Inday TrendingInday Trending
Napakaguwapo Lalo sa Personal ng Lalaking Nakilala ng Dalaga sa Isang Dating App; Siya na Kaya ang Lalaking Nakatadhana Para sa Kaniya?

Napakaguwapo Lalo sa Personal ng Lalaking Nakilala ng Dalaga sa Isang Dating App; Siya na Kaya ang Lalaking Nakatadhana Para sa Kaniya?

Sadyang pinaghandaan ni Daisy ang pagkikita nila ng chatmate na si Julio.

4:00 pa lamang ng madaling araw, gising na siya. Nagplantsa siya ng kaniyang susuuting damit. Sinipat-sipat ang sarili sa salamin, kung babagay ba sa kaniya, gayundin ang sapatos na kaniyang susuutin. Kay tagal niyang hinintay ang mga sandaling ito. Matapos ang anim na buwang pag-uusap sa dating app, napagpasyahan na rin nilang magkita.

“Oh anak, saan ang lakad mo?” tanong ni Aling Milagros sa anak. Nagulat ito sa liwanag na nagmumula sa sala.

“A-ay Ma, may reunion lang po kaming magkakaklase noong college. Medyo malayo-layo po kasi kaya kailangan makabyahe na. Baka ako ma-late, nakakahiya naman sa kanila,” pagtatakip ni Daisy. Hindi niya puwedeng sabihin ang gagawin niyang pakikipagkita sa chatmate. Tiyak na pipigilan siya nito.

“Ah ganoon ba? Sige, kumain ka muna. Maghahanda ako ng almusal para kumain ka muna,” sabi na lamang ni Aling Milagros.

Pagkatapos makapag-agahan, agad na gumayak si Daisy. Ayaw niyang mahuli. Nakakahiya naman kay Julio. Batay sa mga larawan nito sa dating app, mukhang galing sa maayos na pamilya ang lalaki at may sinasabi sa buhay.

Sa anim na buwang pag-uusap nila, marami na siyang nakilala sa binata. Isa umano itong negosyante, nag-aral sa ibang bansa, at ngayon ay nag-aaral ng masteral studies sa isang prestihiyosong pamantasan sa Maynila. Sinubukan niyang i-stalk ito sa social media, subalit hindi niya ito mahanap. Katwiran nito, naka-private daw kasi ang account nito, at sorpresa na lamang daw ang kaniyang personalidad sa kanilang pagkikita.

Minabuti ni Daisy na umalis nang maaga upang hindi siya mahuli at maiwasan ang traffic. Mas gusto niyang nakahanda siya isang oras bago sila magkaharap ni Julio. May panahon pa siya upang mag-ayos kung sakali.

At hindi nga nagkamali si Daisy. Hindi siya mapakali habang nasa kanilang coffee shop na pinili niyang tambayan muna. Hindi muna siya dumiretso sa talagang coffee shop na pagkikitaan nila ni Julio, sa loob din ng mall na iyon. Baka isipin kasi nitong atat na atat na siya. Kahit nasa mall na siya, sinabi niyang nasa biyahe pa siya.

Dumating ang takdang oras ng kanilang pagkikita. Nasa harap na ni Daisy ang isang napakaguwapo at napakakisig na lalaki. Unang kita pa lamang ni Daisy kay Julio, iisa lamang ang itinakbo ng kaniyang isipan: naka-jackpot ka girl, at huwag mo nang pakawalan ito!

“Hi, Daisy. Pasensiya ka na, medyo na-late ako. Finally. I’m Julio,” nakangiting pagbati sa kaniya nito. Inilahad nito ang kamay upang makipagkamay. Napatulala naman si Daisy rito.

“Ayos ka lang?” tanong ni Julio.

Hindi magkandatuto si Daisy. May kung anong puwersa ang humahatak sa kaniyang mga mata, na pakatitigan lamang si Julio. Hindi kasi siya makapaniwalang napakaguwapo nito!

“Oo naman. Ayos lang ako,” nabubulol na sabi ni Daisy. Hindi naman ito ang unang pagkatataong nakipag-meet up siya sa lalaki. Noon nga, wala pa talaga siyang ideya sa hitsura, lalo na ang mga panahong telepono pa ang uso at hindi cellphone. Phone pal ang tawag.

Nagtungo na sila sa coffee shop kung saan sila dapat tatambay. At napakadaldal pala ni Julio. Tawa naman nang tawa si Daisy sa mga biro nito, kahit na medyo berde na. Parang ang saya-saya ng pakiramdam niya sa presensiya ni Julio.

“Nood tayo sine?” pagkaraan ay aya ni Julio.

“Oo, sige…” sagot ni Daisy. Para siyang nahihipnotsimo sa mapupungay na mga mata ng binata at nahahaling sa matatamis na mga ngiti nito. Labis-labis na atraksyon ang kaniyang nararamdaman.

Sa totoo lamang, ni hindi niya alam kung paano siya napapayag ni Julio na manood ng horror movie. Ayaw niya kasing nanonood nito lalo na sa sinehan. Alam iyan ng mga kaibigan niya. Subalit hindi niya alam kung bakit nakita na lamang niya ang sariling nasa loob ng sinehan, at hinayaan niyang hawakan ni Julio ang kaniyang mga kamay. Wala siyang lakas upang bawiin ito; dahil aminado siyang gusto rin naman niya ang ginagawa nito. Hanggang sa maramdaman niyang gumagapang na ang mga kamay ni Julio patungo sa loob ng kaniyang blusa. Muli, hindi makahuma si Daisy. Alam niyang mali iyon subalit wala siyang lakas upang tutulan at pigilan ang ginagawa ni Julio sa kaniyang dibdib.

Hanggang sa makaramdam ng tawag ng kalikasan si Daisy.

“J-Julio, naiihi ako… sandali lang…” bulong ni Daisy.

“Ah ganoon ba? Gusto mo samahan kita?” malambing na tanong ni Julio. Naamoy niya ang mabangong hininga nito. Lalaking-lalaki.

“Hindi… okay lang naman ako,” sagot ni Daisy.

“Sige, mag-ingat ka. Gusto mo, ako na muna humawak ng bag mo?” alok ni Julio.

Dahil medyo may kalakihan ang kaniyang shoulder bag at iihi lamang naman siya, ibinigay niya muna ang bag kay Julio saka siya umalis. Napansin niyang tatatlo lamang silang mga nanonood ng naturang horror movie, at kagaya nila ni Julio, magpapares din, na nasa mga dulong bahagi ng sinehan…

Pagkatapos makaihi, bumalik na si Daisy sa kanilang upuan. Subalit nagtaka siya dahil wala na si Julio. Naisip niya, baka umihi rin ito kaya bumalik na lamang siya sa upuan nila at hinintay ito.

Subalit halos limang minuto na ang nakalilipas, walang Julio na bumalik. Kinutuban na si Daisy. Hindi na niya tinapos ang pelikula. Lumabas na siya at nagtungo sa bandang palikuran ng mga lalaki. Pinakiusapan niya ang janitor na kung maaari ay tingnan kung sino ang tao sa loob nito. Wala na raw.

Agad na nagtungo si Daisy sa administration office ng mall. Mabuti na lamang at may CCTV sa loob ng sinehan. Kitang-kita nila na pagkaalis ni Daisy, tumayo na si Julio at naglakad palabas, dala-dala ang kaniyang bag. Sa dami ng tao sa loob ng mall, nahirapan silang i-trace kung saang gate ng mall lumabas si Julio.

Isa lamang ang napagtanto ni Daisy: nabudol-budol siya. Isa palang magnanakaw si Julio. Mabuti na lamang at naibulsa pala niya ang kaniyang cellphone. Nang icheck niya ang profile nito sa app, burado na ito. Hindi naman niya ma-check ang Facebook o Instagram nito dahil hindi naman nito ibinigay.

Ipina-blotter na lamang ni Daisy ang mga nangyari. Natangayan siya ng mahigit limang libong piso, subalit ang inaalala niya ay ang mga mahahalagang ID at cards na naroon.

Napagtanto ni Daisy na hindi dapat ibigay ang 100% na pagtitiwala sa taong kakakilala lang, kahit na mukha siyang matino, o kaaya-aya sa ating paningin. Napatunayan niya ang kasabihang “Looks can be deceiving.” Ang lalaking inakala niyang “nagnakaw” ng kaniyang puso at atensyon, ay isa palang literal na magnanakaw at mapagsamantala.

Advertisement