
Dahil ‘Di Nakapag-aral ay ‘Di Maturuan ng Ginang ang Anak; Ano Kaya ang Ginawa Niya Upang Magabayan ang mga Ito sa Bagong Normal na Pag-aaral?
Simula nang mag-umpisa ang pasukan, hindi na makatulog nang maayos si Aling Meding. Siya ay isang simpleng maybahay na naiiwan sa bahay, kaya naman nakatoka sa kaniya ang paggabay sa kaniyang dalawang anak sa pagsagot ng mga ito sa learning modules.
“Paano kaya ito? Wala naman akong alam,” lagi niyang naiisip.
Ang kaniyang panganay na anak na si Lyka ay nasa Grade 5, at ang kaniyang bunsong si Lucas naman ay nasa Grade 3. High school lamang ang natapos ni Aling Meding, kaya kinakabahan siya sa tuwing lalapit sa kaniya ang mga anak upang magtanong at sumangguni sa kaniya.
“Nanay, ano po ba ang sagot dito sa Math problem na ito?” tanong sa kaniya ni Lyka. Kunwari, hindi niya narinig ang tanong nito. Abala siya noon sa paghihimay ng mga gulay para sa uulamin nila mamayang tanghali.
Dahil inakalang hindi narinig, lumapit pa si Lyka sa kaniyang nanay dala-dala ang module sa asignaturang Matematika. Halos iduldol ni Lyka sa mukha ni Aling Meding ang module.
“Nay… hindi ko po alam ang isasagot ko rito,” tila naiiyak na sabi ni Lyka.
“Ano ka ba naman, Lyka… Nakita mong may ginagawa ang nanay mo eh. Sa akin ka pa nagtanong. Ano ba kasi iyan?”
“Heto nga po… hindi ko po kasi maintindihan…”
At tiningnan nga ni Aling Meding ang itinuturo ng anak. Hindi rin niya maunawaan.
“Anak naman eh, matagal na akong hindi pumapasok sa eskuwela, hindi ko alam iyan,” nasabi na lamang ni Aling Meding. Nagkakamot ng ulo na bumalik si Lyka sa mesang gawaan upang ipagpatuloy ang pagsagot sa module.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganoon ang eksena nila sa loob ng bahay. Hanggang sa tumigil na rin sa pagtatanong ang dalawang bata kay Aling Meding dahil pakiramdam nila, hindi naman masasagot ng kanilang nanay ang itatanong nila. Bagay na naramdaman din naman ni Aling Meding.
Sa mga ganoong pagkakataon, nakararamdam ng panliliit sa kaniyang sarili ang kaawa-awang ina. Kasalanan ba niya kung wala silang pera noon kaya hindi na siya nakapag-aral pa? Alam ng Panginoon ang nilalaman ng kaibuturan ng kaniyang puso: gustong-gusto niyang makatapos ng pag-aaral. Gustong-gusto niyang makapagkolehiyo. Subalit hindi kinaya ng kaniyang nanay at tatay ang pagpapaaral sa kaniya. Wala na siyang nagawa kundi magtrabaho na lamang.
Nang makilala niya ang mister, naisip ni Aling Meding na ganoon na lamang yata talaga ang papel niya. Maging simpleng maybahay. Hindi niya naisip na daratinga ang pagkakataong ito, na magkakaroon ng pandemya na magpapahinto sa lahat ng halos mga nakasanayang gawin, kagaya na lamang ng direktang paggabay ng mga magulang sa pag-aaral ng mga anak.
Subalit may kailangan siyang gawin. Hindi puwedeng maulit sa kaniyang mga anak ang dinanas niya. Gusto niya, makatapos ang mga ito ng pag-aaral at matupad ang kanilang mga pangarap. Isang desisyon ang ginawa niya.
Kinabukasan, dinala ni Aling Meding ang mga modules ng kaniyang anak. Nagtungo siya sa paaralan. Pumapasok kasi ang mga guro tuwing Biyernes. Doon sila nagsasagawa ng online class. Nagkataong naabutan niya roon ang guro ni Lyka sa Science na si Mam Matel, noong ito ay nasa Grade 4 pa, at tumayong class adviser nito.
“Misis, napasugod ho kayo? May problema ho ba sa module?” magiliw na tanong ni Mam Matel.
“Wala naman po, Mam. Kumpleto naman po ang mga modules ni Lyka. Mam, nakakahiya man po, mayroon ho sana akong pabor sa inyo,” pagsusumamo ni Aling Meding.
“Sige ho misis ano ho iyon?” tanong ni Mam Matel.
“Puwede po ba akong magpaturo sa inyo? High school graduate lang po ako, Mam Matel. Hindi ko na po alam ang mga aralin sa Science saka sa iba pang subjects. Gusto ko pong magabayan ang mga anak ko. Pero paano ko po gagawin iyon kung hindi sapat ang mga nalalaman ko tungkol sa mga aralin nila? Pasensiya na po,” sabi ni Aling Meding.
Nagpaunlak naman si Mam Matel. Matiyaga niyang itinuro kay Aling Meding ang mga aralin sa Science na nakalagay sa module, gayundin sa iba pang mga asignatura ay nagbigay ng assistance ang guro. Nagbigay pa siya ng notes dito.
“Nakakatuwa naman po kayo misis. Habang ang ilan pong mga magulang ay nagpupunta rito para magreklamo, kayo pa lang po ang nakaharap kong nanay na nagpunta pa talaga rito para magpaturo. Mabuhay po kayo,” nakangiting papuri ni Mam Matel.
Masaya at masiglang umuwi si Aling Meding. Ngayon, nakatitiyak na siyang may maisasagot na siya kapag nagtanong sa kaniya sina Lyka at Lucas. Nangako si Mam Matel na nakahanda siyang turuang muli si Aling Meding kung sakaling may mga aralin siyang hindi maunawaan, at upang magabayan niya ang dalawang anak sa pagsagot sa module. Sabi nga, kung gusto ay maraming paraan, at kung ayaw naman ay maraming dahilan.

Malaki ang Naging Sakripisyo ng Panganay na Anak Upang Tumayong Magulang sa Kaniyang Mga Nakababatang Kapatid; Hindi Siya Makapaniwala sa Isusukli ng mga Ito sa Kaniya
