
Malaki ang Naging Sakripisyo ng Panganay na Anak Upang Tumayong Magulang sa Kaniyang Mga Nakababatang Kapatid; Hindi Siya Makapaniwala sa Isusukli ng mga Ito sa Kaniya
Espesyal ang araw na iyon para kay Adelfa dahil nakapagtapos na rin sa Senior High School ang kanilang bunsong si Adolfo. Hindi lamang basta nakapagtapos, kundi ito rin ang nakakuha ng pinakamataas na parangal.
Nang parehong mawala ang kanilang mga magulang sa isang karima-rimarim na aksidente, hindi nagdalawang-isip si Adelfa na tumigil sa kaniyang pag-aaral sa kolehiyo upang magtrabaho at buhayin ang mga kapatid.
Si Adeline naman, ang sumunod sa kaniya, ay malapit nang magtapos sa kursong Mechanical Engineering. Siya rin ang nagpaaral dito.
“Saan ninyo gustong kumain? Mag-celebrate tayo,” tanong ni Adelfa sa kaniyang mga kapatid.
“Ate, huwag na muna. May mas naiisip kami ni Ate Adeline. Puwede ba akong magpaparty sa bahay?” tanong ni Adolfo.
“Gusto kasi niya imbitahan ang mga teachers at kaklase niya dahil nga siya ang with highest honor. Blow out daw niya. Sige na ate, kahit ibawas mo na lang sa allowance ko ang gagastusin mo,” panghihikayat ni Adeline.
“Wala naman problema sa akin. Sige, ayos lang naman. Tutal naman tapos na ako sa hinuhulugan kong utang, saka may isa pa naman akong inaasahang suweldo sa isa kong raket. Sige lang. Ano ba ang kailangan kong gawin?” tanong ni Adelfa.
“Kami nang bahala, ate. Chillax ka lang,” nakangiting sabi ni Adeline sabay thumbs up.
Makalipas ang dalawang araw, kasado na ang maliit na party sa tahanan nila. Sina Adolfo at Adeline ang naghanda ng lahat. Hindi na nila inabala ang kanilang ate dahil alam nilang abala ito sa trabaho.
Isa-isang dumating ang mga inimbitahang kaklase at mga guro ni Adolfo. Malugod naman itong inestima nina Adelfa at Adeline. May kaunting programa silang inihanda, na ang emcee ay sina Adolfo at Adeline mismo.
At nagsimula na nga ang munting programa.
“Maraming salamat po sa pagpunta rito sa aming munting tahanan. Salamat po sa aking mga teachers and classmates. Ang dahilan naman po talaga ng party na ito, ay hindi talaga dahil sa parangal na nakuha ko,” sabi ni Adolfo.
Nangunot ang noo ni Adelfa sa kaniyang mga narinig mula sa bunsong kapatid.
“Napagkasunduan po namin ng Ate Adeline ko na magkaroon ng isang party para mapasalamatan namin at mabigyang-parangal ang isang taong malaki ang naging sakripisyo sa aming magkapatid, simula po noong nawala sina Mommy at Daddy sa isang aksidente,” ani Adolfo.
“Isinakripisyo po niya ang sarili niya para po sa amin ni Ate Adeline, kahit na dalawang taon na lamang at graduate na sana siya sa college noon. Siya ang dumadalo sa mga PTA meeting sa school namin ni Ate Adeline, at siya rin ang nagbibigay sa amin ng allowance. Ang party po na ito ay para sa aming ate. Palakpakan po natin ang aming ate, si Ate Adelfa!”
Umugong ang masigabong palakpakan. Gulat na gulat si Adelfa sa sorpresa ng kaniyang dalawang kapatid. Inanyayahan siya nina Adolfo at Adeline sa harapan upang makapagbigay siya ng mensahe. Nagpaunlak naman siya.
“Wow… grabe itong sorpresa ninyo ah. Magandang gabi po sa inyong salamat. Unang-una po, maraming salamat sa pagpapaunlak sa aming munting party na ito. Hindi ninyo lang po alam kung paano ninyo kami napasaya,” panimula ni Adelfa.
“Maraming-maraming salamat din sa aking dalawang sweet na kapatid, Adolfo at Adeline. Ginulat ninyo ang ate ninyo. Salamat sa party na ito, masayang-masaya ako dahil nagkaroon ako ng dalawang responsableng kapatid na gaya ninyo. Hindi sayang ang mga sakripisyo ko sa inyo. Alam kong nakangiti ngayon sina Mommy at Daddy, saan man sila naroroon ngayon. Proud na proud sila sa inyong dalawa,” umiiyak na sabi ni Adelfa sa kaniyang dalawang kapatid.
“Ano ba ‘yan… umiiyak na ako rito. Anyway, huwag na po tayong magpaka-senti rito, let us enjoy the food, let us enjoy the night!” sabi ni Adelfa sa mga bisita. Masigabong palakpakan ulit ang inialay sa kaniya ng lahat, at nagsimula na nga ang munting salusalo.
“Kayo talaga… ginugulat ninyo ako eh,” sabi ni Adelfa sa dalawang kapatid habang nagpapahid ng luha gamit ang tissue paper.
“Mahal na mahal ka namin ate. Maraming salamat sa lahat!” naiiyak na sabi ni Adeline.
“Ipinagmamalaki namin na ikaw ang ate namin. Mahal na mahal ka namin! Huwag kang mag-alala ate, kapag nakatapos na kami ni Ate Adeline, puwede ka na mag-asawa,” biro ni Adolfo. Nagkatawanan silang tatlo at mahigpit na nagyakap. Alam nilang masayang-masaya ang kanilang mga magulang sa kanilang tatlo dahil tunay silang nagmamahalan sa isa’t isa!

Iniwan ng Dalaga ang Mapapangasawang Mayaman dahil sa Kalupitan Nito; Hindi Niya Akalaing Ganitong Buhay pala ang Naghihintay sa Kaniya
