintay dito. Sinasayang mo ang oras ko alam mo namang madami akong ginagawa,” bungad ni Arthur sa kaniyang kasintahang si Janine pagsakay nito ng kotse.
“P-pasensiya ka na, marami pa kasi akong tinapos sa opisina. Ikaw naman sinabi ko na sa’yo na hindi mo na ako kailangan pang sunduin,” tugon ng dalaga.
“Tapos, ano? Magrereklamo ka sa akin na nahirapan kang sumakay. Tapos ay hindi ka makakasagot sa mga tawag ko dahil inabutan ka na ng pagkaubos ng baterya ng selpon mo? Basta kapag alam mong susunduin kita, bilisan mo. Alam mong bawat oras ko ay may katumbas na pera,” naiinis pa ring tugon ng nobyo.
“S-sige. Pasensiya ka na ulit. Hindi na mauulit,” mahinang sambit ni Janine.
“Bakit pa kasi ayaw mong umalis sa trabaho mo. Hindi mo naman na kailangan pang magtrabaho. Kapag naikasal na tayo ay kailangan mo nang tumigil sa trabaho mo. Ang liit-liit na naman ng sinasahod mo,” wika pa ni Arthur.
“H’wag mo namang minamaliit ang trabaho ko. Alam mong ito lamang ang inaasahan ng pamilya ko, Arthur. Kailangan ko ang trabaho ko para masuportahan ko sila,” pahayag ng dalaga.
“Hinahayaan mo kasi silang umasa sa iyo kaya hayan ang napapala mo tuloy. Kumakayod ka para lamang sa kanila,” lahad ng binata.
Hindi na lamang umimik pa si Janine dahil alam niyang sa away na naman mauuwi ang pag-uusap na ito.
Nasa hayskul pa lamang ay nililigawan na ni Arthur si Janine. Sa loob ng isang taong panliligaw ay napasagot din niya ito. Noong mga panahon na iyon ay hindi nagkakalayo ng antas sa buhay ang dalawa.
Hanggang sa nakapagtrabaho ang kaniyang ama sa ibang bansa. Nang makaipon ay umuwi ito sa Pilipinas upang magtayo ng negosyo. Umasenso ang negosyo ng kanilang pamilya at nang makatapos ng pag-aaral si Arthur ay agad siyang isinabak ng ama sa kanilang kumpanya.
Samantala, maraming masaklap na pangyayari naman ang nagdaan sa buhay ni Janine. Bukod kasi sa maagang yumao ang kaniyang ama ay nagkasakit na rin ang kaniyang ina dahilan upang siya na ang maging tagapagtaguyod ng kanilang pamilya.
“O bakit nakabusangot na naman ang mukha mo diyan, mars?” sambit kay Janine ng kasamahan sa trabaho at kaibigang si Gela.
‘Wala naman, mars. Iniisip ko lang paano pa kaya ako magkakaroon ng dagdag kita para sa mga gastusin namin sa bahay. Dumarami na ang iniinom na gamot ng nanay ko. Saka kailangan ko muli siyang ipasuri sa doktor,” tugon ng dalaga.
“Bakit hindi ka na lang maghiram o manghingi sa nobyomo. Mayaman si Arthur, hindi ba? Hindi mo na kailangan pang mamublema ng ganiyan,” saad ng kaibigan.
“Iba si Arthur, mars. Ayokong may maisumbat pa siya sa pamilya ko. Kaya nga hindi ako tumitigil na magtrabaho. Gusto nga niya kapag ikinasal kami ay umalis na ako dito. E paano naman ang pamilya ko? Ako lang ang inaasahan nila. Lalo ni nanay,” pahayag ng dalaga.
“Ewan ko ba sa’yo, bakit hindi mo pa hiwalayan ‘yang si Arthur. Napakasama ng ugali. Kung tratuhin ka ay parang ang baba mong tao porket mayaman lang sila. Parang hindi dumaan sa hirap. Napakadamot pa. Buti ay natatagalan mo ang ugali niyang nobyo mo,” sambit ni Gela.
“Mabait naman si Arthur, mars. Mahal ko siya. Ang tagal na rin ng relasyon namin. Hindi ko nga alam kung bakit bigla na lang siyang nagbago. Sa totoo lang hindi ko naman hangad ang yaman nila. Ang gusto ko lang ay isang simpleng pamumuhay na alam kong mahal ako ng asawa ko at mamahalin din ang mga taong mahal ko,” wika ni Janine.
“Hala, kanina pa pala nagtext si Arthur na naroon na siya sa baba. Nakailang tawag na rin siya. Uuwi na ako, Gela. Ikaw na ang bahala dito. Baka mag-away na naman kami,” sambit ng dalaga habang nagmamadali na lisanin ang opisina.
Hindi nga nagkamali si Janine. Sa galit ni Arthur ay iniwan na lamang siya nito at umalis na kaagad.
“Sinabi ko na sa’yo na hindi ko gustong naaaksaya ang oras ko,” tanging mensahe ni Arthur sa kaniyang nobya.
Sa sama ng loob ni Janine ay hindi na niya naiwasan pa ang umiyak. Nais sana niyang alisin muna ang lumbay bago siya umuwi ng bahay sapagkat ayaw niyang malaman ng ina na mayroon siyang mabigat na dinadala.
Pumunta siya sa isang kapihan at saglit na nagbasa ng libro. Nang biglang may lumapit sa kaniyang lalaki.
“Hindi ko sinasadyang abalahin ka, miss, pero kanina ko pa kasi nappansin ang binabasa mong libro. Masaya lang ako sapagkat paborito ko ang libro na iyan at madalang lamang akong makakita ng taong nais basahin ‘yan,” sambit ng ginoo.
“Patawad, ako nga pala si Steve. Alam ko magkatapat lang ang opisina nating dalawa,” dagdag pa niya.
“Ayos lang. Paborito ko rin ang libro na ito. Sa totoo lang pangatlong beses ko na ito binabasa,” tugon ni Janine.
“Ako nga pala si Janine,” muli niyang sambit.
Dahil sa librong iyon ay nagpatuloy ang kanilang kwentuhan. Sa isang iglap ay tila nakalimutan na ni Janine ang kaniyang problema. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lamang kagaan ang loob niya sa binata at mabilis nitong natanggal ang bigat sa kaniyang dibdib. Nakakita siya ng bagong kaibigan sa pagkatao ni Steve.
Madalas kung magkita ang dalawa dahil malapit lamang ang kanilang opisina. Madalas ay makita ni Steve na malungkot ang dalaga dahil hindi pa rin kinakausap ni Arthur ang kaniyang kasintahan. Kahit na madalas ay tawagan ito at i-text ni Janine ay hindi ito sumasagot. Pakiramdam niya ay malaking abala lamang ang nobya.
Naging sandigan ni Janine sa mga panahong iyon ang kaibigang si Gela at Steve. Hanggang sa hindi na makapagpigil pa ng nararamdaman ang binata at nagtapat na ito ng pag-ibig kay Janine.
Hati naman ang nararamdaman ng dalaga sapagkat alam niyang maling umibig siya sa iba gayong mayroon pa siyang nobyo. Kaya kahit na matagal ang relasyon nila ni Arthur ay agad na rin niya itong tinapos.
Ang akala ni Arthur ay nagbibiro lamang ang dalaga sapagkat alam nitong hindi nito kaya na mawala siya. Nang nalaman niyang may iba na palang nanliligaw dito ay agad niya itong pinuntahan at hiniya lalo na nang malaman niyang ang lalaking ipinagpalit sa kaniya ay hindi kasing taas ng kaniyang antas sa buhay.
“Anong ipapakain sa’yo niyan? Pagmamahal niya? Kapag nahirapan ka ay alam kong babalik ka rin sa akin!” pagmamayabang ni Arthur.
“Ang yabang mo talaga. Kailan mo kaya mapapagtanto na hindi lahat ay tungkol sa pera. Patawad kung sa tingin mo ay ibinasura ko ang pinagsamahan natin. Pero para sabihin ko sa’yo, nagtiis ako ng matagal dahil mahal kita. Pero palala ng palala ang ugali mo. Hindi na ikaw ang dating Arthur na nakilala ko,” saad ni Janine.
Hindi naglaon makipas ang ilang buwan ay sinagot na rin ni Janine si Steve. Naging masaya ang kanilang relasyon. Hanggang sa nagdesisyon nga sila na magpakasal na makalipas ang dalawang taon.
Samantala, hindi pa rin nakaka-move on si Arthur sa pagkabigo sa dalaga kahit na alam niyang ikinasal na ito.
Nagkrus ang landas ng dalawa isang araw habang papasok sa opisina si Janine. Nakatingala ito sa isang mataas na gusali.
“Diyan ka dapat nakatira kung ako ang napangasawa mo,” wika ni Arthur sa dating kasintahan.
“Kung ikaw ang napangasawa ko, malamang ko ngayon ay hindi ako masaya. Sana ay makahanap ka ng babaeng nararapat sa’yo dahil ako, nakita ko na ang taong tunay na magmamahal sa akin at sa lahat ng mahal ko sa buhay– si Steve. Masaya ako sa buhay na mayroon kami, sana ikaw din. Mahanap mo na ang tunay na kaligayahan sa buhay,” saad ni Janine kay Arthur.
Dahil sa mga ngiting iyon ay napatunayan ni Arthur na tunay na masaya nga si Janine sa buhay na kaniyang pinili. Hindi man siya sobrang yaman ay nabubuhay sila ng puno ng pagmamahalan. Doon ay napagtanto ni Arthur na hindi pala talaga lahat ay natutumbasan ng pera o kahit anong kayamanan.